Pumanaw na ang Filipino reggae singer na si Kokoi Baldo nitong Biyernes, December 8, 2023.
Siya ay 44.
Si Kokoi ay unang nakilala nang sumali siya sa The Voice of the Philippines Season 2 noong 2014. Naging miyembro siya ng Team Sarah at naging finalist.
Ang pagkamatay ni Kokoi ay kinumpirma ng kanyang manager nang mag-post ito sa Facebook page ng singer ukol sa malagim na sinapit nito.
Mababasa sa post (published as is), "It is with a heavy heart to inform the public, especially the fans, that Kokoi Baldo has passed away earlier this morning.
"We kindly ask for privacy during this hard time in respect to his family and friends.
He will be missed, loved and forever in our hearts.
"If there will be any updates, it will be posted here. Thank you all for your understanding."
Binawian ng buhay si Kokoi dahil sa aksidente sa motorsiklo na nangyari sa Circumferential Road, Barangay Mandalagan, sa Bacolod City.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Bacolod Police, sinubukan umanong mag-overtake ni Kokoi sa isang 10-wheeler truck, na may kargang sugarcane, na nasa kanyang harapan nang bigla siyang mawalan ng kontrol at matumba.
Dahil dito, napailalim si Kokoi sa truck na dahilan para mapuruhan ang kanyang ulo.
Samantala, nagpaabot ng pakikiramay ang naging coach ni Kokoi sa The Voice of the Philipines na si Sarah Geronimo.
Nag-post si Sarah ng litrato ni Kokoi sa Instagram, kalakip ang dalangin at pakikisimpatiya sa naulilang pamilya ng reggae singer.
Mensahe ni Sarah, "Maraming salamat at ibinahigi mo sa amin ang talento mo sa musika.. Marami po akong natutunan sa inyo lalo na ang prinsipyo nyo sa buhay.
"Maraming salamat Sir Kokoi. May your soul rest in God's presence."
