Disoras ng gabi, tumatalilis ng takbo—o mabilis na nagmamaneho ng kotse?—ang isang babae.
Takot na takot ito, at tila may tinatakasan.
Maya-maya, kumatok ito sa gate ng isang kapitbahay sa exclusive village na tinitirahan, at tila nagmamakaawang tulungan siya.
Aakalaing eksena ito sa isang suspense TV series o action film, di ba?
Aktres kasi ang magandang babae.
Pero ang malungkot na katotohanan ay nangyari ito sa aktres sa totoong buhay.
Dagdag pa, mga kilalang tao rin ang mga kapitbahay na kinatukan niya at siyang sumaklolo sa aktres.
Ang sabi ng di lang isa kundi dalawang sources sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sinaktan ang aktres kaya may pasa-pasa sa katawan.
May black-and-blue rin sa mukha mula sa suntok at may black eye pa umano.
Kung nakita mo raw siya nang mga oras na yun, baka hindi mo siya makilala dahil malayung-malayo ang itsura niya sa imaheng nakikita sa kanyang social-media feeds.
Ano nga ba ang nangyari?
Ayon sa dalawang hiwalay na PEP.ph sources, na nagpaabot ng impormasyon sa magkaibang linggo, ang aktres ay napagbuntunan ng galit ng taong malapit sa kanya.
Baka nagdilim ang paningin ng tao dahil sa galit na nahaluan ng inom?
Baka matagal nang may isyu ang lalaki sa babae—o di kaya'y sa mundo?
Ano nga ba?
Abangan na lang ang mga susunod na kabanata.
Ilang linggo na rin ang nakalilipas.
Tila sa mga darating na araw ay may seryosong pasabog na ang aktres.
Pero espekulasyon ng isa sa PEP.ph sources, baka sa huli ay manahimik din lang ang aktres?
Sabi naman ng isa, mukhang hindi, dahil nagkaroon na siya ng support system kamakailan lang.
Ikaw ba? Kaya mong patawarin ang taong pinagkakatiwalaan mo ngunit nanakit, di lang ng damdamin mo, kundi ng pisikal sa iyo?
Kung hindi, kakayanin mo kahit pa earth-shattering at life-changing ang magiging epekto ng pagsabog mo?
Kung oo, paano kung hindi ito ang unang beses na sinaktan ka at hindi rin ito ang huli?
Wait and see, PEPsters.
Masalimuot na kuwento, malungkot na kuwento, masamang kuwento na wala pang ending.