Hindi nakadroga. Dala lang ng kalasingan.
Ito ang paliwanag ng mga kalalakihang kabilang sa grupo na nanira ng mga gamit at nagkalat sa isang resort sa Calamba, Laguna, madaling araw ng Lunes, August 14, 2023.
Nag-viral ang videos at photos na kuha sa Jeremias Resort sa Pansol dahil nagmistulang dinaanan ng ipo-ipo ang lugar.
Read: VIRAL: Rowdy customers of resort sacked by employer for vandalism in resort
Sa inilabas na CCTV, makikita kung paano pinaghahagis sa pool ng apat na lalaki ang mga gamit, gaya ng monoblocs, tables, bote, griller, at pati water dispenser.
Puno rin ng dumi at kalat ang resort, at maging restroom ay hindi pinalampas.
Nakita rin sa CCTV na tumatawa pa ang mga kalalakihang gumawa nito.
Ipinost ng owners ng resort ang iniwang pinsala ng mga customers, at nag-instant viral ito.
Nagsampa na sila ng reklamo sa barangay, at nag-update na nakipag-areglo ang grupo.
Ang apat na lalaking naghagis ng mga gamit ay tinanggal na rin sa kanilang pinagtatrabahuhan.
Read: How Pinoy student impressed Harvard University; gets full scholarship from 5 U.S. universities
CUSTOMERS' EXPLANATION
Dalawa sa mga lalaking nakita sa CCTV na nanggulo ay humarap sa camera, at nagpaliwanag.
Matinding bashing ang tinanggap ng mga ito sa social media.
Sa ulat ng One PH, sinabi ng isa sa mga lalaki na birthday ng kanilang kasamahan kaya sila nag-outing sa resort.
May isa pang nagsalita, pero hindi na humarap sa camera.
Sabi niya, “Parang napasobra na lang din po kami sa inom ng alak. Hindi na po namin napigilan yung sarili naming [kaya] ganyan na po ang nangyari.”
Dagdag niya, “Wala po kaming ginagamit na kahit anong droga, yun po ang totoo.
“Hindi po kami adik. Sadyang tinamaan lang po talaga kami ng alak.”
Ang grupo ay nagbayad ng PHP3,000 para sa kanilang overnight stay sa resort.
Sinabi naman ng owners na sinadya sila ng ilan sa mga may-sala kasama ang kanilang mga magulang at humingi ng tawad.
Nagbayad din daw sila ng PHP30,000 para sa mga nasirang gamit, at nakiusap na patawarin sila at huwag nang isampa ng reklamo.
Samantala, sinabi rin ng resort owners na na-bash din sila kasunod ng nangyaring areglo.
“Bakit daw po kami nagpatawad. Mukha daw kaming pera, parang sampalin lang daw po kami ng pera kahit ganon na ang ginawa sa amin okay lang,” ani Astrid Bonifacio sa One PH.
Katuwiran naman niya, “Gusto naming mag-move forward kasi business ito, e. Kailangan namin bookings, hindi ng mga comments.”
Binanggit pa sa record na patuloy na ikinokonsidera ng owners kung ano ang susunod nilang hakbang.
Pinag-iisipan pa raw nila kung itutuloy ang reklamo.
Ulat naman ng ABS-CBN News, sinabi ng Calamba police na wala silang natanggap na reklamo kaugnay ng pangyayari.
Sinabi rin dito na bukod sa pakikipag-areglo ng mga maysala ay maglalabas din sila ng public apology.
