First movie ni Ninong Ry ang Shake, Rattle & Roll Extreme, na showing na sa local cinemas sa November 29.

Noong bata pa siya, pinangarap ba niyang mag-artista?
“Ahhhh!” pagmulagat ni Ninong Ry sa mediacon noong Nobyembre 14, Martes, sa Valencia Events Place, Quezon City.
“Kasi, eto ha… tanungin niyo sa lahat ng bata, sa lahat ng nandito, nangarap mag-artista mula bata pa sila… lahat yun, guwapo at maganda.
“Alam nila na puwede silang maging artista. Mula bata ako, alam kong hindi ako ganun. Kaya hindi ko pinangarap yun.
“Pag binasa mo yung yearbook ko, gusto kong maging scientist, e. Yun ang gusto ko, e.
“Wala, e. Bobo pa rin! Hahahaha!” maigting na halakhak ni Ninong Ry.
Kung hindi rin pala niya kering maging scientist, ano yung pangarap niya sana?
“Eto, nauwi tayo sa pagluluto, na I found very, very quickly na gusto ko naman pala talaga siya,” lahad ni Ninong Ry.
“Sa sobrang sure ako na eto ang gusto kong gawin, yung pagluluto… isa lang course na inaplayan ko nung college.
“Hindi man tayo naging scientist, at least ako, alam ko na gusto ko yung ginagawa ko. And gusto rin palang mag-artista. Masaya pala!”
NINONG RY DOESN’T RELY ON SCRIPTS FOR HIS VLOGS
Umaakting ba siya sa YouTube vlogs niya?
Mabilis na umiling si Ninong Ry, “Hindi, hindi, hindi! Natural yun! Kapag nagba-vlog po kami, tatlo lang ang salitang nakalagay sa outline namin — kung ano ang putahe.
“Yun lang, wala nang iba. Walang script.”
Bakit ganoon kalaki yung kusina nila sa Malabon?
“Actually, yung kusina na nakikita niyo na yun, open lang yun nung una. Yero-yero lang yun,” paliwanag ni Ninong Ry.
“So, open space lang siya na wala rin namang use, ginawa na lang naming kusina. Kasi mahilig talaga kaming kumain.
“Pero ano talaga, for vlogging lang.”
Meron ba siyang advocacy?
Natigilan sandali si Ninong Ry, “Advocacy? Wala akong advocacy.”
Di ba niya advocacy na magpakain ng mga bata? Sa isang episode, ipinagluto niya ang mga preso.
“Wala po akong ganun, e. Yung sa preso, sa kulungan, maganda po ang kinalabasan ng bagay na yun,” sey ni Ninong Ry.
“Although hindi ko talaga siya advoca… kasi, masyadong mabigat yung salitang advocacy! Pucha, hindi ko alam kung…
“Hindi ko alam kung kaya ko bang pangatawanan yung ganun! Baka mamaya, ma-call out na ako pag advocacy, tapos hindi ko naman napangatawanan, di ba?”
NINONG RY RECOUNTS HIS HUMBLE BEGINNINGS
Hulyo 2022 nag-umpisa ang journey ni Ninong Ry. Kare-kare video ang unang luto niya na nag-viral.

“Actually, wala pang Ninong Ry noon. Nag-viral na talaga yung kare-kare. Ryan Reyes pa lang,” sambit ng 34-anyos na si Ninong Ry.
“Sa personal profile ko lang. Nag-gain siya ng viewership, tapos sabi ng mga tropa ko, mag-vlog daw ako. Di sige, mag-vlog tayo.
“Tapos, na-establish na yung page, saka ko siya in-upload uli… siguro after three months or four months. Ayun, sumabog pa rin talaga.”
Siya mismo ang nag-brand sa sarili bilang Ninong Ry dahil wala pa raw kilalang ninong sa Internet.
6.9M na ang followers ng Facebook page niya, samantalang ang YouTube channel niya ay may 2.04M subscribers.
Inaanak ang tawag niya sa kanyang followers at subscribers. Sa totoong buhay, less than 10 ang mga inaanak niya talaga.
Kailan niya naramdamang sikat na siya?
Napakunot-noo si Ninong Ry, “Hanggang ngayon naman, parang walang nagbago sa… Alam niyo, hindi ko yun masyadong nararamdaman.
“Ang pinakanaramdaman ko talaga is kung papaano mas gumanda yung buhay ko para sa akin, sa pamilya ko, sa mga kaibigan ko.
“Kasi yun yung ramdam mo, e. Kasi quantifiable yun, e. Yung pagiging sikat, hindi naman quantifiable yun.
“Kasi bago mag-Ninong Ry, baon na baon ako sa utang. Baon ba baon talaga ako sa utang.
“So nabura ko lahat ng utang na yun. Ngayon, nakakapagsimula na ako ng pamilya.”
NINONG RY NOT CONSCIOUS ABOUT HIS LOOKS
Sabi nga ni Ninong Ry, bata pa lang siya ay batid niyang hindi artistahin ang kanyang looks.
Insecure siya sa kanyang itsura?
Napabuntong-hininga si Ninong Ry, “Yung insecure, hindi ako actually insecure in the sense na… ‘Hala! Ampangit ko!’
“Pucha, katabi ko nga si Paul Salas, e, saka si RK Bagatsing, ang guguwapo nung mga yun, di ba?
“Pero ano lang, it’s more of acceptance. Acceptance. Parang I don’t hate myself in the mirror na. Alam mo yun.
“Mas natanggap ko na. Na OK, kaya ka mataba, kasi wala kang ginagawa! Ngayon, kung ayaw mo nang maging mataba, may gawin ka.
“Pero hangga’t wala kang ginagawa, kailangang tanggapin mo na mataba ka. Yun lang naman.”
Mahal na niya iyong looks niya na maraming nakaka-relate sa kanya? Kinagigiliwan ang kanyang mukha at katawang lupa. Nakaka-relate ang mga tao.
“Oo, very normal lang. Kaya ayokong magpagupit. Mukhang mabaho, mukhang hindi naliligo,” napapangiting sabi ni Ninong Ry.
“May nagsabi sa akin dito sa Regal, hindi ko na sasabihin kung sino — huwag daw akong magpapapayat. Mawawalan daw ako ng career.”
May precedent na iyon sa mga artista sa local showbiz. Iyong maitim na nagpaputi, at iyong tabachina na nagpapayat, pinulot sa La Ocean Deep.
“Kaya take it or leave it na ito, di ba? Puwede ka namang maging bulky nang konti, pero maganda ang laps mo,” sabi ni Ninong Ry.
“Kaya naman yun, e. Kaya naman yun, e, di ba. ‘O, maganda ang laps ko, pre!’
“Marami akong maintenance. Actually, diabetic ako since 18 years old ako… Hereditary pero mas nauna pa akong nagka-diabetes kesa sa tatay ko.”
Aminado si Ninong Ry na meron siyang hypertension, pero nama-manage iyon.
NINONG RY ADVOCATES HEALTHY EATING
Yung nilalantakan niya sa kanyanag vlog, yun na ang pagkain niya talaga. Hindi puwedeng sabihin na matakaw siya?

“Matakaw ako, hindi ko ide-deny yon!” bulalas ni Ninong Ry.
“Hindi ko ide-deny yon. Kalokohan pag sinabi kong hindi ako matakaw! Kalokohan yun! Aaminin ko, matakaw ako.
“Pero at least, very conscious ako sa kinakain ko. For example, ahhmmm… pucha, talaga bang sinasabi ko ito?
“Pero hindi, for example lang, hindi ako nagkakanin talaga. Hindi ako nagkakanin, kasi kabawal-bawalan yun. Kahit ang sarap-sarap talaga ng kanin.
“Quinoa at adlai, yung dalawa. Quinoa at adlai. Mas mahirap lang konti na kainin yung adlai. So pag medyo malakas yung mental strength mo sa araw na yun, mag-a-adlai tayo.
“Pero pag saktu-sakto, quinoa-quinoa lang, ganyan. Tapos, conscious choice lang pagdating sa mga kinakain.
“Pero again, hindi talaga ako puwedeng pumayat. Baka mawalan tayo ng career at ayaw nating isugal yun!
“Paano naman ang mga anak ko? Gusto ko sampung anak!”
Kasama si Ninong Ry sa “Mukbang” episode ng Shake, Rattle & Roll Extreme, kung saan tampok din sina RK Bagatsing, Jane Oineza, Paul Salas, Phi Palmos, Ian Gimena, AC Bonifacio, Elle Villanueva, Esnyr Ranollo at Francis Mata.
Ang premiere night ng horror trilogy na ito ay sa Nobyembre 24, Biyernes sa SM Megamall.
