Dekada '90 nang umusbong ang bandang Aegis na binubuo ng mga miyembro mula sa iba't ibang grupo.
Miyembro ng banda ang magkakapatid na sina Juliet, Mercy at Ken Sunot (vocals), Stella Pabico (keyboards), Rey Abenoja (vocals, guitar), Rowena Adriano (bass), at Vilma Goloviogo (drums).
Taong 1998 nang pumalaot sa mainstream ang Aegis sa paglabas ng debut album nilang Halik sa ilalim ng Alpha Records.
Several years and hit songs later ay buo pa rin ang Aegis at ngayon ay naghahanda para sa kanilang 25th anniversary concert.
Gaganapin ang event na pinamagatang Aegis: The Christmas Bonus Concert sa The Theatre sa Solaire, Parañaque City, sa December 20, 2023.
Special guest ang sikat na singer-songwriter na si Jose Mari Chan, samantalang lalapatan ng Manila String Machine ng orchestral arrangement ang ilan sa awitin ng Aegis sa gabing iyon.
LONGEVITY IN THE MUSIC BUSINESS
Kasagsagan ng alternative rock music nang sumulpot ang Aegis sa music scene.
Hindi raw na naisip ng banda noong una na sumampa sa recording scene. Masaya na sila bilang show band na tumutugtog sa iba't ibang lugar kabilang ang Japan.
Kuwento ni Stella sa press conference na ginanap kamakailan, "Actually, talaga, ayaw namin pumasok sa recording.
"Kasi ang pagbabanda bread and butter namin. Alam namin hindi lahat nagiging successful kasi grabe ang competition.
"Ayaw namin nung una, e. Kaya lang wala kaming choice. Parang, 'Sige, try na rin namin.'
"Kasi after nun yung biyahe ng Japan, medyo humina rin."
Hindi rin naging madali sa banda ang makilala at dumaan sila sa hirap bago makasungkit ng record deal.
"Nag-umpisa kasi kami sa walang kain. Nagpu-promote kami ng walang budget," pababalik-tanaw ni Mercy.
Nilako ng banda ang kanilang demo tape sa recording companies para mapansin, pero tinanggihan sila ng mga ito.
Himutok ni Juliet, "Hindi tinanggap kasi baduy daw. Yun talaga ang ano [tingin] nila sa Aegis before, baduy daw, hindi raw bagay."
Kaya maging sila ay nagulat nang tangkilikin ng ilang tagapakinig ang kanilang kanta sa radyo.
Ilan sa pinasikat ng awitin ng Aegis ay "Halik," "Luha," "Bakit (Tanong Ko Sa 'Yo)," "Sinta," "I Love You Na Lang Sa Tago," "Christmas Bonus," at "Basang-Basa Sa Ulan."
Ngayon ay videoke staple na ang kanilang mga awitin, na certified OPM (Original Pilipino Music) classics na rin.
Read: Pinoy's ultimate videoke OPM song list
Panlaban din sa mga singing contest ang kanilang kanta dahil sa taglay nitong vocal power.
Taong 2014 ay napasok na rin ng musika ng grupo ang teatro sa pamamagitan ng jukebox musical na Rak of Aegis na produksyon ng Philippine Educational Theater Association (PETA).
"Siguro kasi broken-hearted yung mga nakikinig sa amin," may halong birong sagot ni Mercy sa tanong kung bakit nagustuhan ng mga Pinoy ang mga awitin nila.
"Nakaka-relate sila sa mga songs namin. Yun nga, mga broken-hearted tayo, di ba?"
Hindi raw naisip ng banda na mag-disband kaya hanggang ngayon ay buo pa rin sila.
"Respeto" raw ang formula ng Aegis kung bakit nananatiling matatag ang kanilang samahan bilang magkakaibigan at magkakabanda.
AEGIS' SIGNATURE POWERFUL VOCALS
At dahil tumutugtog pa rin ang grupo ay marami ang nagtatanong kung paano napapanatili nina Juliet, Mercy, at Ken ang kanilang magandang boses pagdating sa live performances.
Between the three ay tila si Juliet ang istrikto pagdating sa kanyang singing voice.
"Ang boses kailangang laging alagaan, walang ice cream," sabi ni Juliet.
"Siya [Juliet], mina-microwave niya yung [ice cream]," turo ni Ken kay Juliet.
Pabiro namang depensa ni Juliet sa sarili, "Para matikman ko lang yung natikman nila."
Hirit naman ni Mercy, "Pag wala kaming show, puwede naman kami kumain ng ice cream."
Sagot ni Juliet, "Ako puwede, kaya nga lang iniinit ko."
Sa hiwalay na panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ay inamin ni Juliet na mas kailangan ng disiplina sa sarili lalo pa't may edad na rin sila.
Sabi niya, "Akin naman, kailangan ng eight hours na tulog. Pag may time talaga na hindi nakatulog, talagang namamaos ako, so kailangan ko talaga ng tulog."
Tinanong na rin namin sina Juliet at Mercy kung narinig ba nila ang "Halik" cover na in-upload ng American rock band na Weezer sa Facebook at YouTube.
Hindi natuloy mag-perform ang Weezer sa Pilipinas matapos na ma-cancel ang Plus63 Festival na gaganapin sana nung Oktubre.
Bilang pampalubag-loob sa kanilang mga tagahangang Pinoy ay nag-upload ang banda ng cover ng "Halik," bagay na ikinatuwa at ikinagulat ng marami.
Unfortunately ay hindi napakinggan ng Aegis ang cover ng Weezer bagamat nagpapasalamat sila sa grupo at iba pang foreigners na kinakanta ang kanilang mga awitin.
"Wow, siyempre proud kami," nakangiting tugon ni Juliet.
"Sa dinami-dami ng artist pero yung kanta namin yung nagugustuhan. Maraming-maraming salamat," dugtong ni Mercy.