Umaasa ang mga bida ng Hiwaga na sina Ynez Veneracion at faith-healer-turned actor Nick Banayo na makapasok ang pelikula nila sa huling apat na entries para sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2023.
Ang Hiwaga ay isang action/comedy/fantasy film. Ang nakaisip daw ng istorya nito ay ang direktor nito na si Vince Tañada. Tapos, nagdagdag ng mga detalye ang producer ng pelikula na si Nick din.
Hango ang kuwento sa dalawang magkapatid na "bathaluman" na galing sa ibang mundo.
Kaya pampamilya raw talaga ito na nababagay sa Kapistahan ng Pelikulang Pilipino.
Sabi ni Ynez sa panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), sa pamamagitan ng Facebook messaging, “Una, kasi parang walang pambata na entry. Yun ang pagkakaalam ko kay Direk.
“Though, hindi ko pa talaga alam kung meron pa bang ibang pambata aside sa Hiwaga.
“Then, aside sa pampamilya ang movie, comedy din ito na maghahatid ng saya sa ating mga manonood."
Dagdag ng aktre, “Gusto ko din itong makapasok sa MMFF para sana mabigyan din ng chance ang mga baguhang actors, like Nick Banayo and Gazini Ganados, na maipakita ang kanilang talento sa pag-arte.
“Kasi, di ba, usually kasi yung mga pelikula ng mga beterano at beteranang actors na talaga ang mga nakakapasok sa MMFF. This time, sana mabigyan ng chance yung mga baguhang artista sa industriya.”
Si Nick ay baguhang aktor gayundin si Miss Universe Philippines 2019 Gazini Ganados.
Sabi naman ni Nick, na ipinadaan niya kay Ynez, “Dahil ito ay isang napakagandang pelikula. Na talaga namang bagay na bagay na pang buong pamilya... lalung-lalo na sa mga bata. Siguradong mag-e-enjoy sila sa kuwento ng Hiwaga.”
Sana raw ay palarin silang makapasok sa last four entries ng MMFF 2023
Aniya, “Unang-una, dun ay ang pagsunod sa utos ng magulang na ipinakita sa pelikula.
"Ikalawa, ang pagmamahal. At ikatlo, ang pagpapatawad. Lahat yan makikita nila sa pelikulang ito.
"Kumbaga, sa kahit ano mang sitwasyon mananaig pa rin ang pagmamahal at pagpapatawad sa isang pamilya.”
Iaanunsiyo ng MMFF execom ang final Top 4 entries sa MMFF sa Martes, October, 17.
Read: Final 4 entries ng MMFF 2023, ia-announce na sa October 17
ON WORKING WITH ISKO MORENO
Proud din si Ynez na nakatrabaho niya ang dating alkalde ng Maynila at Eat Bulaga! host na si Isko Moreno, na kasama rin sa cast ng Hiwaga.
Saad niya, "It was such an honor na makatrabaho si Yorme though nagkasama na kami dati rin sa indie movie.
"Una, kinabahan, pero mabait siya. Tahimik sa una pero mabait naman pag nakakausap mo na katagalan.
"Tapos hanga ako kasi, kung iisipin mo, dating basurero daw siya tapos ang layo sobra ng narating—from basurero naging artista then politician, at ang talino.
"Sobrang madami kang matututunan pag kausap mo siya.”
Sabi naman ni Nick tungkol kay Isko, "Si Yorme, e, nung una ko siya nakita dun, talaga nagpa-picture agad ako.
"Kasi siyempre, mga legit na artista na yan, e.
"Masarap din katrabaho si Yorme kasi napaka-professional niya. Mabait din si Yorme, walang kaarte-arte kahit sa mga scenes namin.
"Minsan nga, pag medyo napapalakas yung tulak niya sa akin sa fight scene, after nun tatanungin niya ako agad kung okey lang ba ako. Ganun siya kamaalalahanin sa mga kasamahan niya.”
FROM FAITH HEALING TO ACTING
Interesting ang kuwento ni Nick na isa ring faith healer. Kailan siya nagkainteres na pasukin ang showbiz o gumawa ng pelikula?
Ayon dito, “Mula pa pagkabata, pangarap ko na mag-artista. Lagi ko nga tinatanong sa sarili ko, 'Ano kaya ang feeling na maging sikat? Masaya kaya?'
"Kasi andami nagpapa-picture sa kanila.”
Nagpapatuloy ba siya bilang faith healer?
Aniya, “Siyempre naman po tuloy pa rin kasi, unang-una, yan ang misyon ko. Saka iyan ang naging daan upang makilala ako sa social media.
"Natuklasan ko siya 20 years old ako nun, nakapulot kasi ako ng isang medalyon sa ilog..
“Unang nakita ko yun, e, hindi ko pinansin kasi akala ko nga salamin lang na basag na naaarawan kaya kumikinang.
“Nilampasan ko lang, e, feeling ko hinihila ako pabalik, kaya binalikan ko."
Mula noon ay natuklasan niyang nakakapagpagaling siya ng tao.
Kumusta namang katrabaho ang mga beteranang artista katulad ni Ynez?
Tugon ni Nick, “Si Ynez, yan napakaasikaso sa akin. Talagang hindi niya ako pinababayaan.
"Kaya talagang pasalamat talaga ako sa kanya kasi super support siya sa akin.
"Isa talaga siya sa tumulong sa akin para maabot ko ang pangarap kong maging isang actor."
Tungkol naman sa leading lady niyang si Gazini, sabi ni Nick, “May mga konting pakilig din naman, may kissing scene din.
"Medyo nagkakailangan nga kami ni Gazini nung una kasi siyempre first time namin magkatrabaho, di ba?
"Tapos Miss Universe pa siya, e, talagang nailang ako.
"Pero all in all naman, e, nagawa naman namin nang maayos dahil, kumbaga, kapag break time naman, nagkaka-bonding kami para hindi mailang sa isat isa.
"Okay siyang katrabaho, masayahin nga siya, e."
