Isang Nutrition Science and Food Technology graduate si Rox Santos, 38, pero pinili niyang pasukin ang mundo ng musika at recording.
Sa halip na nutritious food chart ang tinatalakay ni Roz, ang mga kanta na naisulat niya at na-release ang pinagkakaabalahan niya ngayon.
Ayon sa 38-year-old Star Music at Star Pop head, mahigit 150 na raw ang bilang ng mga ito.
Aniya, “Hindi ko na siya mabilang, kasi yung mga pino-produce kong songs, hindi ko na binibilang.
"Pero, yung mga sinusulat kong songs, siyempre, meron ako niyan, kumbaga, heart and soul ko yan.”
THREE HIT SONGS
Una sa mga nabanggit ni Rox na kantang sinulat niya ay ang novelty song ni Vice Ganda na "Boom Panes."
Sabi niya, “Siyempre, unahin ko na ang kay Meme Vice na 'Boom Panes' noong 2014. Kasi, sobrang hit song siya no’ng time na yon. Lahat sila kinakanta.
"Kahit saan ka pumunta, sa tricycle, sa jeep, sa bus, kahit sa taxi, maririnig mo yung song. Ang daming gumagamit sa commercial, sa pelikula.
"Sobra siyang ingay, sobra siyang tunog. Sobrang nakaka-overwhelm no’ng time na ‘on.
“And si Vice rin, sobrang supportive siya no’ng time na yon kasi, lagi niyang pine-perform, kinakanta yung song.”
Pangalawa raw ang kanta ni Jaya na "Hanggang Dito Na Lang" na ni-release noong 2019.
“It’s very personal yung song na yon at na-happy ako na nagkaroon ako ng song kay Jaya.
"Kasi, noong bata pa lang ako, sobrang ina-idolize ko si Jaya. Sobrang naa-amaze ako kung paano siya kumanta.
"Kapag kumakanta siya, with feelings and emotion. Very remarkable sa akin na magkaroon ng hit song kay Jaya.”
At ang pangatlo, ang 2021 "Amakabogera" ni Maymay Entrata.
Ani Rox, "Produced song ko siya, e, and as a producer na magkaroon ka ng hit song na gano’n, sobra siyang blessing din.
"Isasama mo na rin do’n ang song ni Michael Pangilinan na 'Hanggang Kailan.' May co-writer ako diyan, si Cynthia Roque.”
Read: Vice Ganda and Billy Crawford feud: A timeline
star-studded CONCERT AT MUSIC MUSEUM
Ngayong gabi sa Music Museum ay magaganap ang Rox Santos 15th Anniversary Concert.
Ilan sa mga kumpirmadong magpe-perform sa concert ni Rox ay sina Alexa Ilacad, KD Estrada, Anji Salvacion, BINI, Bryan Chong, Jeremy G., Kakai Bautista, Erik Santos, Klarisse, Kyla, Maymay Entrata, at Vice Ganda.
Naging personal din daw ang approach ni Rox sa pag-iimbita sa sa mga singers na puwedeng mag-perform.
Bukod daw sa personal call, sinulatan din daw niya ng handwritten letter ang mga ito.
Naramdaman naman daw niya na masaya ang mga ito nang sabihin niyang magkakaroon nga siya ng concert.
"Actually, sobra silang happy," sey niya. "Like for example, si Meme Vice. Noong sinulatan ko si Vice, sabay nag-text message ako.
"Nag-reply siya and sabi niya, 'Rox, I’m so happy and proud of you.' Sabi niya sa akin, pupunta ako. Walang kaso. Pupunta ‘ko. I love you.'
“So parang lahat sila, masaya. Even Erik Santos, Kyla, Klarisse, lahat sila, masaya for me.
"Parang mapi-feel mo talaga ang love at nagkaroon kayo ng relationship. So, sobrang saya lang.”
Lahad ni Rox sa kanyang mediacon kamakailan sa Star Academy, “Naisipan kong bumuo ng ganitong klase ng concert kasi nga,15 years is a huge career milestone.
"Hindi lahat binibigyan ng opportunity na magkaroon ng 15 years. So parang for me, sobrang blessing siya. Minsan lang dumating yan, so, kailangan nating i-celebrate.
“And regarding sa show ko sa Music Museum this November 10, combination siya ng mga old hit songs ko and original, lahat ng mga produced ko na kanta.
"Parang it’s a collaboration. Sama-sama ro’n yung mga artists to perform and excited ako kung paano nila mabibigyan ng bagong bihis ang kanta."
Natatawang sabi pa niya, abangan na lang din daw kung magpe-perform din ba siya o kung magkakaroon siya ng duet sa ilan sa mga guest artists niya.
Sa rami ng mga singers na umawit ng mga komposisyon niya, meron bang tumanggi?
Tugon niya, “May tumanggi but I understand. Kasi nga, matagal na rin ang schedules nila.
"Siyempre, baka may contract na and I understand. Ayoko rin naman na magkaroon ng conflict or problema.”
Read: Baguhang singers ng Star Music, sari-saring hugot at pasabog
DREAM COLLABORATORS
May singer pa rin ba na pangarap ni Rox na gawan ng kanta o umawit ng kanta niya?
“Si Sarah Geronimo, SB 19 at ito, palagi ko itong sinasabi kay Sir Jonathan Manalo na gusto kong makagawa ng kanta para kay Sir Gary Valenciano. Yung tatlo na yon.”
Sa isang banda, hindi lahat ng may talento, hindi lahat ng mga nangangarap na makalikha ng pangalan sa mundo ng musika ay pinapalad na makilala o maging matagumpay.
Isa siya siya sa mga composer na maituturing na matagumpay sa larangang ito. Ano ang ‘takeaway’ niya sa bagay na ito, lalo na sa mga taong nangangarap din na maging katulad niya.
“Ang takeaway ko riyan, kasi ako talaga, palagi akong nagpapasalamat. Sobra akong nagpapasalamat sa taong naging daan para marating ko itong posisyon na ‘to.
“Hindi ako nakakalimot magpasalamat at tulad nga ng sinabi ko rin, hindi lahat nabibigyan ng ganitong opportunity.
"Kapag nando’n ka na sa situwasyon na ‘yon at ibinigay sa ‘yo ang opportunity na yon, wag mong bitawan.
“Ipakita mo na worth it ka sa opportunity na ibinigay sa ‘yo. Ipakita mo na hindi dapat masayang ang opportunity na ‘yon.
"Kasi nga hindi mabibigay sa lahat. Once na naibigay sa ‘yo, tayuan mo siya. ‘Wag mong bibitawan. Ibigay mo ang lahat ng makakaya mo.”
Dugtong pa niya, “Sa industriya natin, hindi lang puro galing ha. Hindi lahat puro galing.
"Oo, maraming magaling, pero kailangan pa rin na maayos kang katrabaho. Maganda yung relationship mo sa mga katrabaho mo para maging successful ka.
"At kapag narating mo na yang stage na yan, ‘wag kang madamot na i-share sa mga baguhan. Kasi, you need to share also your learnings.”
Read: Vice Ganda, Billy Crawford reconcile after falling-out; reunite in It's Showtime
