Kinumpirma ng Bureau of Immigration na nakaalis na ng bansa ang former dancer at toy collector na si Yexel Sebastian, kasama ng kanyang karelasyong si Mikee Agustin.
Umalis sina Yexel at Mikee papuntang Japan noong Lunes, Oktubre 9, 2023.
Umalis sila habang nahaharap sa maraming reklamong nag-uugnay sa kanila sa PHP200 million investment scam.
Read: Mikee Agustin, Yexel Sebastian are expecting first baby; giving PHP10K to a lucky fan
Sinabi ng Bureau of Immigration na malayang nakaalis ng Pilipinas ang mga akusado dahil hindi pa nagsasampa ng kaso ang mga nagrereklamo laban sa kanila.
Ngayong Martes ng umaga, Oktubre 10, 2023, nag-post si Sebastian ng video at paliwanag tungkol sa mabibigat na akusasyon laban sa kanya at kay Mikee.
Pahayag niya (published as is), “Siguro panahon na para ipagtanggol ko ang sarili ko at buo kong pamilya.
“Ayaw ko sana magsalita dahil kahit magmukha kaming masama at basura sa buong Pilipinas ay tatanggapin ko mai ayos lang ng malumanay at tahimik pero kabaligtaran ang nangyari naging sobrang ingay na.
“Pati kaligtasan namin ay nalagay na sa alanganin, Masakit makita ang buong pamilya mo na umiiyak para sa kaligtasan namin ni Mikee and Zyph kaya palagay ko ito na ang tamang panahon."
Kalakip ng post ni Yexel ang video na kuha niya mula umano sa ribbon-cutting ceremony ng isang casino sa Clark, Pampanga, noong 2022.
Binanggit din ni Yexel ang isang "Hector Pantollano" na aniya'y may-ari ng investment company na inirereklamo ngayon.
Lahad niya, “April 7 2022, nun sumama kami sa Ribbon Cutting na naganap sa isang legit casino sa Clark Pampanga.
“After ribbon cutting, nagkaroon ng malaking event kung saan pinasalamatan ni Boss HP aka Hector Pantollana lahat ng matataas na tao sa casino at iba pang casino branches. Legit ang junket. Legit lahat ang tao. At legit ang operation.
“Hindi yan mapepeke nang kahit sino dahil hindi ka magkaka-branch sa isang casino na legal, para magka-junket kung illegal ito.
“Yan ang pagkakaalam namin lahat ayon sa nakita ng mga mata namin nun panahon na ‘yun.
“Maraming saksi nyan at maraming tao ang nakita ako jan at si Mikee. Isa lang kami sa participants nun gabi na yan at alam ng lahat ng tao yan nun gabi na yun.”
Pero wala itong sinabi kung saan napunta ang mga pera na mga OFW na nakipagsosyo sa kanila dahil nagpasilaw sa mga litrato nila ni Mikee sa harap ng bulto-bultong pera at naniwala sa matamis na pangako nila na buwan-buwan, kikita ng limang porsyento (5%).
Read: Emmanuel Joseph Bacosa Pacquiao, aka Eman Bacosa, starts pro boxing career
PHP200M INVESTMENT SCAM
Nalaman ng publiko ang diumano’y PHP200 million investment scam na kinasasangkutan nina Sebastian at Agustin nang lumantad ang mga investor na lumapit sa public service program ni Senator Raffy Tulfo.
Sinabi ng complainant na si Amal Rosaroso, dating co-host ng Wowowin, kay Tulfo na isang milyong piso ang minimum investment na sinabi at hiningi sa kanya ni Sebastian, pero dalawang milyong piso ang naibigay niya.
Lahad ni Rosaroso, “Sabi nila, one million [pesos] yung minimum para makapag-invest dahil may five percent na interes.
“In-ask ko po sila kung may contract. Sabi nila, meron naman po.
“Nag-send po ako ng pera through bank ni Miss Mikee. Late na po nila ipinadala yung kontrata, contract of loan po.
“Ang sabi niya, may kontrata po, pero hindi nila sinabi na contract of loan. Ang ibinigay po nila, naka-notarized na yung papel.
“Nag-ask ako kay Ma’am Mikee bakit contract of loan. Sabi nila, pare-parehas lang daw kami ng contract. And then, sabi nila, yung investment saka contract of loan, e, iisa lang po daw.
“Kami pong mga first timer na nag-invest, akala po namin, ganoon. Yun ang mali namin dapat pala, nagtanong muna kami pero kasi naniwala kami.”
Nang tawagan ni Tulfo si Yexel sa telepono, inilahad nitong investor din siya at si Mikee.
Paliwanag niya, “In-explain ko naman po sa kanila na ako rin po talaga, kami ni Mikee, investor din po kami talaga.
"Kumbaga, nagandahan din po kami sa platform kaya po nag-post kami sa social media namin na kung sino ang mag-invest din, mag-invest din po sila.
“Ito po kasing investment na to ipinasok sa casino junket [operations].
“In-explain ko po sa mga tao na hindi po ako ang may-ari nito. Yan po ay pag-aari ni Hector Pantollana. Siya po yung signatory.
“HP Horizon po yung junket [name] niya before.”
Iginiit ni Yexel na nagpakuha lamang sila ni Mikee ng litrato sa harap ng bulto-bultong pera pero hindi sila ang nagmamay-ari nito.

Kinontra ni Rosaroso ang mga sinabi ni Yexel dahil, ayon sa kanya, pinagtataguan sila at hindi sinasagot nina Yexel at Mikee ang kanilang mga tawag.
Naka-block din daw sila sa social media accounts ng magkarelasyon, at hindi nila kilala ang Hector na tinutukoy ni Yexel.