Sumakabilang-buhay na si Sean Lester Beltran, ang 21 anyos na content creator na nag-viral dahil sa kanyang inspirational posts matapos ma-diagnose na may bone cancer.
Ang ina ni Sean na si Leslie Beltran Fernandez ang nagkumpirma ng malungkot na balita sa pamamagitan ng Facebook.
Ngayong araw, Linggo, August 20, 2023, binawian ng buhay si Sean.
"With great sadness, we announce the loss of our beloved son, Sean Lester Beltran," pahayag ni Leslie.
Dagdag pa nito, "[In] loving memory of my son, his life was a blessing, a treasure. The love you gave and the life you lived, will forever be remembered."
"You will always be in our [hearts] anak."
A FIGHTER UNTIL THE END
Taong 2021 nang malaman ni Sean na mayroon siyang cancer sa buto.
Stage 4 na ang kundisyon ng karamdaman ni Sean ayon sa biopsy.
"Akala ko po tumatalab na yung pag-workout ko, sumasakit na yung muscles ko. Magdadalawang buwan na po, hindi pa rin po nawawala kaya napilitan po akong ipahilot po," kuwento ni Sean nang makapanayam ng news program na 24 Oras.
Nakitaan si Sean ng bukol sa kaliwang balikat, dahilan para putulin ito ng mga doktor.
"May crack po siya sa loob tapos may bukol na sobrang liit. Naiyak po ako nang sobra, hindi ko po maisip na ganoon po yung mangyayari sa akin," malungkot na paglalahad ni Sean.
Hindi nagpatalo si Sean sa karamdaman at bagkus ay ginamit niya pa ang kalagayan para maghatid ng inspirasyon sa mga tao sa pamamagitan ng TikTok.
Umabot ng milyon ang views ni Sean at marami ang humanga sa katapangan na ipinamalas nito sa kabila ng matinding karamdaman.
"Ang nasa isip ko lang po ngayon, mag-recovery, maging inspirasyon po sa mga tao talaga, sa family ko po saka sa mga taong nandiyan po para sa akin nakasuporta," pahayag ni Sean.
Nakikiramay ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa mga naulila ni Sean.