Tumanggap ng mga batikos ang isang miyembro ng security personnel na umalalay kay Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach dahil sa paghawi nito kay National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee.
Nangyari ang insidente sa Manila International Book Fair sa SMX Convention Center, Pasay City, noong September 14, 2023.
Read: National Artist Ricky Lee, ganado sa pagdalo sa Book Fair dahil napapalibutan ng book lovers
Nakatikim ng mga paghuhusga ang security guard dahil nakunan ng video ang naging trato at kawalan niya ng respeto kay Ricky nang lapitan, batiin, at pasalamatan ng beauty queen ang National Artist.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsalita ang iginagalang na manunulat tungkol sa nangyari sa pamamagitan ng eksklusibong panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) ngayong Miyerkules, September 20, 2023.
Ayon kay Ricky, hindi kinakailangang senior citizen o National Artist ang isang tao upang bigyan ng respeto ng guwardiya ang sinumang nilapitan ni Pia at kinamayan sa book fair.
Malumanay na pahayag ng National Artist sa PEP.ph, “Siguro yung guwardiya could have been more gracious. Hindi ko iisipin ang sarili ko. Iisipin ko yung ibang tao yan.
“Hindi kinakailangan na senior or hindi kinakailangang National Artist. Pero kung may taong nilapitan din ni Pia, kinamayan pa ni Pia, respetuhin niya [guard] yung tao at si Pia, kasi kilala ni Pia.
“Pero hindi niya kailangang hawiin kasi si Pia mismo ang lumapit at nakipag-usap.
"So, kawalang respeto yon hindi lang sa akin kundi kay Pia. Hindi in-acknowledge ng guard na in-acknowledge ako ni Pia.
“I think medyo naging rude yung guwardiya.
"Again, ulitin ko, hindi dahil senior citizen, hindi dahil National Artist.
"I think maski na sinong tao, maski na bata o estudyante, kung in-acknowledge ni Pia, kinausap at pinasalamatan, huwag niyang itaboy. Yun ang punto ko."
Na-realize lamang daw ito ni Ricky nang pinanood niya ang video na kumalat sa social media.
Lahad niya, "Pero na-realize ko lang yan nang pinanood ko yung video kasi ang daming mga kaibigan na ‘O, Ricky, bakit ganoon?’
“So, pinanood ko, nakita ko, 'Ay, oo nga.' Hindi ko napansin pero humarang nga siya sa gitna namin ni Pia.
"Maging makatao sana lalo na sa isang book fair. Hindi lang siya kung saan, book fair siya."
Read: Ricky Lee on attempts at whitewashing martial law: "Para akong binubura. It hurts."
RIBBON CUTTING WITH PIA
Ikinuwento ni Ricky sa PEP.ph ang buong kaganapan para malaman ng publiko ang katotohanan sa likod ng pangyayari.
“Kapag hindi kumpleto ang kuwento baka ma-out of context,” sabi ni Ricky.
"Nagulat din ako kasi hindi ko napansin, hindi ko nahalata yung nangyari. Wala akong napansin.
“The next day, ipinakita sa akin ng assistant ko yung video at comments na ang dami-dami.
“Nagulat ako, bakit may ganitong comments. Hindi ko naman naramdaman, wala akong naramdaman na nangyari na ganoon.
“Siguro, hindi lang ako masyadong pala-pansin sa sarili."
Ayon kay Ricky, may usapan sila ni Pia na magpapalitan ng libro at sabay pa silang nag-lunch pagkatapos ng ribbong cutting.

“Ang konstekto niyan ganito, days before the book fair, nagkontakan kami ni Mark Yambot.
“Si Mark Yambot yung publisher ni Pia. Nagkontakan kami kasi matagal na naming gustong mag-lunch.
"Sabi ni Mark, 'Tutal naman, sabay kayo ni Pia na magri-ribbon cutting sa book fair, mag-lunch na tayo with Pia.'
“So, na-meet ko si Pia nung ribbon cutting, and then, after that, nag-lunch kami. Sa lunch, kasama ni Pia yung mga tao niya, mga anim o pito kaya nakilala nila ako lahat.
“Sinabi ni Pia na bibigyan niya ako ng libro niya so sumabay ako sa van niya para ma-autograph yung libro.
“Sabi ko, bibigyan ko rin siya ng libro ko bilang kapalit. Pinadalhan ko siya ng libro sa holding area.”
Read: Legendary screenwriter Ricky Lee, ABS-CBN writers join GMA-7's creative team
May sariling booth si Ricky sa Manila International Book Fair at dahil sa dami ng mga tao, tumagal ng alas-dose ng tanghali hanggang alas-otso ng gabi ang autograph signing niya para sa book lovers na tumangkilik sa kanyang mga isinulat na libro.
Pagpapatuloy na lahad ng multi-awarded writer, “Much later, after ng mga book signing, nagre-rest ako by walking around then nakita na naglalakad si Pia, kasama yung mga guard.
“Tinawag ako ng tauhan ni Pia na nakilala ako. Sabi niya, ‘Hi Sir Ricky.’
“So, tumingin ako at nang lumapit ako, hinawakan ako ni Pia. Sabi ni Pia, ‘Thanks for the book, Sir Ricky.’
“I think, dun yung hinarang ako ng guard at itinaboy ako. In the gulo of the moment, hindi ko na nahalata yon kasi lumayo na si Pia.
“But to be fair kay Pia, she was very gracious. She acknowledged me.
"And then, pagdating sa area na magsasalita na siya, may talk siya na ang dami-daming tao, pumunta na rin ako. Pakinggan ko na nga si Pia, maski konti.
“Pagdating ko dun, in fairness kay Pia at sa host ng program, in-acknowledge pa nga ako, ‘Ay, nandito si Sir Ricky. Ang iginagalang na National Artist. Tumayo po tayong lahat at magbigay-pugay.’
“So, tumayo si Pia at lahat ng audience.
"So, ibig sabihin kung si Pia at mga tao niya, wala naman intensyon…”
Bukas ang PEP.ph sa panig ng organizers ng book fair at sa guard na tinutukoy sa artikulong ito.