Pumanaw na ang batikang broadcaster na si Mike Enriquez ngayong Martes, Agosto 29, 2023.
Siya ay 71.
Ibinalita ang pagpanaw ng broadcaster sa kinabibilangan niyang primetime news program sa GMA-7, ang 24 Oras, ngayong gabi.
Mismong ang kasamahan ni Mike sa programa na si Mel Tiangco ang nagkumpirma ng pagkamatay ni Mike.

Kasunod nito ay nagbigay-pugay ang GMA Integrated News sa mahigit limang dekadang serbisyo ni Mike sa larangan ng broadcasting.
Bago ang kanyang pagpanaw ay dalawang beses nag-medical leave si Mike sa kanyang trabaho sa GMA-7.
Una ay noong 2018. Tumagal lamang ito ng tatlong buwan, mula Agosto hanggang Nobyembre.
Read: Mike Enriquez takes medical leave from GMA TV and radio shows
Pangalawa ay noong December 2021.
Read: Mike Enriquez takes medical leave from 24 Oras, GMA News duties
Tatlong buwan lang din ang itinagal nito dahil noong March 2022, ay bumalik siya sa kanyang anchor duties sa 24 Oras at bilang host ng Imbestigador.
Sa virtual mediacon na inihanda para sa kanya ng GMA-7 noong March 25, 2022, ay inamin ni Mike na sumailalim siya sa kidney transplant at bypass operation.
Naulila ni Mike ang kanyang asawa na si Lizabeth "Baby" Yumping.
ARNOLD CLAVIO'S CRYPTIC POST
Bago pa man maglabas ng opisyal na pahayag tungkol sa pagpanaw ni Mike ay nagkaroon na ng agam-agam ang netizens dahil sa cryptic Instagram post ng kasamahan nito sa GMA Integrated News na si Arnold Clavio.
Nitong Martes ng hapon ay nag-post si Arnold ng isang larawan na kulay itim ang background at sa ilalim na bahagi nito ay ang imahe ng nakasinding kandila.
Walang inilagay na caption dito si Arnold.
Limitado lamang ang maaaring magkomento rito, ngunit kapansin-pansing karamihan ng mga nagkomento ng sad emojis ay mula rin sa GMA Integrated News gaya nina Nelson Canlas, Oscar Oida, Kathy San Gabriel, Connie Sison, at ang aktres at Unang Hirit co-host na si Shaira Diaz.

MIKE ENRIQUEZ'S BROADCASTING CAREER
Nagsimula ang broadcasting career ni Mike Enriquez bilang staff announcer sa Manila Broadcasting Company (MBC) noong 1969.
Mula noon ay nasubukan niyang magtrabaho sa iba't ibang posisyon sa radyo—bilang broadcast reporter, news editor, program director, at station manager.
Bukod sa MBC, nagtrabaho rin siya sa Freedom Broadcasting Radio Network at Radio Mindanao Network (RMN), kung saan siya naging vice president.
Pagkatapos niyang iwan ang RMN noong 1994 ay lumipat si Mike sa GMA Network upang pamunuan ang radio station nito, ang DZBB.
Nang sumunod na taon, noong 1995, ay nakumbinsi si Mike na maging on-cam anchor para sa coverage ng 1995 national elections.
Naging anchor na siya ng mga news program ng GMA-7 gaya ng Saksi, GMA Network News, at 24 Oras.
Bukod sa kanyang distinct na boses, lalong nakilala si Mike dahil sa kanyang mga linyang "Excuse me po" (kapag nauubo siya sa kalagitnaan ng kanyang pagbabalita) at "Hindi namin kayo tatantanan."
Read: Mike Enriquez on "cash gift" allegation: “Bakit gagawin ito sa isang katulad ko?"
ON RETIREMENT
Sa virtual mediacon na inihanda para sa kanya ng GMA-7 noong March 25, 2022, sinabi ni Mike na habang nasa medical leave ay nagkaroon siya ng “reflection and discernment” ukol sa career niya bilang broadcaster.
Pahayag niya, “I’m not yet finished with the process. It’s still ongoing for me. It’s about my future, my career, my life.
“I promise myself at the start of my surgery and my isolation… I would spend the time really, really taking a serious look at my life, at my career.
“Ano bang gusto ko talagang mangyari sa buhay ko?
“Is it time to turn off the microphone? Is it time to not to turn off the microphone completely, but to lessen [the work]? Mga ganoon ba.
“And I will repeat, I’m still in the process of making that discernment,” paglilinaw niya.
Dagdag ni Mike, “Sometimes, sasabihin niyo, ‘Ayoko na,’ or ‘Time to pack up and move on,’ ‘tapos after a while, move back na naman.
“I’m still in the process…”
Read: Mike Enriquez admits asking himself, "Is it time to turn off the microphone?"
