Nadagdagan ng PHP50,000 ang reward money para sa makapagtuturo ng eksaktong kinaroroonan ng beauty queen at Grade 9 teacher na si Catherine Camilon.
Si Catherine ang representative ng Tuy, Batangas sa Miss Grand Philippines 2023 noong July.
Huling nakita at nakausap ng kanyang pamilya si Catherine noong October 12, 2023.
Read: Miss Grand Philippines 2023 candidate Catherine Camilon "missing" according to mom, sister
Ngayong Huwebes, October 26, ang ikalabing-apat na araw na nawawala si Catherine.
Read: Missing Miss Grand PH 2023 candidate still alive — police
Ayon sa ulat GMA News Online ngayon ding araw, nagbigay ng dagdag na reward money ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na nagkakahalaga ng PHP50,000.
Ibig sabihin nito, umabot na sa PHP250,000 ang reward money para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Camile.
Ang PHP100,000 ay mula sa business sector ng Region 4A, at ang PHP100,000 naman ay mula kay Batangas Vice-Governor Mark Leviste.
Ayon pa kay PRO 4A Public Information Office chief Police Lieutenant Colonel Chitadel Gaoiran, hindi pa rin nila natutunton ang eksaktong kinaroroonan ni Catherine.
“Naghahanap pa din po ng mga CCTV footages. Then, may mga lugar pa din po na pinupuntahan as based doon sa possible route nung sasakyan.”
Ayon naman sa ulat ng TV Patrol noong October 23, nagkaroon na ng case conference ang iba’t ibang ahensiya sa probinsiya para sa kaso ni Catherine.
Pinag-aralan na rin ng pulisya ang mga CCTV footage kung saan namataang dumaan ang sasakyang minamaneho ni Catherine noong October 12.
May person of interest na rin ang pulisya na patuloy na tinutunton para sa kalutasan ng kaso.
Idineklarang missing person ng pulisya si Catherine noong October 18.
