Ibinahagi ng dating aktres na si Azenith Briones ang naging papel niya para magkabati ang dating magkaibigan at naging magkaaway na sina Lorna Tolentino at Deborah Sun.
Ang aksidenteng pagkikita nina Lorna at Deborah ang naging daan para matapos ang alitan nila na tumagal ng 37 taon.
“Siguro talagang binigay na ni Lord yon,” sabi ni Azenith tungkol sa pagbabati nina Lorna at Deborah na pareho niyang kaibigan.
Nagsalita si Azenith sa Julius Babao Unplugged August 10, 2023 episode.
Read:
- Lorna Tolentino and Deborah Sun finally end rift after 37 years
- Deborah Sun, ayaw nang ungkatin ang pinag-awayan nila noon ni Lorna Tolentino
Si Azenith ay naging sikat na leading lady ng action stars noong '70s at '80s.

Idiniin ni Azenith na wala talaga sa plano ang pagkikita nina Lorna at Deborah.
“Plan lang namin bisitahin at meron lang akong parang meeting kay Sen [Lito Lapid]. Meron akong ilalapit sana,” aniya.
Noong araw na iyon, July 21, 2023, niyaya ni Azenith ang long-time friend na si Deborah na magkita at kumain sa labas.
Matapos kumain, nagyaya si Azenith na pumunta sa taping ng FPJ's Batang Quiapo dahil may sadya siya kay Senator Lito Lapid, na bahagi ng teleserye.
Ka-message na ni Azenith ang chief of staff ni Lito na sinabihan siya kung saang lokasyon sila pupunta.
Nabanggit na kasama ni Lito si Lorna, na isa rin sa mga artista sa Batang Quiapo.
Nabahala si Azenith dahil kung sasama si Deborah ay magkikita sila ni Lorna.
Tiniyak naman daw ni Deborah kay Azenith na walang magiging problema kung magkita sila ni Lorna.
Naisip daw ni Azenith, “Sabi ko magandang ano na ito, baka magkabati na yung dalawa. Yun na yon. Talagang walang may plano.
“Bigla lang, di ba, yun talagang time na nila magka[ayos]…”
Nagyakapan nga sina Deborah at Lorna nang magkita sa location shoot, dahilan para tapusin na ang matagal na nilang hidwaan.
AZENITH ON FRIENDSHIP
“Happy ako dahil may napagbati akong mga kaibigan. Pareho ko kasi silang kaibigan, di ba?” paliwanag ni Azenith.
“Unexpected. Wala naman silang plano.
“Nag-akapan sila. Andun sila sa may sasakyan. Basta kalimutan na yung [alitan].
“Nagkakahingahan sila ng loob. Siyempre pag nagkita kayo, kalimutan talaga ang lahat ng ano niyo…”
Kinumpirma naman sa PEP.ph na nag-friend request si Lorna sa Facebook at in-accept ito ni Deborah.
Sundot ni Julius, nakausap na niya si Lorna at sinabi raw ng aktres na “on the road to rekindling” na ang kanilang pagkakaibigan.
Isa sa mga masaya para sa pangyayari ay si Azenith.
“Gusto ko sa mga kaibigan papagbatiin ko. Hindi ako para papaghiwalayin.
“Hindi ako marunong manira kasi totoong tao ako. Ang mga ibaaz nai-intimidate kasi what you see is what you get.”
Siya rin daw ang tipo ng taong ipaglalaban ang isang kaibigan.
ADMITS PAST WITH LITO LAPID
Ibinunyag din ni Azenith sa interview ni Julius na nakarelasyon noon si Lito Lapid.
Namuo ang relasyon nila nang magtambal sila sa mga pelikula. Naging leading lady ni Lito si Azenith sa mga pelikulang Dangerous Fist (1979) at Alyas Tiagong Lundag (1980).
Sinabi ni Azenith na nagtagal din ng higit isang taon ang kanilang on-and-off relationship.
Pero sa kabila man ng kanilang naging nakaraan, napanatili nila ang pagiging magkaibigan.
Dahilan nga ng pagpunta ni Azenith sa Batang Quiapo taping para makausap si Lito.
Ani Azenith, “We respect each other. Na-maintain ang [pagkakaibigan]. Di kami naging magkaaway.”
