Aminado si Dennis Trillo na kakaiba pa rin ang pakiramdam niya ngayong magtatambal na sila ni Bea Alonzo sa isang project para sa Kapuso network.
“Ako parang… sobrang magical yung pakiramdam para sa akin.
“Biruin mo, simula nung… halos talagang nagsimula kami ni Bea noon sa ABS, sabay kaming nagwu-workshop, sabay kaming nagkaroon ng dance prod sa TV, sabay kaming ni-launch, sabay kaming nagre-rehearsals.
“Tapos, after twenty years eto gagawa na naman kami ng isang napakagandang proyekto,” ang umpisang kuwento ni Dennis tungkol sa pagtatambal nila ni Bea Alonzo sa Love Before Sunrise ng GMA Network at VIU Philippines.
“Feeling ko sobrang blessed ko and proud dahil hindi naman kahit sino nakakatrabaho ang isang Bea Alonzo.
“Kaya sobrang suwerte ko na nandito ako ngayon kasama yung mga magagaling na artista dito, at siyempre si Bea, sobrang happy lang na nagkatrabaho kami ulit, at eto yung perfect project para gawin namin ‘to.”
Kasama nina Dennis at Bea sa Love Before Sunrise sina Andrea Torres at Sid Lucero.
Kasama rin sa serye sina Sef Cadayona, Rodjun Cruz, Vaness del Moral, Vince Maristela, Jose Sarasola, at Cheska Fausto.
Bahagi rin ng programa ang mga respetadong artista ng Pilipinas na sina Nadia Montenegro, Tetchie Agbayani, Ricky Davao, Jackie Lou Blanco, Isay Alvarez, at Matet de Leon.
Ano ang naging senaryo sa unang pagkikita nila ni Bea sa set ng taping ng Love Before Sunrise makalipas ang dalawampung taon?
“Siguro hindi mawawala yung ilang talaga, pero ako nung first day talaga sobrang nerbiyos pa rin, sobrang kaba ko, nasa-starstruck ako e, every time magka-eksena kami, sa totoo lang!
“Kaya pag nasa taping ako tsine-check ko yung breakdown, gaano karami yung eksena namin ni Bea, ibig sabihin talagang kailangan kong galingan sa eksena na yun, dahil siyempre ano e, Bea Alonzo, Box-Office Queen.
“Nakaka-pressure talagang kaeksena siya, napakagaling din, ilang pelikula din yung napanood ko tsaka mga shows niya, kaya nakakakaba ang experience.
“Pero once nakuha namin yung aming rhythm, yung aming camaraderie sa set, talagang nagiging maganda na yung flow at nagiging kumportable.
“Nakita niyo naman yung mga ginawa naming eksena,” pagmamalaki ni Dennis patungkol sa trailer ng Love Before Sunrise na ipinalabas sa isang exclusive screening matapos ang kanilang mediacon nitong September 16 sa SM Megamall Cinema 2 .
DENNIS ON ADJUSTING TO HIS DIVERSE ROLES
Bago ang Love Before Sunrise ay napanood si Dennis sa dalawang epic dramas, ang Legal Wives at Maria Clara at Ibarra at sa fantasy series na Voltes V: Legacy.
Kumusta ang adjustment niya ngayong nagbabalik siya sa romance/heavy drama genre?
“Medyo nakakapanibago dahil yung ginampanan ko noon mga lumang tao, sobrang diretso, malinaw siyang magsalita, maayos yung hitsura niya, laging nakaayos yung buhok niya.
“So dito naman mapapanood nila malayung-malayo naman, magulo yung buhay nung tao, yung character ko, si Atom.
“Yung buhok niya magulo, yung hitsura niya, yung buhay niya, and hindi siya ganun kagaling dumiskarte sa buhay, so yun yung difference.”
Kung siya ang nasa katayuan ni Atom at makikita muli ang dati niyang karelasyon at may muling mabubuhay na romansa, anong gagawin niya?
“Well, ako siguro unang tatanungin ko kung magkita man ulit, di ba, matagal na magkasintahan, tapos meron na kaming kanya-kanyang mga personal na ano, buhay, siguro tatanungin ko kung worth it pa ba kung iri-risk ko ‘to.
“Kung talagang mahal ko talaga siguro siya, kung yun yung magpapaligaya sa akin, baka try ko, pero kung hindi naman, kung magiging sakit lang siya sa ulo, hindi ko na lang gagawin, di ba.”
DENNIS REVEALS HIS fantasy ‘WHAT IF’ SCENARIO
Dahil nga tungkol sa “what ifs” ang Love Before Sunrise, ano ang naging ‘what if’ niya sa buhay pag-ibig niya?
“Kailangan ba sa buhay pag-ibig?
“Masyado yatang seryoso yun pag buhay pag-ibig, siguro… mahirap kasi pag may ‘what if’ ka e, parang may pagsisisi sa buhay na hindi mo nagawa, di ba?
“Ako siguro hindi masyadong maka-relate kaya siguro ang ‘what if’ ko ay ‘what if kung naging bading ako sa totoong buhay?’
“Masaya siguro yun di ba,” at tumawa si Dennis.
“Ang landi ko sigurong bakla, ang dami ko sigurong boyfriends,” ang tumatawa pa ring sinabi ng aktor.
Naunang ipalabas ng 48 hours in advance sa Viu Philippines ang Love Before Sunrise simula September 23, magpi-premire naman ito sa September 25 sa GMA Telebabad Lunes hanggang Biyernes 8:50 ng gabi.
Ito ay sa direksyon ni Mark Sicat Dela Cruz at associate director na si Carlo Cannu.
Maaaring manood ang mga Global Pinoys via GMA Pinoy TV. Ang advanced episodes ng Love Before Sunrise ay 48 hours ahead sa Viu Philippines mula Sabado hanggang Miyerkules simula September 23.
Ang Viu app ay available sa App Store, Google Play, select Smart TVs, at sa www.viu.com.
