Napurnada ang tangkang panghoholdap ng tatlong suspek sa kanilang biktima na isa palang dating Mixed Martial Arts (MMA) fighter.
Tinamaan ng baril sa binti ang biktima, pero nagawa pa rin niyang patumbahin ang isang suspek, samantalang kumaripas ng takbo at nakatakas ang dalawa pang suspek.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, naganap ang insidente, na nakunan sa CCTV ng condo sa Cubao, Quezon City, noong Sabado, December 16, 2023.
Makikita sa CCTV footage na tumakbo palabas ng pinto ng condo unit ang isang lalaking suspek, na sinundan ng isang babae.
Nang lumabas naman sa pinto ang ikatlong suspek ay nakayakap na sa likuran nito ang biktima, at nagawang patumbahin ng huli sa sahig.
Ang eksenang ito ang inabutan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Station 7 sa condo unit.
Duguan at nakahandusay na sa sahig ang suspek.
Read:
- Mga magnanakaw, pinuntirya ang mga Louis Vuitton bags sa isang luxury shop
- Lalaki manikin sa araw, magnanakaw sa gabi
- PHP44.8M diamond ring "stolen" from Ritz Paris Hotel room, found in most unlikely place

CCTV footage shows the victim, who is also an ex-MMA fighter, skillfully bringing down one of the suspects to the ground just outside the condo unit.
Ang tinangka nilang pagnakawan ay isang negosyante na nagbebenta ng mamahaling alak. Kasama ng biktima ang kanyang misis.
Nagpanggap silang bibili ng alak.
Pagdedetalye ni QCPD Station 7 Police Lt. Col. June Abrazado, “Mahal yung mga alak, worth PHP190,000.
“According sa victim natin at sa witness, tinutukan sila ng baril ng dalawang lalaking nakipag-transact sa kanila, and yung about na gagapos sila… kasi may panggapos don na dala, e. Itong victim nila na lalaki happens to be a former MMA fighter.”
Kumbinsido si Abrazado na planado ang tangkang panghoholdap sa biktima at asawa nito.
“We believe it is a modus, kasi nakita namin yung mga suspect may dalang panggapos, may fake pellet gun na may silencer, may totoong baril na ginamit talaga sa pangho-holdap, at fake grenade, may mga kutsilyo…” ani Abrazado.
“So sa tingin namin, prepared itong mga suspek sa gagawin nila.”
Nag-apply din daw for airBnB sa lugar ang mga suspek gamit ang fake ID.
Nagpapagaling na ngayon sa ospital ang biktima, habang tumangging humarap sa media ang suspek na nahaharap sa mga reklamo, tulad ng illegal possession of firearms and ammunition, robbery, frustrated murder, at grave threat.
Nagpaalala naman ang PNP na siguraduhing legit ang ginagawang transaction lalo na kapag nangyari ito online, at tiyaking gagawin ito sa ligtas na lugar.
