May dalawang saksi umanong lumutang at nagkuwento ng kanilang nasaksihan ukol sa pagkawala ni Miss Grand Philippines 2023 candidate Catherine Camilon.
Ayon sa ulat ng 24 Oras ng GMA Integrated News kagabi, November 7, 2023, nakita umano ng mga saksi ang beauty queen at Grade 9 teacher na duguan sa loob ng isang sasakyan.
Read: Miss Grand Philippines 2023 candidate Catherine Camilon "missing" according to mom, sister
Positibo rin nilang kinilala ang person of interest sa kaso na isang pulis.
Ayon pa sa mga saksi, nasa isang bakanteng lote raw ang sasakyan sa isang subdibisyon.
Ayon kay Major General Romeo Caramat, Jr., direktor ng CIDG (Criminal Investigation and Detection Group), "Umiihi dun sa lugar, nakita ng isang suspek natin at nilapitan at tinutukan sila ng baril kaya they were able to identify.
"Lumapit sa kanila, tinutukan sila ng baril."
Noong isang araw, November 5, 2023, lamang daw lumutang ang dalawang saksi at nagbigay ng kanilang salaysay sa CIDG.
Bago nila nakita ng sinasabing person of interest noong gabi ng October 12, 2023, nakita raw ng dalawang saksi ang tatlong lalaki sa nasabing lugar.
Dagdag pa ni Caramat, “Nakita nila yung biktima na duguan sa ulo, inililipat from the victim’s car to another car at nakita nila na duguan, nililipat ng tatlong lalaki."
Personal driver daw ng isa pang person of interest ang nakita ng mga saksing nanutok sa kanila.
Saad pa ni Caramat, “Through our RAG [Regional Advisory Group] gallery ng CIDG, they positively identified and they were very certain about it na yun talaga yung nanutok sa kanila through his tattoos at saka yung physical features nila na mukha nila talaga.”
Love angle ang nakikita ng CIDG na posibleng motibo sa krimen.
Detalye pa ng CIDG director, “Quarrel among this victim at saka and yung suspect and allegedly and it is an open secret that they have love relationship.
"Very obvious na doon sa sasakyan nakitang duguan yung ulo ng biktima natin. It’s either hinampas ng baril or binaril dun mismo sa loob ng sasakyan.”
Dagdag pa ng CIDG, hindi basta-basta ang person of interest na inimbestigahan ng CIDG dahil isa itong police officer.
Pero lumilinaw na raw ang kanilang imbestigasyon sa paglutang ng dalawang saksi.
Patuloy pa raw kumakalap ng ebidensiya ang CIDG kahit sapat na ang kanilang hawak para mas lalong mapatibay ang kasong isasampa laban sa suspect.
Sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Benjamin Acorda Jr. kahapon na may “significant progress” umano sa paghahanap ng pulisya kay Miss Grand Philippines 2023 candidate na si Catherine.
Halos isang buwan nang nawawala si Catherine na unang naiulat na "missing" ng kanyang magulang at kapatid noong October 15, 2023.
