Matagal din silang nagkasama sina Alessandra de Rossi at JM de Guzman habang ginagawa ang digital movie na What If, kaya nabuo ang pagkakaibigan sa pagitan nila.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ibinahagi nila ang mga katangiang nadiskubre nila sa isa't isa.
"Si Alex, isa siyang mabuting kaibigan. Kahit anong problema mo, makikinig siya.
"Iyong mga problema mo sa buhay, kahit hindi sa work, puwede mong i-share sa kaniya at aalagaan niya yun.
"Hati yung oras ko doon, sa work at sa tsikahan namin. Doon ko na-realize na ang sarap maging maibigan ni Alex," bungad ni JM.
Kinumpirma ito ni Alessandra.
"Si JM, ganoon din. Masaya siyang katrabaho at katsikahan, magaling ito. So, ganoon nga, marami kaming sikreto ni JM. My best friend.
"Mapagkakatiwalaan mo siya. At hindi ka rin matatakot na magsabi ng kahit ano sa kaniya.
"It’s either no reaction siya or nakalimutan na niya. Chos," biro ni Alessandra.
Nakapanayam ng PEP.ph sina Alessandra at JM sa isang pocket presscon na ginanap sa Baked Studios, Yakal Street, San Antonio Village sa Makati City.
Read: 10 Filipino Heartthrobs in their 30s Who Are Still Single
WHAT THEY WOULD CHANGE ABOUT THE MOVIE
Magkatambal sina Alessandra at JM sa What If, na nagsimulang mapanood sa Netflix mula noong September 7, 2023.
Base sa trailer ng pelikula, iikot ang kuwento sa recently married couple na masa-stranded sa isang secluded island sa Caramoan, Camarines Sur sa Bicol.
Inabot sila ng bagyo habang nasa isla ng kanilang honeymoon. At dito ay mapipilitan silang harapin ang problema nila sa kanilang relasyon.
Kung sila ang writer or director ng movie, ano sa tingin nila yung dapat pang idagdag o tanggalin na eksena sa buong pelikula para mas maging maganda pa?
Sagot ni JM, "Siguro yung ending, kailangan pang mas bigyan ng redemption yung love niya. Mas ma-rekindle pa yung love nila."
Ikinuwento naman ni Alessandra na nanghihinayang siya dahil madaming eksena ang hindi naisama sa final cut ng pelikula.
"Actually, yung first edit ng film was two hours and 18 minutes, so wala kaming choice kung hindi iksian siya.
"Ang daming natanggal, hanggang sa umabot siya ng one hour and 46 minutes, kasama na yung credits. Iyong mga natanggal, yun sana yung mga maibalik.
"Sadly, ang hirap mag-cut kapag drama kasi may timing talaga siya.
"Kaya lang hindi raw talaga puwedeng ganoon kahaba dahil baka raw ma-bore yung mga tao."
Ang What If ay hinulma ng direktor na si Emmanuel Quindo Palo. Co-produced ito ng Viva Films at A World Of Our Own, with Vic del Rosario Jr. as executive producer.
Kabilang sa cast sina Angie Castrence, Soliman Cruz, at Jett Pangan.
Read: Alessandra de Rossi, Empoy Marquez turn on the feels, tears in Walang KaParis