Hindi maiwasang mahingan ng reaksiyon si Seth Fedelin, 21, sa mga kaganapan sa buhay ng dating girlfriend at love team partner na si Andrea Brillantes, 20.
October 2021 nang maghiwalay sina Seth at Andrea matapos ang relasyong tumagal ng dalawang taon at tatlong buwan.
April 2022 nang maging kasintahan ni Andrea ang basketball player na si Ricci Rivero, pero naghiwalay sila noong May 2023.
Usap-usapan sa social media na third party ang mitsa ng breakup nina Andrea at Ricci matapos kumalat sa social media ang video ng isang babaeng naabutan umano ni Andrea sa condo unit ni Ricci.
Pero mariing pinabulaanan ni Ricci ang alegasyong may relasyon siya sa di pinangalanang non-showbiz girl.
Read: Ricci Rivero confirms breakup with Andrea Brillantes amid cheating allegations
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong September 2023, tinanong si Seth kung ano ang naramdaman niya nang maiulat ang controversial breakup nina Andrea at Ricci.
"Siyempre di ko naman alam ang buong kuwento so di ako magsasalita nang tapos," sagot ni Seth.
"Hindi ako nalungkot. It's more on siguro sumagi lang sa isip ko na, lalo na nung nakita ko sa social media kung ano ba ang nangyari talaga, 'Bakit ganito?'"
Hiling ni Seth, "Sana mahanap niya talaga ang lalake na magpapasaya sa kanya."
Tinanong din namin si Seth kung naisip ba niyang tawagan o kumustahin si Andrea nang mabalitaan niya ang tungkol sa hiwalayan nila Andrea at Ricci.
Sagot ni Seth, "Para sa akin kasi, rule ko kasi yun, may rule ako sa sarili ko bilang lalake na di ko kinakain ang salita ko.
"Hindi ko siya minessage. Pero one time, nung nakasalubong kami sa parang premiere, Unbreak My Heart yata yun, nagbatian kami.
"Sabi ko, 'Kumusta ka na? Sana okay ka.'
"Sila ni Kyle [Echarri] magkasama.
"Pag nagkakatagpo kami sa ABS, close pa rin naman kami."
Nakapanayam ng PEP.ph si Seth sa 10th year anniversary ng Urban Smile Dental Clinic, na pag-aari ni Dr. Ralph Figoroa, na nagdiwang din ng kanyang ika-36 kaarawan.
Read: Andrea Brillantes clarifies she and Kyle Echarri are not a love team
ON KYLE ECHARRI AND ANDREA BRILLANTES
Sa kabilang banda, nanumbalik ang pagiging malapit ni Andrea sa kaibigang si Kyle Echarri nang magkatrabaho sila sa seryeng Senior High.
Nabuo ang grupo nina Seth, Kyle, Andrea, at Francine Diaz, na tinawag na "Gold Squad," nang magkasama-sama sila sa hit afternoon Kapamilya series na Kadenang Ginto, na umere mula October 2018 hanggang February 2020.
Nang tanungin tungkol dito, sinabi ni Seth na aware siya sa pagiging close nina Kyle at Andrea.
"Actually, di naman nawala, magkaibigan naman talaga [sila], kaming apat magkakaibigan.
"Pero siyempre, wala namang perpekto, walang smooth lagi kasi lumalaki kami.
"Lalo na before, siyempre magkakaroon ng tampuhan, bata pa kami."
Hindi raw talaga maiwasang hindi regular ang pag-uusap nila dahil may kanya-kanya silang pinagkakaabalahan.
Patuloy ni Seth: "Kami ni Francine, katatapos lang naming mag-Fractured. Sila Kyle and Blythe ngayon, ongoing ang Senior High.
"Dati nagsimula kami sa Gold Squad, ngayon kahit papaano may blessings kami natatanggap.
"Happy ako sa kanilang tatlo, kay Francine, kay Kyle, kay Blythe, patuloy pa ring tinutupad kung ano ang napag-usapan namin before nung nagsisimula kami."
Ang tinukoy ni Seth na "Blythe" ay si Andrea.
Ayon pa kay Seth, buo din ang suporta niya sa tambalang Kyle-Andrea o KyleDrea.
"Oo, support ako sa KyleDrea, sila naman talaga bago nagka-SethDrea.
"Happy ako na sila ang nagka-pair kaysa iba ang maka-partner ni Kyle, iba ang maka-partner ni Bylthe. Mas better pag silang dalawa."
Read: Andrea Brillantes, Kyle Echarri FIBA kiss cam moment brings kilig vibes
SETH FEDELIN ON FRANCINE DIAZ
Labis naman ang pasasalamat ni Seth na tinanggap na rin ng mga tagahanga ang tambalan nila ni Francine, o kilala sa uniname na FranSeth.
Nagtambal sina Seth at Francine sa kakatapos na Kapamilya series na Dirty Linen, at ongoing din ang iWantTFC series nilang may titulong Fractured.
"Sobrang di ko maipaliwanag, kami ni Chin happy kami, nagpapasalamat kami dahil ang daming pinagdaanan," ani Seth, na ang tinutukoy na Chin ay si Francine.
Patuloy niya: "Ang daming gulong nangyari, pero eventually natanggap ng tao and tinangkilik ng tao ang Dirty Linen.
"Kahit papaano naman talagang nag-invest kami ni Francine na kami na yung partner, magka-love team. Talagang pinaghandaan namin, pinag-usapan namin, pinagplanuhan namin kung ano ang mga gagawin namin and nag-work siya.
"I feel blessed, touched by heaven, sobrang saya at kuntento ko kay Francine."
Sa kabila ng closeness nila ni Francine ay consistent sila sa pagsasabing wala pang espesyal na relasyon na namamagitan sa kanila.
Para kay Seth, gusto niyang kusang mangyari kung magkahulugan man sila ng loob ni Francine.
"Kami ni Chin, di namin pinipilit, di kami nagmamadali, di kami nagpapadala sa mga nababasa namin na, 'Mag-dyowa na kayo. Bakit di pa kayo? Bakit di mo pa ligawan, Seth?'
"May pag-uusap kami na kami lang ang may alam ni Francine.
"I think, gaya ng lagi kong sinasabi, kung darating dun, why not?"
Isa si Seth sa mga artista ng ABS CBN na dire-diretso ang trabaho at di nawawalan ng proyekto—bagay na sobrang ipinagpapasalamat ng Kapamilya actor.
"Sobrang laki ng pasasalamat ko, unang-una sa Panginoon, and then sa ABS-CBN, sa mga big boss na patuloy na nagtitiwala sa akin, sa aming dalawa ni Francine sa kung ano ang kaya naming ibigay sa bawat project na pinagkakatiwala nila sa amin. Thank you!"
Read: Francine Diaz on possibility of real-life romance with Seth Fedelin: "Kung kami talaga, e, di kami."
