Ipinaliwanag ng Linlang lead actor na si JM de Guzman ang dahilan ng pagdagdag ng kanyang timbang.
Kaugnay ito ng panglalait ng ilang netizens sa anila'y paglobo ni JM, base sa recent photos ng aktor pati na rin sa mga eksena nito sa Prime Video series na Linlang.
Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si JM sa thanksgiving presscon ng Linlang, na ginanap sa Terrace Manila, noong October 31, 2023.
Dito niya sinabing may kinalaman sa mental health issue ang kanyang weight gain.
"Mayroon kasi akong iniinom na mga medical na gamot for my mental health, nakakataba siya talaga pag hindi ako nagwo-workout.
"Pag di ko binantayan yung diet ko, lolobo talaga ako, so ayun," paliwanag ni JM.
Hanggang kailan niya iinumin ang gamot?
Sagot ni JM, "Di ko pa alam sa doktor ko."
Ayon kay JM, hindi siya na-offend sa mga kritisismo sa kanyang pagdagdag ng timbang.
Ito ay sa kabila ng pag-post niya sa IG ng screenshot ng mga komento ng netizen na nagsasabing "tumaba" siya.
Ang caption ng post ni JM ay "masakit kayo magsalita."
Paliwanag ni JM sa PEP.ph: "Actually, nakangiti ako habang pinost ko yun, e. Nilagay ko lang yun kasi I'm doing something about it.
"I'm training now, nagwo-workout na uli ako.
"Gusto ko lang ilagay yon dun para pag naipakita ko sa kanila yung final result ko, mas mai-inspire sila."
On a brighter note, nakakuha raw si JM ng suporta mula sa nilliligawan na si Donnalyn Bartolome.
"Wala, sinabi niya lang sa akin, 'You look good.' Na wala naman akong dapat ika-worry.
"Mabait and very supportive naman siya sa mga gusto kong mangyari."
Sabi pa ni JM, "nanliligaw pa rin" siya sa dalaga.
Read: JM de Guzman on courting Donnalyn Bartolome: "Pag may gusto kailangang ipaglaban."
CRITICISMS ON HIS ACTING
Bukod sa pagdagdag ng timbang, may ilan ding netizens ang di kumbinsido na bagay kay JM ang kanyang role bilang abugado sa series nila nina Kim Chiu at Paulo Avelino.
Ani JM, "Marami akong natatanggap na mga bashing hindi sila naniniwala sa physical appearance ko.
"Marami silang panglalait, pero I take it positively naman."
Ayon kay JM, gusto niyang pagbutihan ang pag-arte sa mga susunod niyang proyekto.
"Back to scratch. Yung mga mas dapat kong pang gawin sa preparations ko. Tapos mas work harder."
Labis naman ang pasasalamat ng Kapamilya actor dahil nag-No. 1 sa Prime Video Philippines at Top 10 sa Amazon Prime ang Linlang.
Aniya, "Masarap sa pakiramdam siyempre kasi pinaghirapan namin, nakikita namin yung bunga."
Parte rin si JM ng pelikulang Selda Tres kasama si Cesar Montano.
Sa isang interview kay Cesar ay nabanggit nitong si JM ang nakikita niyang pinakabagay sa mga artista ngayon na gumanap sa remake ng Jose Rizal, na una nang ginampanan ng beteranong aktor.
Reaksiyon ni JM, "Talaga, sinabi niya? Wow! Nakakakilig kasi super fan ako ni Kuya Buboy, e, at alam ko na ginawa niya yun kaya wow!"
