Makahulugan ang mga pahayag na binitawan ni Vice Ganda, 47, tungkol sa mga “lolong hindi ako masyadong like.”
Nagpahaging ang TV host-comedian sa episode ng It’s Showtime ngayong Lunes, September 11, 2023.
Ito ay sa gitna ng maaanghang na pahayag na ibinulalas ni former Senator Juan Ponce Enrile, 99, laban kay Vice noong weekend.
Tahasang tinawag ng almost-centenarian nang si Enrile na “abusado” at “bastos” si Vice.
VICE QUIPS ABOUT LOLOS AND LOLAS
Sa "Mini Miss U" segment ng Kapamilya noontime show, may isang contestant ang humiling kay Vice na batiin o “i-shout-out” ang kanyang lolo dahil idolo raw nito si Vice.
Kinuha ni Vice ang pagkakataon para ihayag ang kanyang saloobin ukol sa viewers nilang senior citizens.
Binati muna ni Vice ang lolo ng batang contestant.
Hirit ni Vice, “Nakakatuwa. Andaming lolong nanonood sa akin. Ang daming lolong nakatutok sa akin, di ba?
“At love ako ng mga lolos. Hi sa mga lolos na love na love ako. Love natin ang mga lolos.”
Pabirong sundot ni Vice, “My God, sa social media ang dami ding nagsa-shout-out sa akin.
“My God, I’m so relevant and famous…"
Giit ni Vice: “Lalung-lalo na yung mga lolo diyan na mahal na mahal ako.
“Maraming salamat po. I love lolos and lolas, promise…”
Read: Painting, binili ng PHP200 sa second-hand shop, original pala na abot PHP14M ang presyo
LOLONG HINDI AKO MASYADONG LIKE
Kahit daw may ibang mga lolo na hindi siya masyadong gusto, sinabi ni Vice na gusto niya ang mga ito.
Sinabi muna ng co-host niyang si Jhong Hilario, maraming senior citizens ang natutuwa kay Vice dahil gumagaling daw ang mga ito dahil pinapatawa sila ng comedian.
At saka ipinaliwanag ni Vice na committed ang It’s Showtime na pasayahin ang senior citizens.
Saad niya, “Kaya patuloy naming ginagawa, lalung-lalo na yung 'Tawag Ng Tanghalan'... may mga pagkakataon na yung ibang tao nagsasawa na sila sa 'Tawag Ng Tanghalan'…
“Ang dahilan po kung bakit namin tinutuluy-tuloy yung 'Tawag Ng Tanghalan,' kasi yan yung pinakapaboritong segment ng mga matatanda.
“Yan yung wala na silang gagawin. Nakaupo na lang sila sa tumba-tumba, makikinig lang sila ng mga kumakanta…
“Kaya yun po ang ibinibigay namin sa mga matatanda…
“At ang isa sa mga pinakagustung-gusto naming pinagseserbisyuhan at pinag-aalayan ng saya ay yung mga matatanda nating nanonood sa atin.
“We love the elderly—our grandmas and grandpas. We love you lolos and lolas.”
Sundot pa ni Vice, “Pati na rin sa mga lolong hindi ako masyadong like, I still love you po.”
ENRILE calls VICE GANDA "BASTOS" AND "ABUSADO"
Ang buwelta ni Enrile laban kay Vice ay ginawa nito sa programang Dito sa Bayan ni Juan ng SMNI News Channel noong Sabado, September 9, 2023.
May kaugnayan pa rin ito sa “cake icing issue” na kinasangkutan ni Vice at real-life partner nitong si Ion Perez sa It’s Showtime noong July 25, 2023.
Ang isyung ito ay isa sa mga dahilan kung bakit pinatawan ng 12-day suspension ng Movie and Television Review Classification Board (MTRCB) ang It’s Showtime.
Read: MTRCB suspends 'It's Showtime' for 12 days
Tinawag ni Enrile si Vice ng “salacious” o mahalay.
Bahagi ng pahayag ni Enrile laban kay Vice: “Hindi lang walang decency kundi abusado. Alam ko na mapagpatawa yang binabanggit mo na babae [Vice] magmula pa ng araw, ganyan na yan…
“You’re earning your living and popularity sa kabastusan.”
Si Enrile ay kasalukuyang chief presidential legal counsel ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Si Enrile ay humawak ng iba’t ibang matataas na government positions simula pa noong dekada '60, sa ilalim ng iba’t ibang administrasyon.
