Isinagawa ang unang preliminary investigation sa kasong kidnapping at illegal detention laban kay Police Major Allan De Castro, kaugnay ng pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon, sa Batangas City Hall of Justice kahapon, December 19, 2023.
Hindi dumalo si De Castro sa nasabing pagdinig.
Paliwanag ng abogado ni De Castro na si Atty. Ferdinand Benitez, “Ngayon lang kami nakatanggap ng complaint niya.
“As of now, wala pa kami masyadong alam. We'll be filing a counter affidavit after."
Nananatili sa restrictive custody sa Camp Vicente Lim sa Laguna si De Castro.
Kabilang sa dumalo sa pagdinig ay ang ina ni Catherine na si Rose Camilon, na patuloy pa ring umaasang buhay pa ang kanyang anak.
Lagpas dalawang buwan nang nawawala si Catherine na huli nilang nakausap noon pang October 12, 2023.
Read: Miss Grand Philippines 2023 candidate Catherine Camilon "missing" according to mom, sister
Pahayag ni Rose sa panayam ng TV Patrol ng ABS-CBN News, "Nanay ako na walang ibang hahangarin para sa mga anak kundi yung kaligtasan, e. Basta, yung gusto ko bumalik siya, ligtas, buhay.
“Simula pa lamang naman nung umalis siya, ni minsan hindi ko inisip na hindi siya makakabalik sa amin."
Nakiusap din siya sa prime suspect na si De Castro na makipagtulungan sa kanila upang mahanap na si Catherine.
Aniya, "Wala naman kaming ibang hinihiling kundi yung magkaroon ng linaw, yung malaman namin kung nasan ang aming anak talaga.
“Dalawang buwan na rin, ang hirap. Noon pa lagi kong sinasabi sa kanya na ibalik niyang ligtas ang aming anak, ilabas niya kung nasaan."
Read: Prime suspect in Catherine Camilon disappearance faces dismissal
Dumalo rin sa pagdinig ang kapatid ni Catherine na si Chin Chin Camilon, abogado ng isa pang suspek na si Jeffrey Magpantay, at ang dalawang testigo.
Sa January 9, 2024 nakatakda ang ikalawang preliminary investigation sa kaso.
