Makaraan ang sampung taon, nagbabalik sa telebisyon ang StarStruck Season 1 Avenger na si Nadine Samonte.
Hindi itinanggi ni Nadine na na-miss nito nang sobra ang pag-arte kaya tinanggap niya ang alok ng GMA-7 na magkaroon siya ng importanteng partisipasyon sa The Missing Husband, ang afternoon drama series na ipapalit sa mababakanteng timeslot ng The Seed of Love at mapapanood simula sa Lunes, August 28, 2023.
Umabot ng isang dekada ang pagpapahinga ni Nadine mula sa pag-arte dahil binigyan niya ng importansiya ang kanyang asawa na si Richard Chua at ang kanilang tatlong anak.
Si Richard ang nag-iisang anak ng veteran actress na si Isabel Rivas. Nagpakasal sila ni Nadine noong October 2013.
Sa umpisa pa lamang ng kanilang pagsasama, nagkaroon agad ng pagsubok ang mag-asawa dahil sa sinabi ng doktor na hindi puwedeng magkaroon ng anak si Nadine.
“Priority ko talaga is my family. Marami akong natutunan.
"Kailangan mas mahaba ang patience ko. Kailangan mas maging strong ako. Kailangan mas wise ako, lalo na for my kids,” pahayag ni Nadine sa kanyang guesting sa Fast Talk With Boy Abunda nitong Huwebes ng hapon, August 24, 2023.
Kaunod nito ay inilahad ni Nadine nang ipaalam ng kanyang doktor na hindi siya magkakaanak.
“Sinabihan ako ng doktor na I can’t have kids. Sinabihan ako noong 2013, 2014 hanggang 2015, I should consider surrogacy.
“Sabi ko noon, ‘Wow, I’m just 27 years old and sasabihan ka na hindi ka puwedeng magkaanak?’
“That time, sabi ko, 'Pagdating ng anak ko, [kapag] nabigyan ako ni Lord ng mga anak, lahat gagawin ko para sa kanila kahit itigil ko yung trabaho ko. Gusto ko silang palakihin.'”
Dininig ng Diyos ang taimtim na panalangin ni Nadine dahil biniyayaan sila ni Richard ng tatlong anak, pero maseselan ang lahat ng pagbubuntis niya.
Read: Nadine Samonte talks about difficult pregnancy and the 53 tablets she has to take daily
“It’s very difficult. Lahat, every day, injections, umaga, gabi. Bed rest, diet.
“Every day nandun yung kaba. 'Is the baby still okay? May heartbeat pa ba?'
“First pregnancy ko, 34 weeks, lumabas agad si Heather.
“Sa second ko, 28 weeks lalabas si Titus. Sabi ng doktor, ‘Hindi. Hindi siya puwedeng lumabas kasi mahihirapan ka. Baka hindi siya mag-survive.’
“With God’s grace and everything, nakaabot kami ng 34 weeks.
“Ang pinakamahirap for me is my third [pregnancy]. Yung first trimester ko, malalaglag na siya.
"I was bleeding so hard. Sobra, as in akala ko mawawala na siya and that’s COVID days pa. Ang hirap kumilos and all.
“Ang lakas ko lang talaga kay Lord. Naka-survive siya.
"Pero paglabas niya ng 37th week, ang daming complications. Na-incubator siya, hindi makahinga. Bagsak ang blood sugar. One week kami sa hospital,” kuwento ni Nadine tungkol sa mga hirap na pinagdaanan.
Read: Nadine Samonte stays strong for 3rd baby kahit "ang daming iniyak, ang daming pasa"
Tuluyan nang pumatak ang kanyang luha nang itanong ni Boy ang dasal niya sa Panginoong Diyos.
“I’m super blessed. Thank you for my kids, thank you.
"Lahat gagawin ko for them kasi yun ang turning point ko, nung sinabi sa akin ng doktor na, 'You can’t have kids.'
“So, parang sabi ko kay Richard [her husband] noon, ‘Paano? Are we still gonna be a family?’
“Di ba, yung feeling na parang may kulang. Sige, nandiyan siya as my husband. Nandiyan kami. Kaya naman siguro namin na walang kids.
"Pero parang iku-question mo ang sarili mo, ‘Bakit ako of all people? Bakit hindi ako puwede magkaroon ng anak?’
“Hanggang to the point na sabi ko sa mom ko na, 'Sige, sige Ma, puwede bang yung sister ko na lang ang mag-surrogate for me?’
“Sabi ng mama ko, ‘Ano ka ba? Tumigil ka. Dumire-diretso ka lang sa ginagawa mo and kung talagang ibibigay sa yo ng Diyos yan, ibibigay yan sa yo.’
“At ibinigay. God is very very good," saad ni Nadine, na kuntento at masayang-masaya na ngayon dahil natupad ang pangarap niyang makabuo ng sariling pamilya.