Maraming kumilala at pumuri sa Pinay caregiver sa Israel na si Camille Jesalva.
Tinawag siyang bayani dahil matapang niyang hinarap ang miyembro ng teroristang Hamas, at hindi iniwan ang kanyang 95 anyos na inaalagaang Israeli.
Para makaligtas at hindi sila saktan, inalok ni Camille ang kanyang natitirang pera sa teroristang nanloob sa bahay ng amo.
Napaulat ang ginawa ni Camille, at pinuri siya ng Israeli government, pati na rin ng mga kilalang tao, tulad ng Hollywood actor at director na si James Woods.
Pero pag-amin ni Camille, akala niya ay huling sandali na niya ang mga naganap noong October 7, 2023, ang araw ng pag-atake ng Hamas sa Gaza.
Nadawit sa gulo ang mga kababayang overseas Filipino workers, kagaya ni Camille.
Read:
- Israeli official calls slain Pinay caregiver a hero: "She could have escaped."
- Two OFWs confirmed dead in Israel; Pinay nurse allegedly died a hero
CAMILLE RECOUNTS MOMENT OF TERROR
Inalala ni Camille ang mga nasaksihan niya noong araw na iyon.
“Andon yung mga terorista na sinusunog yung mga sasakyan sa parking,” ani Camille sa ulat ng GMA Integrated News.
Narinig na nila ang bomb warnings kaya nagtungo na si Camille sa bomb shelter ng bahay, kasama ang inaalagaang si Nitza Hefetz, 95. Subalit sira ang lock ng bomb shelter.
Narinig ni Camille ang pagsira ng ilang miyembro ng Hamas sa main door ng kanilang bahay pati pagpasok nila.
“Ginugulo po yung bahay, as in gulo. Ewan ko kung anong hinahanap nila, tapos tabi lang po ng shelter. Nanginig na po ako don."
Inihanda na raw ni Camille ang sarili sa mga posibleng mangyari, kaya nag-message na siya sa kanyang nanay sa Nueva Ecija.
“’Ma, send mo na po yung picture ng anak ko. Hindi na ako makaka-survive.’ Parang gusto kong makita yung anak ko bago ko i-close yung mata ko at mamatay…” sambit ng naiiyak na si Camille.
Mas lalong natakot si Camille nang pumasok na sa bomb shelter ng terorista at ginigising daw ang matandang inaalagaan ni Camille.
“Yung lalaki galit na. Yung mukha niya nagagalit. Sabi ko, ‘Sir, please, I’m sorry she’s old. She don’t know what she’s doing. Please be patient.”
Kumalma raw ang lalaki sa sinabing ito ni Camille. Inalok ni Camille ang natitirang pera na dapat sana ay ipadadala niya sa Pilipinas. Ipinakita pa niya ang kanyang wallet sa terorista.
Pero pakiusap ni Camille, “But not my cards and my passport, because I need it.”
Nang wala na raw makuha ang terorista ay umalis na ito.
Pagkalipas ng isang oras, dumating ang Israeli soldiers at inilabas sina Camille sa bahay.
Sabi ni Camille, “Andaming barilan, andaming rockets sa paligid namin. Natumba kami, nadapa kami.
“I feel safe na yung Diyos… may nagga-guide sa aming dalawa [ng inaalagaan ko]. May nagga-guide po talaga sa amin na kakaiba. Yun na po ang naisip ko. Hindi ko talaga akalain na mabubuhay pa ako,” sabi ng umiiyak na si Camille.
Ang kuwento ni Camille ay ibinahagi sa social media, kung saan nakatanggap siya ng papuri at tinawag pang “hero.”
Sabi ni Israeli Ambassador Ilan Fluss, “This is an amazing story of heroism. It is something that we really [think is] important for us to recognize, and to really appreciate, and to say thank to you.”
Tweet naman ni James Woods, “During WWII Filipinos made extraordinary sacrifices in the American war effort. They suffered greatly and were highly respected by the fighting men of the American armed forces.
“My Dad fought in the Pacific and always held the courageous Filipinos in the highest regard.”
Dinala muna sina Camille at Nitza sa isang home for the elders para sa kanilang kaligtasan.

