Bukod-tanging si Michael V aka Bitoy ang buhay na komedyanteng honoree na dumalo sa closing ceremony ng 3rd Philippine Film Industry Month nitong nakaraang Biyernes, Setyembre 29, sa Acacia Hotel sa Alabang, Muntinlupa City.

Ang tema ng 2023 Philippine Film Industry Month ay "Tuloy Pa Rin Ang Tawanan," na nagbibigay-pugay sa mga tanyag na komedyante sa showbiz.
Ang iba pang honorees na sina Vice Ganda, Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, Ai-Ai de las Alas at Eugene Domingo ay may kani-kanyang proxy.
Ang tumanggap ng award para sa Comedy King na si Dolphy ay ang anak niyang si Eric Quizon.
Ang presenters ng award kay Bitoy at sa iba pang honorees ay ang chairman ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) na si Tirso Cruz III, at ang technical consultant ng konseho na si Direk Jose Javier Reyes.
Pasakalye ni Bitoy nang basahin ang inihandang acceptance speech, “Oh, this one I had to write this down. Kasi mahirap na, baka magkamali ako — ma-bash ako, mag-viral pa ako.”
Tawanan siyempre ang mga tao.
BITOY LAMENTS “COMEDY IS NOT AS UNIVERSAL AS BEFORE”
Hirit pa ni Michael V, “Maraming salamat, FDCP. Direk, thank you very much. At ang idol ko, nakita nyo, gumawa pa ako ng show na ang title, Pip-ito Manaloto.”
Ang palayaw ni FDCP Chair Tirso ay Pip. Ang titulo talaga ng TV show na tinutukoy ni Bitoy ay Pepito Manaloto.
Pagpapatuloy ni Michael V, “I just want to make an announcement na after receiving this award ngayong gabi, nagbabalak na po akong magpalit ng career.
“I will probably sign up with Vivamax para mag-full time na ako na sexy star dahil hirap na hirap na po akong maging komedyante.
“Ito pong sasabihin ko, I’m sure, maraming kapwa ko komedyante ang makaka-relate.
“Every year, every generation po, mas nagiging mahirap magpatawa. We get more and more restrictions when it comes to making jokes and punchlines.
“Nowadays, hindi ka na puwedeng mag-joke tungkol sa superhero na African-American na bading na suicidal na pulis na may kapansanan.
“Kahit po ang punchline mo ay tungkol sa pagiging superhero at walang kinalaman sa race, sa gender, sa mental at sa physical health ng isang tao — yun at yun po ang pupunahin ng mga netizens na mga dalubhasa na ngayon.
“It takes a certain level of intelligence to come up with a very entertaining punchline but a very shallow level of opinionated ignorance to destroy it.”
Pinalakpakan nang masigabo si Bitoy, at may mga napahiyaw.
Hinaing pa ni Michael V, “It turns out comedy is not as universal as before. And what’s funny to some may not be funny to others anymore.
“Pero ang totoong komedyante po ay hindi magpapapigil. We learn, we adapt, and we persevere.
“Ako personally, kahit ganun ang sitwasyon, asahan niyo po na hindi ako titigil ng paghahanap ng paraan para kahit papaano mapangiti at mapatawa kayong lahat.
“Unless kukunin po ako ni Direk Joey Reyes para sa isang Vivamax or like movie.
“Maraming salamat po at magandang gabi!”
BITOY ASPIRES TO ELEVATE PINOY COMEDY
Matapos ang closing ceremony ay nagpaunlak ng panayam si Michael V sa mga taga-media na nasa pagtitipon.
Ano ang pakiramdam niya sa pagtanggap ng ganitong parangal? First time ito para sa kanya.
Pag-ayon ni Bitoy, “Yes! At saka grabe, at a time like this! Yun yung… mas matindi for me, e. Yun ang mas matimbang kumbaga.
“At a time like this na medyo ganun na nga, mahirap nang magpatawa dahil ang dami nang restrictions, nagkaroon ng pagkakataon na makatanggap ng ganitong award, at maparangalan bilang isa sa mga tagataguyod ng comedy sa Pilipinas.
“Nakakataba ng puso talaga!”
Sa struggles ng comedians nowadays, ano pa ang inaasam o hinahangad niya para sa Philippine comedy?
“Kami sa Bubble Gang lagi, ganun, e. Parang naging objective na namin na kahit papaano, to elevate the standard of Philippine comedy,” tugon ni Bitoy.
“Philippine humor, for that matter. Although ang hirap na nga dahil ang dami nang restrictions.
“Pero kung napansin ninyo, ilang taon na ang Bubble Gang, e, tuluy-tuloy pa rin. Because yun nga, we find ways. We learn and we move on.
“Bukod sa tumaas ang level… well, magkaroon ng marami pang projects na mas mamumulat at mas mawa-widen yung appreciation ng audience sa atin, sa comedy.”
BITOY ADVOCATES SELF-CENSORSHIP
Saan nanggagaling iyong sinasabi niyang restrictions? Sa sarili na ba nila, sa management?
“Sa society!” bulalas ni Michael V.
“Sa society. And once you work with a network, talagang automatic yun. Kasi siyempre hindi ka naman papayagan ng network na maglabas ng bawal, or anything na makaka-offend, or will put them in trouble.
“So, we take it upon ourselves pagka… nagkaroon na kami ng self-censorship. Actually, na-summon na kami ng MTRCB noon pa. Hahahaha!
“Recently nga, nakuha ko yung letter, ise-share ko sa social media. Para lang mapaalala sa mga tao na nangyayari talaga ito kahit noon pa.
“And for that matter, yung network nagiging matulungin pa rin. Supported nila kami.
“Before wala naman kaming mga lawyers pag nagte-taping kami. Ngayon, meron na.
“Para immediately masabi kaagad kung puwede or hindi puwede. Nnatututo naman kami. Hahahaha! At nag-a-abide kami dun sa tama.”
May mga nilalaban siya minsan, di ba?
Napahalakhak muli si Bitoy, “Hahahaha! Yung nilalaban ko naman, budget naman… Hahahaha! Budget naman ang problema. Hahaha!
“Sometimes meron… and siguro, kasintigas ko lang… namana ko siguro kay Joey de Leon yun. Hahahaha!
“Yung perseverance minsan dahil nga siyempre, ang objective mo lang talaga is to entertain, magpatawa ng tao.
“Minsan, nakakalimot ako. And pagka kinausap naman ako, nakikinig naman ako.
“And pagka nag-ano naman, pag nag-meet halfway naman kami, natutuloy pa rin yung project more often than not.”
BITOY RECALLS BUBBLE GANG MTRCB SUMMON
Yung mensahe niya pagkatanggap ng award mula sa FDCP, yun ba talaga ang gusto niyang iparating sa mga tao?
“Yes! Yun talaga, noon pa! Noon pa, the first time na na-summon kami sa MTRCB,” pagmamatwid ni Michael V.
“Kasi when we were there, I asked a question. ‘Ahh, OK, sige, sinasabi niyo na parang na-objectify ang mga babae dahil sa ginawa namin.’
“Pero ang naging bottomline na question ko, ‘Sir, napatawa ba kayo?’ At nung sinabi ng majority na, ‘Oo naman, natawa naman kami,’ doon ko ipinaliwanag na dun naman talaga kami nanggagaling.
“Gusto lang talaga naming magpatawa. Gusto lang naming makapagpangiti, makapagpasaya ng mga tao.
“Pero dahil nga ipinatawag niyo kami, ngayon, alam na namin yung mga dapat iwasan. Marami namang paraan ng pagpapatawa, e. Although mahirap na. Pero gagawa po kami ng paraan.’”
Isang beses lang daw sila naipatawag ng MTRCB dahil masunurin sila.
“Nakalimutan ko na kung kailan. This was way back pa, Rufa Mae Quinto pa,” sey ni Michael V.
“Ewan ko mga kung nasa YouTube pa yung si Susie Lualhati. Basta yun yung title ng segment na yun.”
Noong Disyembre 9, 2013 naganap ang “mandatory conference” ng MTRCB with some Kapuso executives kaugnay sa November 29, 2013 episode ng Bubble Gang na nagtampok sa segment na “D’ Adventures of Susie Lualhati.”
