May person of interest na ang Region-4A o Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) Police Office kaugnay sa pagkawala ni Miss Grand Philippines 2023 candidate Catherine Camilon.
Ayon sa ulat ng TV Patrol nitong Lunes ng gabi, October 23, 2023, nagkaroon ng case conference ngayong araw ang Regional Committee on Missing Persons sa Camp Vicente Lim sa Laguna.
Dito ay ipinakita ang mga CCTV na nakahagip sa sasakyan ni Catherine noong gabi ng October 12.
Read: Miss Grand Philippines 2023 candidate Catherine Camilon "missing" according to mom, sister
October 12 pa nawawala si Catherine at labing-isang araw na ngayon na hindi ito nagpaparamdam sa kanyang pamilya.
Read: Missing Miss Grand PH 2023 candidate still alive — police
Base sa CCTV, 8 p.m., dumaan ang sasakyan ni Catherine sa Poblacion Uno, Sta. Teresita, Batangas.
8:03 p.m., nakita ang sasakyan sa Barangay Muzon, San Luis, Batangas.
8:24 ng gabi, nakitang dumaan ang sasakyan sa Barangay Cupang.
9:13 p.m., nakitang pumasok ang sasakyan sa Barangay Sta. Maria.
9:20 ng gabi, nakita ito sa Barangay Bagilawa.
9:25 hanggang 9:53 p.m., binagtas naman ng sasakyan ang Barangay San Agustin.
10:00 ng gabi, lumabas ang sasakyan sa pinasukang kalye sa Barangay Sta. Maria.
PERSON OF INTEREST, REWARD MONEY
Umaasa si Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas, Calabarzon police chief, na sa pakikipagtulungan ng buong pulisya ng probinsiya ay kaagad nilang matutunton ang kinaroroonan ni Catherine.
Saad niya, "Ito yung tinutukan nitong committee and hopefully sooner ma-solve natin kung asan na nga ba si Miss Catherine."
Hindi muna nagbigay si Lucas ng pagkakakilanlan sa sinasabing person of interest dahil patuloy pa silang nag-iimbestiga sa kaso.
Marami rin daw silang sinusundang leads para matunton ang beauty queen at Grade 9 teacher.
Aniya, "We are very optimistic na itong si Miss Catherine ay buhay pa."
Kabilang sa mga nag-iimbestiga na sa kaso ay ang Highway Patrol Group (HPG) ng Calabarzon.
Pinuntahan daw ng HPG sa Binangonan, Rizal, ang naunang may-ari ng sasakyan ni Catherine.
Nagpakita naman daw ito ng ng deed of sale.
Ang hindi mahanap ng HPG ay ang napagbentahan ng sasakyan bago ito napunta kay Catherine.
Ito raw ang itinuturing nilang person of interest sa kasalukuyan.
Pahayag ni P/Colonel Rommel Estolano, Regional Chief ng HPG Calabarzon, "Nakita na rin natin na ipinasalo ito doon sa isang tao, hindi ko lang i-divulge yung real identity niya, but sa ngayon, siya ang kinu-consider na person of interest.
"At hopefully na marinig niya to ngayon, lumutang siya at makipagtulungan sa Highway Patrol Group."
Hindi pa rin natutunton sa ngayon ang Nissan Juke na sasakyang gamit ni Catherine.
Samantala, magbibigay naman si Batangas Vice-Governor Mark Leviste ng PHP100K na pabuya para sa sinumang makapagtuturo sa kinaroonan ni Catherine.
Nauna na rito ang PHP100K na alok ng business sector ng Calabarzon.
Hindi naman nagbigay ng panayam ang ina ni Catherine na si Rose Camilon.
Idineklarang missing person ng pulisya si Catherine noong October 18.
