"Unexpected."
Ganito ilarawan ni Jhong Hilario ang kanyang nararamdaman nang muling maging kampeon ang kanyang team sa "Magpasikat."
Ang “Magpasikat” ang annual talent competition ng hosts ng ABS-CBN noontime show na It’s Showtime.
Pagkatapos ng isang linggong tagisan ng performances ng limang grupo ng hosts, inanunsiyo na ang resulta ngayong Sabado, November 11, 2023.
Ang team nina Jhong, Kim Chiu, at Ion Perez o Team JKI ang itinanghal na grand champion sa 14th anniversary ng Kapamilya noontime show.
Read: Team Jhong-Kim-Ion wins "Magpasikat 2023" in It's Showtime
Ang Team JKI, na pinakahuling group na nag-perform, ang nakakuha ng pinakamataas na score mula sa mga hurado, 9.6.
Tinalakay nila sa kanilang production number ang pagiging sagabal ng cell phone at iba pang gadgets sa relasyon ng magkakapamilya at magkakaibigan, pati na ang epekto ng online bullying.
Read: Vice Ganda in tears talking about constant bullying of his partner Ion Perez online
Ekslusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jhong sa #ChickenMcDo event na ginanap McDo R. Magsaysay, Sta. Mesa, Manila, kanina, November 11.
Dito inihayag ni Jhong ang kanyang saya at pasasalamat sa back-to-back win ng kanyang team sa "Magpasikat"
Noong 2022 ay ang grupong kinabibilangan din ni Jhong, kasama si Ryan Bang, ang itinanghal na grand champion.
Read: Ryan Bang on “Magpasikat” win: “Akalain niyo champion ako?!”
Nakangiting saad ni Jhong, "Sobrang sarap [sa feeling] kasi noong naging magkakampi kami ni Ryan Bang, ayun yung first time niya na maging champion.
"Sa tagal niya sa Showtime, first time niya maging champion na o yung kakampi niya.
"And ngayon, si Ion naman ang nag-champion noong naging ka-partner ako.
"So, sobrang doble yung saya, kasi hindi lang yung sarili ko yung napasaya ko kundi pati yung kakampi ko."
Unexpected daw para kay Jhong ang pagkapanalo ng team niya ngayon lalo na't magagaling ang mga nakalaban nilang teams.
Aniya, "Sa It's Showtime, hindi mo expected talaga kung sino mananalo kasi iba-iba yung taste ng tao lalo na sa mga judges.
"Yung mga hurados iba-iba yun taste nila. Depende sa kanila kung sino yung naka-touch ng puso nila at sino yung magaling para sa week na yon.
"So, talagang unexpected. But lahat naman kami ginawa yung best para sa It's Showtime.
"Ang pinakapanalo talaga dito is yung mga Madlang People."
JHONG REACTS TO VICE-BILLY RECONCILATION
Isa rin sa mga inabangan sa week-long competition ng "Magpasikat" ay ang mga special guest ng bawat team.
Nang mag-perform ang team ni Vice Ganda noong Huwebes, November 9, nasorpresa ang lahat nang lumabas ang dati nilang co-hosts na si Billy Crawford at asawa nitong si Coleen Garcia, kasama ang kanilang anak na si Amari.
Read: Vice Ganda, Billy Crawford reconcile after falling-out; reunite in It's Showtime
Ayon kay Jhong, lahat sila ay nagulat nang muling bumisita sina Billy at Coleen sa kanilang programa.
Lubos din daw ang kanilang tuwa dahil sa wakas na nagkaayos na ang dalawa.
Pagbabahagi niya, "Yun talaga ang sobrang unexpected. Isa yon sa mga naging highlight ng 'Magpasikat.'
"Ang sarap lang makita na mayroong mga taong nagbabati because of realization, because of love.
"Sabi ko nga, wala talagang imposible kapag may pagmamahal, walang imposible."
Naging host si Billy ng It’s Showtime mula nang binuo ito noong 2009 hanggang sa umalis siya noong 2018.
Si Coleen naman ay naging bahagi rin ng Kapamilya noontime show, pero umalis siya noong 2016.
Ang muling pagsasama nina Vice at Billy ay hindi inaasahan ng kanilang mga tagahanga, at maging ng kanilang co-hosts, dahil sa espekulasyong mayroong silang hindi pagkakaunawaan matapos nilang i-unfollow ang isa’t isa sa Instagram noong 2021.
Walang malinaw na dahilan kung bakit dahil walang nabanggit ang dalawa kung bakit sila nag-unfollow-han, maliban na lang noong mga panahong iyon ay hindi na sila magkasama sa trabaho.
Hanggang lumipat si Billy sa TV5 para i-host ang katapat na programa ng It’s Showtime na Lunch Out Loud (LOL).
"Para talaga kasi kaming tunay na magkakapatid."
Sa lahat ng pagsubok na pinagdaanan ng It's Showtime, naniniwala si Jhong na nalagpasan nila ito ng dahil sa pagmamahal at malasakit nila sa isa't isa.
Read: It's Showtime pasabog ang pagbabalik sa ere pagkatapos ng 12-day suspension
Hindi lang basta katrabaho ang turingin nila kundi isang matatag na pamilya na kahit magkatampuhan ay mananatiling iisa.
Ano't ano man daw ang dumating sa kanilang dagok, walang makakatibag sa samahan, pagkakaibigan, at pamilya nila sa It's Showtime.
Ani Jhong, "Para talaga kasi kaming tunay na magkakapatid, tunay na pamilya na hindi mo man maiwasan magkaroon ng problema, tampuhan, mag-away, may masabing masakit sa isa't isa.
"Nangyayari naman sa pamilya talaga yon. Pero ang maganda sa amin, para kaming tunay na pamilya, na kapag may problema, pinag-uusapan at nakakapagtawaran.
"I think ayun yung nagugustuhan sa amin ng Madlang People, yung turingan naming totoo na parang tunay na pamilya."
Read: ‘It’s Showtime’ hosts bond in Hong Kong amid show's suspension
