Nasa kustodiya na ng pulisya ang person of interest (POI) sa misteryosong pagkawala ni Catherine Camilon.
Si Catherine ang kinatawan ng Tuy, Batangas, sa Miss Grand Philippines 2023 noong July.
Ayon sa Police Regional Office (PRO) 4A, ang POI sa kaso ni Catherine ay kabaro nila o isang alagad din ng pulisya.
Base sa ulat ng GMA News Online ngayong gabi ng Huwebes, October 26, 2023, isang malapit na kaibigan daw ni Catherine ang lumapit sa kapatid nitong si Chin-chin Camilon, at sinabing may karelasyong pulis ang beauty queen at Grade 9 teacher.
Ang taong ito raw ang katatagpuin ni Catherine noong araw na siya ay naiulat na nawawala.
Ang nasabing pulis din daw ang nagbigay ng sasakyang Nissan Juke kay Catherine na huling minaneho nito noong araw na siya ay naglaho.
Read: Miss Grand Philippines 2023 candidate Catherine Camilon "missing" according to mom, sister
Ayon sa PRO4A, ni-relieve na sa kanyang posisyon ang pulis habang isinasailalim sa imbestigasyon.
Nasa kustodiya na siya ng Regional Personnel Holding and Accounting Unit habang hinihintay ang pagpayag ng Commission on Elections.
Pahayag ni Acting Regional Director Brigadier General Paul Kenneth Lucas, “The removal of the police officer from his position is essential to ensure that the investigation remains free from potential influence and guarantees a fair and thorough examination of the case."
Ang Criminal Investigation and Detection Group 4A ang naatasang humawak ng imbestigasyon sa kaso ni Catherine, habang ang Regional Committee on Missing and Found Persons ay magsasagawa ng hiwalay na administrative investigation.
Sabi ni Lucas, “We understand the concern of the family of Miss Camilon during this challenging time.
“We request everyone to refrain from speculating or disseminating unverified information.
"We will keep the media and the public informed as the investigation unfolds, and we will do everything in our power to find answers regarding this incident."
ADDITIONAL REWARD MONEY
Ngayong araw rin, sinabi ng pulisya na nadagdagan ng PHP50,000 ang reward money para sa makapagtuturo ng eksaktong kinaroroonan ni Catherine.
Huling nakita at nakausap ng kanyang pamilya si Catherine noong October 12, 2023.
Read: Missing Miss Grand PH 2023 candidate still alive — police
Saad pa sa ulat ng GMA News Online, nagbigay ng dagdag na reward money ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na nagkakahalaga ng PHP50,000.
Ibig sabihin nito, umabot na sa PHP250,000 ang reward money para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Camile.
Ang PHP100,000 ay mula sa business sector ng Region 4A, at ang PHP100,000 naman ay mula kay Batangas Vice-Governor Mark Leviste.
Read: Info reward for missing Miss Grand Philippines 2023 candidate Catherine Camilon now at P250K
Ayon naman sa ulat ng TV Patrol noong October 23, nagkaroon na ng case conference ang iba’t ibang ahensiya sa probinsiya para sa kaso ni Catherine.
Idineklarang missing person ng pulisya si Catherine noong October 18.
