"One for the books" ang showbiz journey ng newbie actor na si Victor Ronald Relosa.
Nagsimula ang pagsali niya sa mga audition noong five years old siya. Makalipas ang labinwalong taon, saka pa lamang natupad ang pangarap niyang maging artista.
VR Relosa ang screen name na ginagamit ngayon ni Victor.
Una siyang sumali sa StarStruck Kids noong 2004 pero hindi naging masuwerte. Sina Bea Binene, Paul Salas, at Miguel Tanfelix ang ilan sa mga nakasabayan ni VR sa auditions noon sa reality-based artista search ng GMA-7 para sa mga bata.
“Nagsimula po ako, ang first audition ko po was when I was five years old sa StarStruck Kids, Batch 1.
“Dun po nagsimula ang auditions ko, nagtuluy-tuloy for 18 years, pero never po akong nakakuha ng kahit anong role, be it main, support or extra,” umpisang kuwento ni VR sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) tungkol sa pagsisimula ng makulay at punumpuno ng hamong showbiz journey niya.
Natupad ang pangarap niyang maging artista nang subukan niya ang kanyang kapalaran sa Vivamax.
“Wala po talaga kahit ano until nabigyan ako ng break. Ang first movie ko po sa Vivamax was Lagaslas [2023].
"Main cast po ako, nasundan po yon ng series, directed by Roman Perez Jr. After that, nagsunud-sunod po."

Ang pangatlong project daw ni VR ay isang pang-film festival na hindi iprinodyus ng Vivamas.
Ang iba pa niyang Vivamax projects ay ang Litsoneras, Kamadora, Kahalili, Secret Campus, Halo X, at Sila Ay Akin.
"Tapos may naka-schedule ako na dalawang movie pa na isu-shoot next month,” pagbabahagi niya.
"VIVAMAX KING"
Ang award-winning writer-director na si Joey Reyes ang nagbigay ng bansag na "Vivamax King" kay VR dahil nag-umpisa lamang noong February 2023 ang acting career nito pero labing-isang na ang bilang ng mga proyekto niya.
Read: Hubadero 2022 Edition: Male stars who did frontal nudity (real or prosthetic) in movies
Saad ni VR, “February 2023 po ako nag-start and in, like, six months, I am working on my 11th project with Viva.
"And I think yon ang reason kaya po ako tinawag na 'Vivamax King' dahil nagsunud-sunod ang projects ko after Lagaslas.
“Sobrang saya ko and honored na napapansin po ako ng mga direktor at mga producer, ng mga tao, in general, ang dedication ko sa mga ginagawa ko.
“I’m really happy."
Pagpapatuloy niya, "Pero tungkol sa Vivamax King title, I am not aiming for any titles po.
"If ibibigay nila sa akin yung title na Vivamax King, I will be happy, honored, and I will accept it. Papatunayan ko na deserve ko yung title na yon.
"But kapag nagsu-shoot ako, I’m not aiming for anything po.
"Kapag binigyan ako ng role, hindi ko ginagawa yung scene with a thought in my mind na kailangan kong galingan para maging Vivamax King ako o para manalo ako ng award.
“When I do a role, ang nasa isip ko lang talaga, kailangan kong bigyan ng kulay at buhay ang karakter dahil I treat acting as my escape.
“Passion ko po ito, gusto kong umarte at masaya ako sa pag-arte dahil escape ko ito sa sarili kong buhay.
"At nabibigyan ako ng opportunity na mabuhay sa mundo ng karakter na ginagampanan ko. Ibinibigay ko po lahat ang best ko."
SIPAG AT TIYAGA
May dapat ipagmalaki si VR dahil sa sariling tiyaga at pagsisikap, unti-unting natutupad ang kanyang mga pangarap.
“Wala pong naka-discover sa akin. Talagang nag-audition po ako hanggang sa makuha ako sa Lagaslas. Ilang beses akong bumalik until I got the role,” ani VR, na produkto ng broken home.
Sa edad na 12, naranasan ni VR na mamuhay nang solo. Dahil mahusay sa diskarte, nagawa niyang buhayin ang sarili, sa tulong ng kanyang ina na nagbayad sa bahay na inuupahan niya noon.
Lahad niya, “I wasn’t able to finish college kasi po I’ve been living independently since I was 12 years old.
“Until I graduated high school, ang mom ko naman po ang nagbabayad ng rent ko so hindi ako masyadong nahirapan.
“Pero yung ibang needs ko, ako ang gumagawa ng paraan.
“Simula elementary, natuto na akong magbenta ng kung anu-ano sa school, like puto, kutsinta or hotdog.
"Then noong high school, natuto ako sa computer game at kumita ako dun."
Patuloy ni VR, “Wala pong magsu-support ng college studies ko that time and wala po akong pangtustos sa sarili ko so I had to stop.
"But nung high school naman po ako, I was part of DepEd special program.
"So, parang advanced yung curriculum namin and we had four science, three math, and two English subjects per day so whole day kami sa school.
“Mas advanced naman po ako sa ibang high school students when it comes to curriculum na kinuha ko, kahit hindi po ako nakatapos ng college.
"First year college lang ako sa Polytechnic University of the Philippines.”
Isa nang aktor si VR pero hindi nila ito napagkukuwentuhan ng kanyang mga magulang dahil hanggang ngayon, bihira silang magkita at magkausap.