Inalmahan ng iba na magpe-premiere ang Vivamax movie na Call Me Alma sa Cinemalaya XIX: ilumiNasyon.
Ang screening nito ay sa Agosto 10, 2023, Huwebes ng 9:00 p.m., sa Cinema Felipe (Meeting Room 4) ng PICC.
Ito ang kauna-unahang Vivamax movie na magpe-premiere sa Cinemalaya.
Read: National Artist Ricky Lee, may libro at pelikulang ilulunsad sa Cinemalaya XIX
Idinirek ito ni Mac Alejandre, mula sa panulat ng National Artist na si Ricky Lee.
Bida rito sina Azi Acosta at Jaclyn Jose. Nasa cast din sina Mon Confiado, Gold Aceron, Soliman Cruz, Josef Elizalde, Aiko Garcia, at Richard Solano.
Para sa mga kumukuwestiyon o tumitikwas ang kilay kung bakit may Vivamax sa Cinemalaya, ano ang masasabi ng multi-awarded director movie sa likod nito?
“May ganun ba?” natawang balik-tanong ni Direk Mac nitong Agosto 8, Martes ng gabi, sa cafeteria ng PICC.
“I’ve always believed Cinemalaya is inclusive, e. Actually, pinag-isipan ko iyan, e, kung ano ang meaning sa akin. Natuwa ako.
“Natuwa ako kasi lagi akong nanonood sa Cinemalaya dahil… isang malaking dahilan ay gusto kong suportahan ang mga bagong filmmaker.
“Gusto kong makita ang trabaho nila. Gusto ko silang suportahan, at saka nakaka-inspire na mapanood ang trabaho ng mga bata.
“Dahil dati akong young filmmaker. Thirty years ago, di ba, nagsimula akong ganun. Gumagawa ng shorts, nasa alternative cinema.
“So ngayon, natutuwa ako, nung nag-iisip ako, 'Ano ba ang significance nito sa akin?'
“As I welcome the new filmmakers, they’re welcoming me in a festival that welcomes them at a time na I’m in the last few chapters of my career.
“So I find it so inspiring. I find it so heartwarming. Nakakatuwa! Tapos it shows inclusivity.
“Matagal na ako sa industriya, mag-aapatnapung taon na. Mahigit tatlumpong taon na akong direktor.
“At ang isa sa mga natutunan ko, ang Philippine cinema ay kabahagi ang lahat ng uri ng cinema.
“Kabahagi lahat ng mga pelikulang ginagawa, ano man, saan man ito nagmula, ano man ang antas, saan mang rehiyon.
“Lalo na ngayon na maraming plataporma. So, lahat iyan, kasama.
“At ang pagpapalabas ng Call Me Alma sa Cinemalaya is a proof, it’s a testament that festivals like Cinemalaya recognize the variety of the elements of Philippine cinema.
“Tulad na lang ng mga competition films ngayon. Merong una nilang dokyu, unang animation, may mga galing sa rehiyon.
“Malaking bagay yun, e, sa pagkilala sa kung ano ang tunay na bumubuo ng cinema ng Pinoy.
“At bahagi ang Call Me Alma at ang Vivamax sa landscape.”
Read: Complete guide to Cinemalaya 2023 full-length entries
"JACLYN WILL ALWAYS BE JACLYN"
Ayon kay Direk Jose Javier, kakaiba ang akting ni Jaclyn Jose sa Call Me Alma. Kaabang-abang ang intense scenes nito.
Sinadya ba iyon ni Direk Mac?
Natawa ang batikang direktor, “Unang-una, si Jaclyn will always be Jaclyn. Mahusay talaga siya saan mo man ilagay!
“Ikalawa, I think malaking bagay na komportable kami sa isa’t isa. Kasi, kilala ko si Jane, Private Show (1984) pa.
“Tapos nagkatrabaho kami I think sa una niyang soap, at una kong trabaho sa industriya bilang assistant director sa isang soap na dinirek ni Ishmael Bernal.
“At mula noon, paminsan-minsan, e, nagkakatrabaho kami. So ano kami, merong long time, long standing friendship. So we are very, very comfortable with each other.
“Kaya madali naming napapag-usapan ang mga feeling kong kailangan para sa pelikula, at ang feeling niyang nararapat na atake para sa pelikula.”
STREAMING VS THEATERS
Mas makabubuti ba na ang mga pelikulang Pilipino ay tumuon ngayon sa streaming, kesa ipalabas pa sa mga sinehan?
Mula nang mag-reopen ang local cinemas noong Nobyembre 10, 2021 ay dalawa pa lang pelikulang Pinoy ang tinangkilik nang lubos ng moviegoers — ang Maid in Malacañang at Deleter.
Bahagi ba ito ng peg-e-evolve ng industriya ng pelikula? Ano ang assessment niya sa scenario’ng ito?
“Mahabang usapin yan. Napakahabang usapin yan saka napakalawak,” pagmamatuwid ni Direk Mac.
“Napakalawak… napakalawak. Hindi iyan nakukuha ng isang definitive na sagot.
“Ang puwede kong sabihin diyan is, ahh… I will always believe that cinema will find its way as it always does.
“Cinema will always find its way. It will always keep on exploring the best way it can reach its audience, and eventually it will find its comfort zone maybe not in a singular platform.
“Maybe in a variety or multi-platform. Ang mahalaga ay hindi tumitigil ang mga tao hindi lang sa paniniwala sa pelikula, at higit sa lahat, ang hindi tumigil sa paggawa.
“Kaya malaki ang pasasalamat natin sa mga producer na naniniwalang buhay pa ang industriya kaya gumagawa pa sila ng pelikula in whatever platform.
“Sa mga direktor at lahat ng mga movie workers na naniniwalang… it’s still worth fighting for.”
FILM VS TELEVISION AND ADVERTISING
Mas malaki ang kita sa TV lalo na kung serye ang idinidirek, ganoon din sa advertising. Pero mas nae-enjoy ba niyang magdirek sa pelikula? Mas may fulfillment?
Napangiti si Direk Mac, “Iba ang pelikula, e. Kahit anong hirap, enjoy na enjoy ako. Saka masaya!
“Masaya kasi ang kalimitang manunulat ko, e, si Ricky Lee na kaibigan kong matalik.
“Nagagawa namin yung gusto naming gawin. In that sense, masaya ako, yeah. Saka pelikula siya, e! Iba ang pelikula gaano man kahirap gawin.”
Nilinaw ni Direk Mac na meron ding fulfillment sa pagdidirek sa TV at advertising.
“Kaya lang ako, personally, bata pa lang ako, gusto kong maging direktor ng pelikula,” pagtatapat ni Direk Mac.
“It just so happened na ang unang bumukas ang pintuan ay telebisyon. May satisfaction lahat yan. May kanya-kanyang objectives yan, e.
“Yung TV, may objectives. Yung advertising, may objective yan. Yung pelikula, may objective.
“Nataon lang na mas kumikiling ako sa objective ng pelikula. This is not to say na mas mataas siya, o merong mas mataas, o mas mababa.
“It’s a personal choice. It’s a personal taste regardless of remuneration. Yun yung gusto ko mula nung bata ako, e. Yun ang hinahanap ko, e.”
