Maliban sa kanyang upcoming movie na Sunny at ginagawa niyang serye para sa ABS-CBN, piling-pili ang mga proyekto ngayon ni Katya Santos for personal reason.
Nakangiting pahayag ng aktres, "I'm going through IVF, so hopefully, by next year, magka-baby na ulit."
Ang IVF, o in vitro fertilization, ay isang medical procedure kung saan tinutulungan ang isang babae para mabuntis. Sa pamamagitan ng IVF ay pinagsasama ang itlog ng babae at semilya ng lalaki, pero hindi sa loob ng katawan kundi sa laboratoryo.
Ilan lang sa local celebrities na dumaan sa IVF para magkaanak ay sina Korina Sanchez, Beth Tamayo, Vicki Belo at Alice Dixson.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Katya nung Martes, August 22, 2023, sa set ng pelikulang Sunny sa Binangonan, Rizal.
Patuloy na kuwento niya, "I started last May. So, nakaka-four cycle na kami.
"Hopefully, magiging successful lahat ng ginagawa ko kasi talagang stressful, nakaka-busy talaga siya.
"So ngayon, medyo hesitant akong tumanggap nang tumanggap [ng trabaho] kasi mahirap siya isabay.
"Kailangan magaan lang yung mga gagawin, hindi siya talaga full time na work, so yun.
"Kasi yung kalaban mo, e, yung stress at saka puyat kasi masisira yung quality nung egg. So, talaga dapat balanse."
Kung maging matagumpay ay hindi ito ang unang pagkakataong magiging ina si Katya.
May anak si Katya sa dating asawa at basketball coach na si Anton delos Reyes.
Nine years old na ang anak nina Katya at Anton, na pinangalanan nilang Tala.
Nito lamang nakaraan ay nag-guest si Katya sa PEP Live kung saan ay diretsahang sinabi nitong pinagsisisihan niya ang pagpapakasal kay Anton.
Read: Katya Santos on her broken marriage: "Akala ko fairytale. Naku, it's a nightmare!"
Sa kasalukuyan ay nasa proseso ng annulment ang kasal ni Katya at Anton.
"Hindi ko naman sinasabi na di na ako magpapakasal, pero kung puwede ko lang baguhin sana di ako nagpakasal para di ako nahirapan," bulalas ni Katya.
"Sana hindi ako dumaan sa mahabang proseso, sa annulment, kasi ang hirap pala.
"Hindi lang siya basta case na maghiwalay kayo. It requires a lot of emotion, so mahirap siya pagdaanan.
"So, kung kayo kaya niyo huwag pagdaanan, huwag na niyo pagdaanan."
REUNION WITH SHOWBIZ CONTEMPORARIES
Samantala, naging reunion ng '90s stars ang Sunny na film adaptation ng Korean comedy-drama na may parehong pamagat.
Bukod kay Katya, tampok din sa pelikula sina Sunshine Dizon, Vina Morales, Candy Pangilinan, Tanya Garcia, Ana Roces, at Angelu de Leon.
Sambit ni Katya tungkol sa pelikula at mensahe nito, "Very nostalgic siya. Siyempre naalala mo rin yung life mo nung high school with your friends."
Dagdag pa niya, "It's really about friendship and yun naman talaga yung maganda sa istorya — yung kung paano nabuo at kung paano sila ulit nagkita-kita."
Gagampanan ni Katya ang karakter na si Becky, na dumanas ng matinding hirap sa buhay, malayo sa pangarap nito noong bata na maging sikat na beauty queen.
nostalgic for old times
Bukod sa magandang mensahe ng Sunny, ang pagkakataong muling makasama ang mga kaibigan at dating nakatrabaho ang nag-udyok kay Katya para tanggapin ang proyekto.
"Actually, yung unang in-offer nga sa akin ito, kasi ang unang alam ko lang na kasama is si Sunshine saka si Tanya, siyempre nag-yes ako agad kasi, wow, talagang mga kasama ko nung nag-i-start pa lang ako.
"And then biglang [si] Angelu tapos sila Ate Vina. Sabi ko, 'Oo nga, parang kami-kami din.'
"A batch year ahead lang siguro sila nang konti pero parang pag napanood nila 'to, yung mga ka-batch namin, parang iisipin nila, 'Shocks, nagsama-sama sila!'
"Ang nostalgic talaga ng feeling kasi lahat child actress."
Hindi naman maiwasan ni Katya na mag-reminisce sa mga dating proyekto na pinagsamahan nila ng co-stars niya ngayon.
Parehong nasa cast ng GMA-7 afternoon drama series na Anna Karenina na ipinalabas from 1996 to 2002 sina Katya, Sunshine, at Tanya.
"Kasi para kaming magkakabarkada lahat nila Sunshine. So, every time may taping kami, para lang kaming naglalaro pa rin," pagbabalik-tanaw ni Katya noong Anna Karenina days nila.
"Then five years nag-last yung soap so ang haba ng pinagsamahan namin, ang dami talaga naming travels, parties, yung mga ganun.
"Hanggang ngayon pag nagkita-kita kami, hindi nagbabago yung treatment sa isa't isa kasi meron talaga kaming namuong relationship sa bawat isa."
Read: Anna Karenina (1996 cast)
Pero bago ang Anna Karenina ay nagkasama muna sina Katya at Angelu sa youth-oriented comedy variety show na Ang TV na umere sa ABS-CBN.
Natatawang kuwento ni Katya, "Yun talaga, parang naglalaro lang talaga all the time.
"Yung nagtatakbuhan lang kami, parang hindi seryoso lahat ng nanyayari. It's just really play. Excited ako every time na may taping kasi makikita ko yung mga friends ko.
"Dun nag-build up, e. Dun nag-start yung love ko for acting talaga. Kasi dun ka nahasa. Nung bata kami, dun kami nahasa.
"Tapos dahil doon sa Ang TV, ang daming nakaalala pa rin sa akin haggang ngayon."
At doon nga raw sa Ang TV nabuo ang pangarap ni Katya maging ganap na artista at gawin itong career.