Viral at pinag-uusapan ngayon ang tungkol sa video ng isang babaeng buntis na hinarass at pinagmumura dahil sa parking space.
Nangyari ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong October 30, 2023, kung saan ang buntis ay nag-parallel parking o nag-park ng kanyang sasakyan sa tapat ng isa pang sasakyan.
Ang dahilan ng buntis, ihing-ihi na ito kaya kinailangan niyang magbanyo.
Sa kumakalat na Facebook at TikTok posts, napag-alamang Kat ang pangalan ng girl, at kasama pa pala nito ang kanyang anak na 11 years old.
Pinag-usapan na rin ang isyung ito sa TV and online programs. Nagkaroon pa ng iba’t ibang opinyon sa social media.
Ni-repost sa social media ng netizens ang unang post ni Kat na may nakasaad na sumusunod na mensahe (written as is): “Tulungan nyo po akong mahanap ang mga taong ito. Buntis po ako at may kasama po akong menor de edad. Nagiwan po ng note na may cp no. kopo pra matawagan po kpg lalabas npo sila. Sinira nila sasakyan namin at hinarass po kmi ng anak ko. Sa profile ko po full video. Please share po.”

TRENDING SCENE
Bagama’t hindi na makita ang naunang post na ito ni Kat, agad pinagpiyestahan sa social media ang eksena sa pagitan nila at ng taong nang-harass sa kanya.
Ang siste, nagpaikut-ikot, at nahirapan daw maghanap ng parking space itong si Kat kaya nag-park ito sa harap ng isang sasakyan dahil ihing-ihi na siya.
Nag-iwan din daw siya ng note sa kotse na nagsasabing nag-CR lang siya at may cell phone number ding sinulat na puwedeng tawagan.
Ilang sandali pa ang nakalipas at may tumawag na kay Kat, na nagmadaling bumalik sa sasakyan.
Sa mga videos na kumalat, kitang-kita kung paano sinalubong ng mura at pinagsisigawan ng may edad na lalaki si Kat.
“Sorry po, nag-CR lang po…” ang maririnig na sabi ni Kat.
“Sa palagay mo, tama iyang ginawa mo?” pagsigaw pa ng may edad na lalaki sa kanya sabay ang magkakasunod na pagmumura at pang-aalipusta.
Kita rin sa video na kahit nasa loob na ng sasakyan ang buntis, sinisindak pa rin siya at tila hinahamon pang bumaba.
Dali-dali namang pinilit ni Kat na makaalis na sa lugar, pero patuloy pa rin itong nagsasabing “Nag-CR lang po ako…”
Marami ang nakakaintindi sa side ni Kat, lalo na ang mga babae.
“Minsan kapag buntis, gusto mong umihi nang umihi na madalas. At may kasama siyang bata,” sabi pa ng isa sa hosts ng show na Sa Totoo Lang sa One PH cable channel.
Read: Bulakenyos reject conversion of San Jose del Monte, Bulacan into highly urbanized city
TWO SIDES OF THE COIN
Sa mga ganitong insidente, laging may dalawang panig.
Ayon sa balita, kaya galit na galit ang lalaki ay dahil senior citizens sila at may PWD ring kasama.
Kaya ganoon na lang ang reaksiyon niya sa nangyari.
Sa puntong ito, samu’t saring reaksiyon at opinyon naman ang makikita tungkol sa isyu.
Magkahalong emosyon ang nararamdaman ngayon ng mga netizens, lalo pa’t may murahang naganap.
Hindi rin lingid sa kaalaman ng lahat ang pagkakamali ng babaeng buntis na nag-double park. Pero hindi na sana umabot sa pagmumura at paninindak ang eksena.
AIRPORT PROBE
Ilang araw matapos ang insidente, iniimbestigahan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang nangyari.
Naglabas ng statement ang MIAA sa pamamagitan ng social media post.
Ayon sa post, “A woman was unable to find an available parking slot at the NAIA 3 and resorted to blocking someone else’s vehicle to address her pressing needs.
“The family whose car was blocked confronted the woman upon her return with the woman claiming the family caused damage to her vehicle due to their anger.”
Nag-file na ng kaso ang babaeng buntis sa NAIA Criminal Case Section. Iimbestigahan din ang guwardiyang naka-assign sa lugar kung saan nangyari ang insidente.
Read: Flight got delayed, then got cancelled? Here’s what you need to know
BOTH PARTIES FILE COMPLAINTS VS EACH OTHER
Sa pinakahuling update, hindi nagkasundo ang parehong panig kaugnay ng insidente.
Balak ng buntis at nakaalitang lalaki na sampahan ng reklamo ang isa’t isa, ayon sa isang airport security official.
Nagharap umano ang parehong panig noong October 31, 2023.
“Pareho silang magpa-file ng kanya-kanyang mga complaint at magpa-file ng charge,” sabi ni MIAA Security Assistant General Manager Manuel Gonzales, ulat ng One PH.
“Yung babae pong buntis magpa-file sa court ng kasong sa Revised Penal Code ng unjust vexation at saka malicious mischief, at yung tinatawag pong batas, Republic Act 76010 [o] Protection of Children Against Abuse Exploitation and Discrimination."
Pagpapatuloy ni Gonzales, “Magpa-file din po ang kabilang partido ng lalaki under Republic Act 10175 [o] Cybercrime Prevention of 2012."
Matutukoy na ang pinanggagalingan ng lalaki ay ang pagkuha sa kanya ng video ng buntis.
“Pareho po silang magpa-file at counter file ng kanya-kanya sa korte," ani Gonzales.