Matapos pagbidahan ang fantasy action series na Lolong ay bidang muli si Ruru Madrid, this time sa isa na namang maaksyong serye ng GMA, ang Black Rider.
Ano ang mga pagkakaiba ng dalawang programa?
Lahad niya, “Siguro… malaki yung difference ng Lolong dito sa Black Rider, kasi when we were shooting Lolong naka-lock-in kami niyan e, dahil yun nga yung height ng pandemic.
“So medyo… alam mo yun, hindi kami nakakapag-explore ng mas malaki pa, hindi kami nakakapunta ng iba’t ibang lugar, at the same time yung mga tao limited lang.
“But this time, sa Black Rider gusto namin hangga’t kaya, iba-iba yung mga makikita niyo every night. Iba-iba yung mga artistang makikita niyo every night. Talagang binuhos ng lahat… first ng [GMA] Public Affairs, para mapaganda po itong programa na ito.
“Hindi po talaga tinipid, talagang ginastusan alang-alang… para makapagbigay po tayo ng magandang programa sa ating manonood.
“At the same time, when it comes sa mga fight scenes, sobrang laki din ng difference dahil sa Lolong most of the time ang gamit ko Arnis and hand-to-hand combat.
“Pero dito… first, nagmo-motor ako, gusto din nating i-promote yung Filipino martial arts like Kali, Yaw-Yan, Arnis… so lahat po yan ilalagay natin. So, mas skilled si Black Rider kesa kay Lolong, so medyo mas mahirap yung stunts na ginagawa, mas mahirap yung mga fight scenes.
“But of course, napapadali yun… shoutout to Direk Erwin Tagle, dahil siya naman yung nagte-train sa aming lahat para mapaganda po yung bawat eksena.”
RURU EMBARKS ON INTENSIVE TRAINING FOR BLACK RIDER
Kumusta ang mga experiences ni Ruru sa training?
Pakli niya, “Actually, six months prior to our shooting day, talagang nagte-training na ako, naalala ko ginagawa ko pa yung The Write One noon, pero kahit puyat diretso training dahil siyempre ayokong sayangin, e.
“Kasi hindi po lahat ng artista nabibigyan ng pagkakataong makagawa ng action na serye, kaya might as well, I will give everything sa tiwala po na ipinagkaloob nila sa akin at ayokong i-take for granted yung tiwala na binigay nila sa akin.
“Kaya gusto kong higitan pa yung expectations nila sa akin.”
RURU ON WORKING WITH THE INDUSTRY’S TOP ACTION STARS
Nasa Black Rider ang ilan sa mga kilalang action stars ng bansa tulad nina Zoren Legaspi, Raymart Santiago, Raymond Bagatsing, Isko Moreno, Monsour del Rosario, Roi Vinzon at Gary Estrada.
Ano ang nararamdaman ni Ruru na katrabaho niya ngayon ang mga ito? May natutunan ba siya sa kanila?
“Sobra! Actually, ang nakaka-fight scene ko pa lang so far, si Sir Monsour, pero siyempre lahat po ng tinitingala po nating mga action stars… napanood ko po yung mga pelikula nila dati, so alam mo yun, may starstruck pa din, e!
“Lalo na pag nasa set na kami, kami ni Boss Monsour nagkaroon kami ng isang fight scene at sobrang nakakatuwa, kasi sabi ko nga masipa lang ako ni Boss Monsour malaking karangalan na, e!
“Kasi yun talaga yung pinapanood natin, yung mga sipa niya, mga fight scenes niya.
“So, nakakatuwa lang kasi iba po yung naging tiwala niya sa akin, iba rin po yung… may mga binibigay din siya sa akin na mga tips pagdating sa paggawa ng action, kung papaano po yung mga anggulo, papaano yung mga daya, papaano yung mga sapaw.
“Itinuturo po niya sa akin, at ako naman para akong sponge lang na tagatanggap, kasi siyempre lahat po ng mga natututunan ko sa kanila iyon po yung ia-apply ko sa trabaho ko.
“But eventually, yun din po yung pwede ko pang maituro sa mga bagong henerasyon pa ng mga gusto pang mag-action,” panalangin niya.
Puro papuri ang ibinigay kay Ruru ng mga nabanggit na action stars.
“Sobrang grateful, sobrang punung-puno po ang puso ko ngayon ng pasasalamat, siyempre po… sabi ko nga kanina, mapabilang lang po sa kanila at makaeksena, kasi dati pinapangarap ko lang po ito, sa totoo lang, nanonood lang po ako dati ng mga pelikula nila.
“Para sabay-sabay, lahat sila pinapanood ko. Sobrang nilu-look-up ko at nangangarap din na balang araw makagawa din ng teleserye or pelikula na action, at ngayon nabibigyan na po ng katuparan, so I’m just very lucky, very grateful na nangyari ito sa buhay ko.
“Siguro hindi po ito mangyayari kung hindi po…of course, galing po sa tiwala ng GMA, ng Public Affairs, ng Sparkle, thank you guys so much and I promise I won’t let you down, in every scene na ginagawa ko, I will give everything, more than hundred percent.
“Sabi ko, hindi para i-prove yung sarili ko sa ibang tao, but also to prove to myself na kaya ko at deserving ako para sa role na itom," pagpapasalamat niya.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang members ng media si Ruru sa mediacon ng Black Rider noong October 27 sa Studio 6 ng GMA Network.
Ang world premiere ng Black Rider ay ngayong Nobyembre 6, 8 PM sa GMA Telebabad, at may simulcast sa Pinoy Hits at may livestream din sa Kapuso Stream. Mapapanood din ito sa GTV, 9:40 PM. Para sa Global Pinoys, mapapanood ito sa GMA Pinoy TV.
Nasa Black Rider din sina Matteo Guidicelli, Yassi Pressman, at Katrina Halili, at sina Gladys Reyes, Rio Locsin, Maureen Larrazabal, Almira Muhlach at si Kylie Padilla sa isang natatanging pagganap.
Nasa cast din sina Jon Lucas, Joem Bascon, Dustin Yu, Joaquin Manansala, Kim Perez, Vance Larena, at Saviour Ramos, Empoy Marquez, Janus del Prado, at Rainier Castillo.
Magdadagdag-kulay sa serye sina Jayson Gainza, Shanti Dope, Pipay, Ashley Rivera, Turing, Sparkle artists Prince Clemente at Mariel Pamintuan at ang young love team nina Ashley Sarmiento at Marco Masa.
