Kahapon, Agosto 13, 2023, ang huling araw ng lamay para sa cremated remains ni Robert Arevalo.
Binawian ng buhay ang veteran actor dahil sa kumplikasyon sa Parkinsonism noong Agosto 10. Siya ay 85.
Read: Veteran actor Robert Arevalo dies
Dalawang araw pinaglamayan ang mga labi ni Robert sa Arlington Chapels, Araneta Avenue, Quezon City—noong Sabado, Agosto 12, hanggang kinabukasan, araw ng Linggo.
Pumanaw si Robert, isang araw bago ang ika-61 anibersaryo ng kasal nila ni Barbara Perez, ang Audrey Hepburn ng Pilipinas.
Hindi nangyari ang tiyak nang pagkakaroon ng Hollywood career ni Barbara dahil pinili niyang magpakasal kay Robert noong August 11, 1962.
Hindi nanghinayang si Barbara sa limang taong kontrata sa Hollywood na pinapipirmahan sa kanya ng Universal Pictures, na nakita ang potensiyal niya bilang aktres nang lumabas siya sa 1962 war movie na No Man Is An Island na pinagbidahan nila ng American actor na si Jeffrey Hunter.

Ipinalabas sa mga sinehan sa Amerika ang No Man Is An Island, isang buwan matapos magpakasal sina Robert at Barbara sa St. Joseph Church, the Worker Parish Church, Pacdal Circle sa Baguio City.
Ang naturang simbahan din ang pinagdausan ng pag-iisang dibdib nina Aga Muhlach at Charlene Gonzalez noong May 28, 2001.
Read: NAME THAT CELEBRITY: 24 veteran stars in their younger years
Hindi nagkamali ng desisyon si Barbara sa pagpili niya sa marriage contract na inalok ni Robert kesa sa tempting movie contract offer ng Universal Pictures dahil ang pagsasama nila ang isa sa mga hinahangaan at pinakamatatag na relasyon sa Philippine showbiz.
ROBERT MARRIED THE "AUDREY HEPBURN OF THE PHILIPPINES"
Sa panayam kay Robert ng pumanaw na entertainment editor na si Ricky Lo para sa The Philippine STAR noong February 2021, ikinuwento niya ang pagsisimula ng relasyon nila ni Barbara noong 1961.
Ayon kay Robert, bisperas ng Bagong Taon noong 1961 nang ibigay sa kanya ni Barbara ang matamis nitong “oo.” Tumagal ng walong buwan ang kanilang boyfriend-girlfriend relationship bago sila nagpasyang magpakasal.
Lahad ng veteran actor, "She was under contract with Sampaguita and I was with Premiere Productions.
"She was being built up as the 'Audrey Hepburn of the Philippines.' I had just done two movies then, Huwag Mo Akong Limutin which was banned by the censors because of its theme [immorality], and Grease Gun Gang which was also banned because they said it was too violent.
"Because of that, they jokingly called me a ‘jinx.'”
Niyaya agad ni Robert si Barbara na magpakasal sila nang malaman ng aktor ang five-year-movie contract na alok ng Universal Pictures sa aktres dahil “na-insecure” siya.
“Paano naman, the guys she was meeting at Universal were the likes of Cary Grant. How can I not be insecure?
“So I proposed to her by sending her a telegram, ‘Come home, let’s get married.’
"Sayang nga at hindi pa uso noon ang cellphone. I could just have texted her, you know. I didn’t want to call her long-distance because overseas calls were expensive even at that time.
"I was young... We were both young and selfish and very much in love,” pagbabalik-alaala ni Robert tungkol sa kasaysayan ng pagmamahalan nila ni Barbara na biniyayaan ng Diyos ng tatlong anak.
Ang Ang Daigdig ng mga Api ang isa sa mga pelikula na pinagtambalan nina Robert at Barbara, ipinalabas sa mga sinehan noong 1965 at nagbigay sa kanila ng mga acting award noong 1966.

Robert Arevalo and Barbara Perez in 'Ang Daigdig Ng Mga Api'
Si Robert ang nanalong best actor at best actress si Barbara sa 14th FAMAS noong 1966 dahil sa kanilang mahusay na pagganap sa Ang Daigdig ng mga Api.
Itinanghal din itong Best Picture at nagbigay ng best director award kay Gerardo de Leon na idineklara na National Artist for Cinema noong 1982.

ROBERT'S FUNNY SIDE
Ang manunulat, direktor, at aktres na si Bibeth Orteza-Siguion Reyna ang isa sa mga kaibigan ni Robert at siya ang nagbahagi ng funny side ng namayapang aktor.
“Hindi pa rin makalimutan ni Rafael Siguion-Reyna [anak ni Bibeth at ng direktor na si Carlos Siguion-Reyna] na naging roommates sila sa Toronto, kung saan kami'y dumalo para sa aming pelikulang Hari ng Tondo, noong Toronto International Film Festival, ng 2014.
“Sa hotel, ang sabi niya sa Pinay na room attendant: 'Siyanga, narito rin si hotel na ito si Robert Downey Jr?'
"Pinay: 'Opo.'
"Robert: 'Anong room number niya?'
"Pinay: 'Di po namin puwedeng sabihin, e.'
"Robert: 'OK lang. Basta huwag mo ring sasabihin sa kanya ang room number ni Robert Arevalo, ha?'
"The serious actor had a sense of humor," kuwento na ibinahagi ni Bibeth tungkol kay Robert.