Nasasaktan ang kalooban ng dating aktres na si Kate Gomez sa mga nababasa niya sa social media kaya nagdesisyon siyang magsalita tungkol sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng kanyang anak na si Rob Gomez at ng live-in partner nitong si Miss Multinational Philippines 2021 Shaila Rebortera.
Isiniwalat ni Shaila sa publiko, sa pamamagitan ng kanyang Facebook post noong Biyernes, August 4, 2023, na may anak na sila ni Rob—ang eight-month-old na si Amelia.
Read: Beauty queen reveals she has daughter with actor Rob Gomez
Hindi nagustuhan ni Shaila ang pahayag ng aktor sa guesting nito sa Fast Talk with Boy Abunda noong Huwebes, August 3.
"Single" sagot ni Rob sa tanong ni Boy kasunod ang pag-aming may love life siya.
“Meron po tayo, siyempre kawawa naman po tayo kung wala tayong love life. May mga… I don’t know if I can disclose it but we always have someone.
“Masaya po tayo ngayon. Masaya po tayo, I’m very happy with how everything is going, with my life outside of work.
"Everything is good, everything is really, really good,” sabi ni Rob.
WHAT TRIGGERED SHAILA TO REVEAL RELATIONSHIP WITH ROB
Matagal nang hindi lumalabas si Kate sa pelikula at telebisyon. Hindi siya nagpapaunlak magpainterbyu mula nang pumasok si Rob sa showbiz.
Pero nitong Lunes ng gabi, August 7, 2023, binasag ni Kate ang pananahimik para sagutin ang masasakit na akusasyon laban sa kanyang anak.
Sa exclusive interview niya sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), sinabi ni Kate na nag-ugat ang problema dahil bukod sa pahayag ni Rob na single ito, gusto ni Shaila na mag-post ang aktor sa sariling social media account nito ng happy family picture.
Saad ng dating aktres, “The whole family is parang at loss because of what happened.
"Ako, gustung-gusto ko nang mag-post ng picture ng apo ko kasi inggit na inggit na ako sa mga ka-age ko na ang daming apo.
"Kaya lang, sinasabi sa akin, huwag muna."
Nanindigan si Kate na walang katotohanan ang paratang na itinatago ni Rob sa publiko ang pagkakaroon ng girlfriend at anak.
Hindi raw binanggit ni Rob na si Shaila at ang kanilang anak ang mga taong nagpapasaya sa aktor dahil sa kagustuhan nitong ihiwalay niya ang professional life sa personal life.
Sabi ni Kate, “Hindi masasabing idinenay sila ni Robert [tunay na pangalan ni Rob]. Hindi lang ipinu-flaunt ni Robert.
"Pero sa ospital, sa mga check-up sa doktor, sa bakasyon, magkasama sila. Hindi siya itinatago."
Read: Rob Gomez ipinaliwanag kung bakit Gomez at hindi Estrada ang ginamit niyang screen name
KATE SAYS ROB PROPOSED TO SHAILA WHEN SHE GOT PREGNANT
Ayon pa kay Kate, inalok agad ni Rob ng kasal si Shaila nang magdalantao ang beauty queen.
Lahad niya, “Nang magbuntis si Shaila, nag-propose agad sa kanya si Robert noong May 2022. Pinuntahan siya sa Cebu, nag-schedule na sila [magpakasal].
"Kaso, namatay ang father in-law ko. E, pure Chinese ang family ng husband ko.
“Sa tradisyon ng mga Chinese, kapag may namatay, two years na hindi puwedeng magpakasal, mag-celebrate ng birthdays, at bawal magsuot ng pula.
"Kaya nakiusap ako kay Shaila kung puwedeng i-delay ang wedding.
“Aside from that, meron siyang crown [Miss Multinational Philippines] na iniingatan that time. Dapat nga may competition pa siya kaya lang parang na-cancel.
"Blessing din naman na-cancel kasi buntis siya.”
Ipinaayos pa raw ni Kate ang kanilang bahay sa Parañaque City para makasama nila sina Rob at Shaila.
“Ipina-renovate ko yung bahay namin nang lumipat siya. Tapos nagpa-baby shower party pa kami. Nag-invite kami ng friends niya, mga taga-pageant industry."
Diin ni Kate, “Never naming itinago ang relasyon nila ni Robert. Alam ng agency niya.
“Pati sa mga check-up ni Shaila at panganganak noong December 5, 2022, si Robert ang nasa loob ng delivery room, nagbi-video."
Dagdag pa niya, “Sobrang ganda ng apo ko. Sobrang proud ako sa apo ko kaya gustung-gusto kong mag-post ng picture niya sa social media.
"Kaso sabi ni Robert, huwag muna, ipunin ko muna ang pictures.”
SHAILA BREAKS UP WITH ROB
Matinding lungkot ang nararamdaman ni Kate sa kasalukuyan dahil nitong Lunes, August 7, nagpasya si Shaila na makipaghiwalay kay Rob.
Umalis ang beauty queen sa bahay nila sa Parañaque, kasama ang kanyang anak.
“Umalis sila kanina. Hinabol ko, palabas na sila ng gate.
"Sabi ko kay Shaila, 'Puwede ko bang mahalikan yung apo ko?’
“Pumayag naman siya. Hinawakan ko muna si Amelia habang tinutulungan siya ni Robert na magkarga ng mga gamit.
"Nag-hire si Shaila ng maglilipat ng mga gamit nila,” malungkot na kuwento ni Kate.
Ayon pa kay Kate, tanggap na tanggap ng pamilya nila si Shaila, at anumang oras, puwedeng-puwedeng bumalik ang mag-ina sa kanilang tahanan.
Nang hingin namin ang mensahe niya para kay Shaila, “Hinay-hinay lang” ang reaksiyon ni Kate.
Aniya, “Lahat ng bagay, sinasabi natin may repercussions. So, isipin mo palagi, hindi ka na mag-isa kapag magdedesisyon ka. Dalawang buhay ang magkasama—ikaw at ang anak mo.
"So, whenever magdedesisyon ka, dapat una yung kapakanan ng bata. Dapat priority talaga ang bata.”
Ano naman ang payo ni Kate para kay Rob?
“Dahan-dahan,” simula ni Kate.
“Kung may away, umiwas, kasi mahirap kapag makikipag-away at makikipagtalo ka.
"Dapat si Amelia ang palaging priority at in fairness kay Robert, ang anak niya ang kanyang priority.
“Parang 24 hours, hawak ni Robert ang anak niya.
"Bawal kong hawakan ang anak niya kapag hindi ako nagpupunas ng alcohol dahil sinasabi niya na, 'Ma, magbihis ka muna.’ Kaya palagi akong bagong paligo.
“Sobrang hands-on siya. Ganoon kamahal ni Robert si Amelia na prinsesa namin sa bahay.”
Mananatiling bukas ang PEP.ph sa panig ng lahat ng nabanggit sa artikulong ito.
WHO IS KATE GOMEZ?
Si Kate Gomez ay naging aktibo sa showbiz noong dekada '90.
Anak siya ng yumaong aktor na si George Estregan sa dati ring aktres na si Agnes Moran.
Kapatid ni Kate ang aktor na si Gary Estrada.
Dating exclusive contract star ng Viva Films, kabilang sa mga nagawang pelikula ni Kate ay Bikining Itim (1990), Bad Boy (1990), Humanap Ka Ng Panget (1991), Una Kang Naging Akin (1991), Magnong Rehas (1992), Makuha Ka Sa Tingin (1993), at Forever (1994).
Read: Beauty queen Shaila Rebortera tags Rob Gomez in IG posts about physical abuse