Pilit na umiwas ng dating Hashtags member na si Paolo Angeles sa isyu ng power-tripping na naranasan ng kasamahan niyang si Wilbert Ross.
Naungkat ang isyu nang ihayag ni Wilbert na napag-initan siya noon ng isang boss sa noontime show na It's Showtime.
Read: Wilbert Ross claims he's the victim of a power-tripping boss of It's Showtime
Pero nilinaw din ni Wilbert na naikuwento niya ito dahil nalampasan na niya at nagkausap na rin sila ng taong di na niya pinangalanan kung sino.
Noong March at May nabanggit ni Wilbert ang tungkol sa karanasan niyang iyon.
Sa parte ni Paolo, wala raw siya sa posisyon para mag-react sa pinagdaanang iyon ni Wilbert.
"Ang hirap kasing magsalita, e, alam mo yun? Ayoko naman na meron akong masiraan...
"Siguro kay Kuya Wilbert, baka may mga na-experience siya ng ganoon, kung meron man, at naiintindihan ko siya.
"Hindi ko dini-discredit yung na-experience niya doon," paliwanag ni Paolo.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Paolo sa anniversary celebration ng Fil-Global Immigration Services Corporation, sa imbitasyon ng kanilang Managing Director na si Bertch Ian Ranis.
Sa kaso ni Paolo, hindi niya itinago na sa grupong Hashtags ay may mga pagkakataong nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan.
Ayon kay Paolo, "Sa part ko naman, may mga nakakaaway na ano, hindi maiiwasan yun. Pero nagkakaayos din naman after. So, yun yung sa akin.
"Pero yung bullying, hindi ko siya masasabi sa part ko. Kasi hindi ako papayag na magpa-bully. Yun, yun."
Siniguro ni Paolo na maayos ang samahan ng Hashtags kahit na wala na ang all-male group sa It's Showtime.
"Nagzu-zoom-zoom pa kami. Di ba dati nauso ang zoom? Kaya okey kami. Wala namang problema.
"Of course, gaya sa magkakapatid nagkakaroon ng tampuhan. But at the end of the day, nagiging okey kami. I guess, normal lang yun.
"Kung yung magkakapatid mga nagkakatampuhan. Paano pa kaya kami na binuo lang at naging close lang?"
Patuloy ni Paolo: "Although, magkakapamilya naman ang turing namin sa isa’t isa.
"And still, nagkakatampuhan pa rin. Normal lang yun. Maski naman ngayon nangyayari yun.
"Pero hindi naman yun something big para palakihin yung isyu, alam mo ‘yun?"
Masasabi raw ni Paolo na malapit siya sa lahat ng Hashtags.
At sa mga pagkakataon na kailangan niya ng suporta, isa sa mga maaasahan niya ay si Zeus Collins.
“Ako, ma-emosyonal na tao. Medyo mahina ako emotionally. Madali ako, ma-ano, alam ni Zeus yan.
"Kapag nakikita nila ako medyo nasa gilid lang mag-isa, tinutulungan nila ako,” ani ni Paolo.
ON SKIPPING THE SEXY ROUTE
Sumabak si Wilbert sa pagpapaseksi sa pelikula.
Naisipan din ba ni Paolo na makipagsabayan sa paggawa ng sexy projects?
"Hindi ko kaya. Dati, oo. Makulit kasi utak ko, e," nangingiting sabi ni Paolo.
Sa puntong ito ibinahagi ni Paolo na ngayon ay isinasaalang-alang niya ang reaksiyon ng kanyang mga magulang.
"Pero siyempre, tumatanda na rin naman ako, di ba?
"Ngayon, mas iniisip ko na yung sa mga magulang ko. Siyempre manonood ang mga magulang ko, e.
"Ngayon na tumatanda ako, parang hindi ko na kaya."
Paliwanag pa niya: "Parang habang tumatanda ako, yung relationship ko sa parents ko mas nagiging intact na.
"Hindi ko naman sinasabi na hindi kami close dati. Pero siyempre, dumadaan tayo sa pagiging pilyo dati. Naging rebelde-rebelde rin ako dati, di ba?"
Samantala, ibinalita niya na kasama siya sa bagong proyekto ni Piolo Pascual.
Huling nakatrabaho ni Paolo si Piolo sa pelikulang My Amanda, kunsaan katambal ni Piolo si Alessandra de Rossi. Ang director ng pelikula ay si Dan Villegas.
"Pinost ni Sir Piolo yung nagti-taping kami. But I don’t think kung puwede sabihin. Upcoming yung show namin. Hintayin na lang nila," pambibitin ni Paolo.
Ang huling project ni Paolo ay Suntok Sa Buwan, ang serye na pinagbidahan ni Aga Muhlach at ipinalabas sa TV5. Si Dan Villegas ang director ng proyekto.
Read: Erin Ocampo on talking to Garie Concepcion for the first time: "Nagkagulatan kami."
ON FINISHING HIS COLLEGE COURSE
Isa pang pinagkakaabalahan ngayon ni Paolo ay ang pag-aaral niya ng kursong Public Administration sa Trinity University of Asia.
"Bumalik po ako nung pandemic. Nag-stop po kasi ako nung [active po ako as] Hashtag. Di ba po Monday to Staurday [sa It's Showtime noon].
"After Showtime may rehearsal. So, wala talaga akong time mag-aral nu’g time na yun.
"So, hopefully this December matapos na ako para makapag-decide na ako talaga sa mga plano namin."
Plano nya pumasok sa politika?
"Ang dami po actually nagtanong niyan. Kasi, nung time na nagha-Hashtag ako, in-offer po yan sa akin ng Trinity.
"Kasi, yung course na po yan sa Trinity, maluwag po sila sa working students. That time, every Saturday ang klase ko. Buong araw yun."
Pagkatapos niya ng pag-aaral, balak ni Paolo na magtayo ng negosyo tulad ng coffee shop para hindi lang siya umaasa sa pag-aartista.
Naiisip din daw niya na mangibang-bansa kung walang umubra sa mga plano niya rito sa bansa.
"Hopefully, sa Australia sana. Kasi kahit papano may mga nakilala na ako [doon].
"Kung mag-aaral po ako sa Australia, doon ko itutuloy yung kurso ko sa pagluluto. Hindi ako magaling magluto pero tina-try kong magluto."
Read: 'Eat Bulaga!' magbabalasa ng mga co-host; Paolo Contis, hindi na magte-teleserye?
