Saludo sa media si Aya Fernandez, ang main host ng bagong online showbiz talk show na Glitter Entertainment Chatter Show.
“Actually, sa totoo lang, for me, parang ito yung pinakamahirap na role na gagampanan ko kasi gagampanan ko po yung trabaho ninyo,” pagtukoy ni Aya sa members ng media na kaharap niya, kasama na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Aniya, "napakahirap" ng trabaho ng media, at naroon pa ang pagkakahalintulad ng Glitter Entertainment Chatter Show sa mga talk shows noong araw tulad ng StarTalk, The Buzz, Showbiz Central, at iba pa.
Kaya bulalas ni Aya, “Paano ko po papantayan yung trabaho niyo?"
Bukod sa kailangang magaling sila na mag-host at marunong mag-deliver ng mga balita mula sa lahat ng sulok ng showbiz, isa pang nakikita ni Aya na challenge ay "how to make it different?"
Paglalahad niya, "Recently, before I was able to say yes to this project, I saw this tweet or ano bang tawag dun, X? Basta post, ng isang online opinion-thought leader, sabi niya, ‘Nakaka-miss na yung format ng The Buzz, ng kung paano nila vine-verify yung mga news,’ ganyan, tapos ni-like ko.
“Although hindi ako avid viewer ng The Buzz noon, pero yung mga yaya ko po, yung mama ko, nanonood po niyan, kaya growing up naririnig ko iyan lahat, sabi ko, ‘Oo nga ano?’
“Tapos, biglang this came, sabi ko it’s a sign of the universe, at nakakatuwa na yung format na merong pa-throwback comparing to now, merong ganun. May glitter, di ba, may bago.
“Kaya for me, it’s very, very new, at the same time, it is honoring what is already there, yung strength ng mga Pilipino sa showbiz industry ng ating bansa."
Nakausap ng PEP.ph si Aya sa mediacon ng show noong Nobyembre 22, 2023, sa Kenny Rogers restaurant sa NET25 compound sa Central Avenue, Quezon City.
no network wars
Bukod kay Aya ay main host din ng show ang Gleam artist at NET25 StarKada singer, actress at host na si Sofi Fermazi at ang kapwa niya Gleam talents na sina Nicky Gilbert at Celyn David na mga actress/host at modelo rin.
Magsisilbing co-hosts naman ng show ang mga NET25 Star Center artists na sina Bo Bautista, Miyuki de Leon, at Via Lorica.
Sabi ni Ara, “Maraming salamat dahil hindi po ako sinunog sa pagpasok ko dito. Kasi ako po ang nag-iisang Kapamilya Star Magic Artist, maraming salamat po sa inyong warm welcome, maraming salamat, Direk Perry.”
Ang creator at director ng online show ay ang actor-turned-director na si Perry Escaño.
Lahad pa ni Aya, “And yun nga, isa yung factor na mapapatunayan natin na hindi ito network-network. It’s really the talent that we have in the showbiz industry, sa Pilipinas as a whole.
“Exciting kasi perspective from our generation, sa nakaraan at sa nangyayari ngayon, and above anything else, I’m very, very much honored na kasama namin si Ms. Ara Mina.”
Special guest si Ara sa pilot episode.
“I will be also surrounded by new faces, I feel like it’s also an asset kapag bago ka, it’s a strength, kasi meron kang ino-offer na something new to the table.
“So, I’m also excited to learn from these girls beside me,” nakangiting wika pa ni Aya.
aya fernandez on being show's main host
Sa poster ay kitang binigyan ng importansiya si Aya dahil nasa gitna siya at nakabukod sa ibang mga hosts.
“Baka po hindi lang po ako favorite ni Direk Perry, kaya ako nakahiwalay, joke lang,” ang tumatawang reaksyon ni Aya.
Paliwanag naman ni Perry, “Ang main host talaga natin is si Ms. Aya, siya yung magta-tackle ng lahat ng mga showbiz news and entertainment weekly.
"Then yung mga Gen Z natin, sila yung sa mga trends, sila yung kung ano yung bago ngayon. Sa segment nila is ito yung mga music videos, so more on wholesome yung Gen Z natin dito.
“Pero si Ms. Aya ang pinaka-main host talaga natin. Kung ano yung... halimbawa, kung ano yung kailangan pag-usapan this week, kung ano yung nangyayari sa entertainment.”
Aminado si Aya na dahil siya ang main host ay mas nadagdagan ang nerbiyos niya.
“For sure! Kasi yun pa nga lang host ka ng showbiz talk show, para sa akin po nakakakaba na po yun.
"Kasi ang hirap pong pantayan ng standard na sinet niyong lahat, kayo po kasi yung standard e,” muling banggit ni Aya sa mga showbiz reporters, “So nung nalaman ko po ito, talagang, ‘Hala, Lord!’
“Siya lang po ang tanging makapagbibigay sa akin ng strength para dito, so yes, definitely yes!
"But also, walang biro, I’m very excited to learn, lalo na we will be guided by Direk Perry, and I’m also blessed to be mentored by prestigious hosts from ABS-CBN,” pahayag pa ni Aya na isa ring Star Magic artist, MYX VJ host, at Mutya ng Pilipinas Tourism International 2018 winner.
Gumanap si Aya bilang Dr. Audrey Mante, nakatatandang kapatid ni Lia (Jane de Leon) at karibal kay Cardo (Coco Martin) sa FPJ’s Ang Probinsiyano.
Samantala, ang premiere ng show sa Facebook ay ngayong Linggo, December 3, 2023, 4:00 p.m. hanggang 5:30 p.m.
