Ipinagdiriwang ni Senator Bong Revilla ang kanyang ika-50th anniversary sa showbiz ngayong August 2023.
Nagsimula siya sa edad na pitong taon sa pelikulang Tiagong Akyat.
Sa September 25 naman ang kanyang ika-57 kaarawan, kaya plano niyang magsagawa ng double celebration sa mismong kaarawan niya sa Manila Okada.
"Siyempre, yung mga artista na nakasama natin noong buhay pa," tukoy ni Bong sa mga nais niyang imbitahang guests.
"Ang dami kasing mga artista na nakasama natin na wala na. Nagulat nga ako minsan, nanonood ako ng pelikula, wala na pala siya. Wala na yung mga ka-eksena ko.
"Kasi, I started very young sa action. Ako ang batang-batang action star noon. Mga kasama ko puro may edad sa akin, e."
Ano ang birthday wish niya?
Sagot ng senador, "My birthday wish, siguro, palagi kong sinasabi ‘to, e, I am so blessed.
"Lahat sa Panginoon, pasasalamat lang. Nandiyan yung anak ko, si Inah abogada, may doctor na si Loudette. Sina Jolo, Bryan, nagse-serve na rin para sa bayan."
Si Jolo ay incumbent Cavite First District Representative, habang si Bryan ay Agimat Party List Representative.
Patuloy ni Bong: "Ano pa ang hihilingin ng isang Bong Revilla? Wala na, e.
"Puwede na ‘kong kunin ni Lord anytime. Ibig sabihin, I am so blessed—fulfilled father, as an actor, as a politician. Naging number one [senator] na ‘ko noon, na-achieve ko na yan.
"Napabagsak na ‘ko ng kalaban ko. Bumangon ulit ako, nakatindig ulit ako."
Apat na taong naditena si Bong, mula 2014 hanggang 2018, dahil sa kasong plunder kaugnay ng pork-barrel scam. Naabsuwelto siya noong December 2018.
Sabi pa ni Bong, "Itong career ko sa showbiz, I’m back again. I mean, mahal pa rin tayo ng tao. Ano pa ang hihilingin ni Bong Revilla?
"Ibabalik ko sa inyo yan, ano pa ba ang hihilingin ko?"
Sumang-ayon si Bong sa nagsabing ibahagi niya sa iba ang natatanggap na blessings.
"Never akong tumigil do'n. Pagtulong sa kapwa, pagtulong sa mga kababayan kapag natamaan na ng bagyo, nando’n na ‘ko. Hindi naman ako nagkukulang do’n.
"Mahirap na sabihin pa natin, baka sabihin ginagamit ko… pero ano yon, that’s my panata. Basta kailangan si Bong Revilla, nandiyan ako."
Sadyang pinagtibay na raw siya ng panahon, at bukas siya sa anumang hamon na makakaharap pa niya pagdating ng araw.
"Non-stop learning naman ang buhay, di ba? Para hindi mo sabihin na hindi ka na maggo-grow. Gusto mo pa rin mag-grow sa lahat ng ginagawa mo.
"Pero sa nangyari na sa buhay ko, siguro kung meron man tatawagin, battle-tested na si Bong, e. Lahat ng klase ng giyera, pinagdaanan ko."
Sabi pa niya: "Basta ako, ang gusto ko makapag-entertain ang mga tao.
"Kapag pinanood ka, nagbayad sila sa sine, worth it ang ibabayad nila sa sine. Lalo na ngayon na mahal ang bayad sa sine.
"Yan ang gusto ko nga, maibaba ang presyo [ng movie tickets]."
Read: Anak nina Bong Revilla at Lani Mercado na si Loudette, graduate na ng Medicine
ON SUCCESSFUL SITCOM IN GMA-7
Lubos din ang saya ni Senator Bong dahil sa naging kabuuang takbo ng kanyang sitcom sa GMA-7, ang Walang Matigas Na Pulis sa Matinik Na Misis, na magtatapos sa Linggo, August 20, sa ganap na 7:15 p.m.
"Unang-una, nagpapasalamat ako sa GMA, sa tiwalang binigay nila sa akin. Tapos 'eto na, nasa finale na.
"Sa lahat ng mga nanood, sumuporta. Even sa mga advertisers, palaging overloaded ang ating show. Talagang nag-exceed do’n sa limit ng dami ng commercials," saad niya.
"Kaya nagpapasalamat tayo sa tiwala pa rin sa atin. Sa mga fans, supporters ng GMA, maraming salamat po.
"At sa inyong patuloy na tiwala kay Bong Revilla, maraming salamat."
Tila nag-enjoy siya talaga sa pagkakagawa ng sitcom dahil sa positibong aura niya.
“Sobra,” mabilis na pagsang-ayon ng senador.
"Yung suporta ng manonood, alam mo, umiikot ako ng Pilipinas, ang sigaw sa akin, hindi na Pogi, hindi na Panday, Tolome na. 'Tolome!!!' Sumisigaw sila ng gano’n, so ibig sabihin, nagustuhan nila ang project.
NO MORE EXTENSION
Mataas ang ratings na nakuha ng Walang Matigas Na Pulis sa Matinik Na Misis, pero hindi na raw talaga pupuwedeng i-extend dahil may papalit na raw dito na show.
"Ang usapan talaga, 12 episodes dahil‘yung susunod, may contract sila do’n.
"We cannot exceed more than 12, kasi may kontrata do’n sa susunod, yung papalit sa amin, yung The Voice Generations.
"So siyempre, commitment yon, we have to abide," paliwanag ni Bong.
Pinaplano naman na raw ni Bong na magkaroon ng season 2 ang sitcom.
Si Beauty Gonzales pa rin ba ang magiging Misis niya?
Sagot niya: "Abangan niyo na lang kung si Beauty pa rin. Pero, sa nakita ko naman, wala namang reklamo kay Beauty, napakagaling niya.
"Si Max [Collins] magaling din. Tingnan natin, ayoko munang mag-plus and minus."
