Inamin ni Paul Salas na kumpara sa ibang naging relasyon niya noon, higit na mas masaya ang relasyon nila ni Mikee Quintos.
Dalawang taon na rin ang binibilang ng kanilang pagiging magkasintahan.
Wala pa raw silang matinding pag-aaway simula nang maging sila, kaya laging magaan ang pakiramdam ni Paul, at walang gaanong stress sa kanyang personal na buhay.
Read: Paul Salas, na-trauma sa dating relasyon kaya natagalan ang pag-amin nila ni Mikee Quintos
Pahayag ng 25-year-old actor, "Oo nga, buti naman at blessing din. Swak at happy-happy lang.
"Siyempre, may worth naman talaga ang pagiging happy din minsan, pero hindi naman maiiwasan na minsan may arguments kami.
"Pero ang gusto ko naman sa amin ni Mikee, talagang napag-uusapan namin.
"Ayaw naming lumipas ang isang araw na mayroong bigat na nararamdaman, kaya yun ang nagiging ano namin para maging masaya ang relationship namin.
"Nagtutulungan kami para tumaas ang isa't isa."
Sa dalawang taong lumipas, gaano na ba nila kakilala ang isa't isa? May mga bagong discoveries ba sila isa't isa lalo na sa kanilang personalidad?
Ayon kay Paul, "Every day naman, may mga bago kaming nalalaman, at may mga bago kaming nari-realize sa isa't isa.
"And expected naman namin yun dahil kapag wala, parang mas mahirap yun, kasi walang growth.
"Pero kapag nalalaman namin, halimbawa, kapag bad side ko, like mataas pala yung pagiging competitive ko sa kanya, minsan ma-pride pala ako, nakikita din naman, at nawu-work out din naman namin nang sabay.
"Same thing din with her. So, yun ang parang masaya sa relationship namin."
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Paul sa grand opening ng 8th Tanglawan Festival at 23rd anniversary of cityhood ng San Jose del Monte, Bulacan, noong Biyernes ng hapon, September 1.
Isa siya sa celebrities na naimbitahan nina Mayor Arthur at Congresswoman Rida Robes para mag-perform at pasayahin ang mga San Joseño sa araw na iyon.
ON PAUL BEING JEALOUS
Halos magkapantay nga raw ang level of maturity nilang magkasintahan dahil magkasing-edad sila.
Saad ng Kapuso actor, "Sana naman. Kaya pagdating sa ano [di pagkakaintindihan], parang meeting lang. Parang discussion lang sa business.
"Parang, ''Lika, upo tayo. Ano ang business natin?' Di ba, ganun naman?
"Pag nag-aaway kami, hindi naman kami nagsisigawan. Tahimik lang kami.
"Parang, 'Ano ba talaga ang problema sa akin? Sabihin mo na.' Ganun.
"'O, heto ang problema ko sa iyo.'"
Dagdag pa niya, "Minsan, kinikilig pa nga si Mikee pag nagseselos ako sa kanya, e.
"Yun talaga ang nagiging relationship namin. Dahil siguro sa ipinapakita ko lang ang love ko sa kanya. Takot akong mawala siya.
"Alam naman niya yan, kasi minsan, pinagtatawanan na lang namin yan kapag nagseselos ako."
BEING OPEN ABOUT HIS PAST
Ang pagiging open din daw ni Paul kay Mikee tungkol sa kanyang nakaraan ang isa pa sa mga factor kung bakit smooth-sailing ang kanilang relasyon.
Saad ni Paul, "Actually, maraming times ko na ring in-open up yung past relationships ko.
"So, kumbaga, ngayon din lang ako nagkaroon ng healing, at pagtanggap na ganun nga ang nangyari noon.
"And I'm hoping din again, na mas makilala ko pa si God, at yun din naman.
"Wala naman akong baggages or anything, or any bitterness."
Sa tingin nga raw ni Paul, ang relasyon nila ni Mikee na ang pinakamahabang relasyon na pinasukan niya, at mukhang magtatagal pa ito.
Sabi ngh binata "Parang ito ang pinakamahaba na parang di ko napi-feel na toxic. Talagang may worth din para sa sarili.
"Kumabaga, nari-realize ko na mas gusto kong gumanda ang relationship.
"Worth talaga yan para isa't isa. Worth ko, worth din niya sa sarili niya.
"So ako, hangga't kaya kong maging better version ng sarili ko para sa kanya, yun din naman ang gugustuhin ko."
Puwede na bang sabihing si Mikee na ang "The One" sa buhay niya?
Nangingiting sagot ni Paul, "Ah, 'The One?' Yan na nga ang tinatanong sa akin.
"Sabi ko, sa akin, 'God, kung siya na, why not?' Kung ako ang tatanungin, game na game.
"Pero parang marami pa atang plano si God para sa amin, kaya di namin minamadali ang ganyang bagay.
"We want to enjoy every step of the way."
Handa na ba siyang mag-settle down?
Mabilis na tugon ni Paul, "Ako? Hindi pa, hindi. Ayoko pa.
"Baka kapag mag-settle down [na ako], baka si Mama, umiyak. E, favorite [son] daw niya ako."
Patuloy pa rin daw nilang pinapaganda ang kani-kanilang career, kaya sa ngayon ay ito ang priority nila sa kabila ng pagiging matatag din nilang pagmamahalan sa isa't isa.
