JERRY OLEA:
Pumarada sina Eugene Domingo at Pokwang sa SM Megamall nitong Disyembre 21, 2023, Huwebes ng gabi, bago ang premiere screening ng MMFF 2023 movie nilang Becky & Badette.
May banner sa kanilang harapan, at kasama nila sa pagrampa ang co-stars na sina Romnick Sarmenta at Agot Isidro, ang sanrekwang beki at badet na humihiyaw-hiyaw ng “Becky & Badette! Becky & Badette! Becky & Badette!” plus security guards.

Puno ang Cinema 10 ng SM Megamall na pinagdausan ng premiere night.
Hirit ni Pokwang, “Hindi po fake news, napakasaya po ng pelikulang ito! Ang hatid lang po talaga namin ay maghatid ng saya at tawa ngayong Kapaskuhan!”
Hanash ni Eugene, “Ito po ay isang gabi ng milagro. Naisip ba ninyo na magsasama-sama pa tayong lahat sa loob ng sinehan?
“That’s why tonight we thank the Lord for making this possible for all of us.”
Ipinagdiinan ni Uge na ang gabing iyon ay pagkakataon upang isalba ang industriya ng pelikulang Pilipino.
Patok sa manonood ng premiere ang mga paandar at kagagahan ng best friends na sina Becky Naman (Eugene) at Badette Imaculada (Pokwang).
Pinaglaruan sila ng tadhana, maging ng mga kaklase noong high school na sina Pepe Feniz (Romnick) at Nirvana Batungbakal (Agot).
May shining moment din si Bona (Adrian Lindayag).
Pinasimulan ang pelikulang Becky & Badette sa homage sa Working Girls (1984) na idinirek ni Ishmael Bernal para sa Viva Films. Pinagbidahan ito nina Gina Pareño, Hilda Koronel, Rio Locsin, Carmi Martin, Baby Delgado, Chanda Romero at Maria Isabel Lopez.
Kapwa Vilmanian sina Becky & Badette, at nagpugay rin ang pelikula sa movies ni Ate Vi na Relasyon (1982, Ishmael Bernal), T-bird at Ako (1982, Danny Zialcita), Sister Stella L (1984, Mike de Leon), Yesterday, Today and Tomorrow (1986, Emmanuel H. Borlaza), at Pahiram ng Isang Umaga (1989, Ishmael Bernal).
Pinagpugayan din ang Maricel Soriano movie na Kaya Kong Abutin Ang Langit (1984, Maryo J. de los Reyes), ang Sharon Cuneta movies na Bukas, Luluhod Ang Mga Tala (1984, Emmanuel H. Borlaza) at Bituing Walang Ningning (1985, Emmanuel H. Borlaza), at Dolly de Leon movie na Triangle of Sadness (2022, Ruben Ostlund).
Take note na sabay ang playdate noong Hulyo 11, 1984 ng Viva movie na Bukas, Luluhod Ang Mga Tala at Regal movie na Sister Stella L.
Sa takilya, lumuhod si Sister Stella kay Rebecca. Pero sa mga kritiko, waging-wagi ang pelikula ng Star for All Seasons.
Oh yes, nasa epilogue ng Becky & Badette ang MMFF 2023 movie ni Vilma na When I Met You In Tokyo.
Of course, ang karakter ni Adrian Lindayag na Bona ay hango sa pelikula ni Nora Aunor na Bona (MMFF 1980, Lino Brocka). Sa bekbek or bidette lingo, “poetic” justice ang Bona. Pwetmalu!
Read: Christopher de Leon at Eugene Domingo, may agaw-eksenang paandar kahit magkalaban sa MMFF 2023
GORGY RULA:
Masaya ang pelikulang Becky & Badette. Napakakulay! Bagay na bagay sa karakter nina Becky & Badette na nagampanan nina Eugene Domingo at Pokwang nang napakahusay.
Magagaling din ang support nina Romnick Sarmenta, Agot Isidro at Adrian Lindayag. Tawa nang tawa lang ang mga tao sa sinehan.
Nag-post nga si K Brosas sa X na sobrang na-enjoy niya ang pelikula.
Ani K, “Nakakatawa infer! Ganda ng film at fun... napaka-effortless ng ga batuhan ng linya! Must watch! Congrats sa buong cast at crew!! labeeet!"
Maging si Direk Louie Ignacio, aliw na aliw sa Becky & Badette. Iba pa rin kasi talaga kapag sa sinehan mo ito pinapanood dahil nakikitawa ka sa mga tao.
"Mas masarap pa rin manood sa sine. Iba kasi ang reaction when you are part of the community in the cinema na sabay-sabay kayo.
"Gusto kong manumbalik yung ganung klaseng sarap nang panonood. Nasa loob po tayo ng sinehan, nagtatawanan," sabi ni Uge sa nakaraang mediacon ng naturang pelikula.
"Yes! Yung kain, tawa, yung ganun," dugtong naman ni Pokwang.
Sana, mabalik natin talaga iyung sigla ng sinehan, at itong Becky & Badette ang isa sa pampa-good vibes lang sa darating na Pasko.
May guest appearances sa movie sina Iza Calzado, Sunshine Dizon, Karylle, Ice Seguerra, Moira de la Torre, Christian Bables, Janice de Belen, Gladys Reyes, Sheryn Regis, Sharlene San Pedro, Joross Gamboa, at Victor Silayan.
NOEL FERRER:
Bilang star-studded comedy entry, sana ay pilahan nang husto ng mga kababayan natin ang Becky & Badette nina Eugene Domingo at Pokwang.
Andaming nag-guest appearance at cameo dahil sa pagmamahal nila sa mga bida, at kina Direks Perci Intalan at Jun Robles Lana na producers ng pelikula.
Sana, sa gitna ng ating kahirapan at sinasapit sa ating buhay ay patuloy tayong maaliw at mapasaya ng mga pelikula sa MMFF 2023 kasama na ng Becky & Badette!
