Nag-live sa social media ang Overseas Filipino Worker (OFW) na si April Jane Dadula para ipakitang nilayasan niya ang amo na umano’y inaabuso siya.
Ipinakita rin ni April sa video ang kanyang mga maleta at gamit. Ang worry niya kasi, baka akusahan siyang nagnakaw.
Pero nang paalis na si April, nagpang-abot sila ng Chinese employer sa labas ng bahay ng huli sa Hong Kong.
At habang naka-live sa Facebook ang OFW, kitang-kita ang paglusob sa kanya ng amo.
Makikitang inubo si April, at gusto niyang lumayo mula sa among sumisigaw.
“Hinahabol niya ako, pero nakakaiwas ako. Nagpupumiglas ako sa kanya, ang naabot niya sa akin, itong part ng leeg ko,” paliwanag ni April sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas.
Ipinaliwanag niya kung bakit naisipan niyang mag-live.
“Iniisip ko na lang na mag-live ako, at kung sino man ang makapanood ng live, lalo na ang mga taga-rito sa Hong Kong, sila na lang ang tatawag ng pulis.”
Read: UP Cebu summa cum laude proud of achievement, but regrets "studying hard and doing nothing else"

Read: VIRAL: UP graduate's “Sana hindi niyo na lang ako ipinanganak” post on Facebook
Naipaaresto ni April ang Chinese employer, pero agad umanong nakalaya ang huli matapos nitong makapagpiyansa.
Nanunuluyan si April sa isang shelter habang inaasikaso ang pag-uwi niya sa bansa.
Nagtungo si April sa Hong Kong noong December 2022.
Mabait ang una niyang amo, pero kalaunan ay lumipat ang employer niyang ito sa China.
Ang nilipatan niya ay ang nananakit na employer.
Makalipas daw ang ilang linggo ay nagbago ang pakikitungo nito kay April.
Bukod sa sinasabihan siya ng masasamang salita, tinatangka rin umanong siyang saktan.
Ito ang nag-udyok kay April na mag-resign sa trabaho.
Ayon sa ulat ng GMA-7, nakipag-ugnayan na sila sa Overseas Workers Welfare Administration, pero naghihintay pa sila ng tugon ukol sa kaso ni April.