Tampok si Cedrick Juan sa dalawang official entries ng 2016 Metro Manila Film Festival (MMFF), ang Oro at Die Beautiful.
Na-nominate siyang best supporting actor para sa kontrobersiyal na pelikulang Oro. Ang tatlo pang nominado sa kategoryang iyon ay sina Joel Torre (Ang Babae Sa Septic Tank 2), Lou Veloso (Seklusyon), at Christian Bables (Die Beautiful).
Ang nagwagi ay si Christian bilang Barbie sa Die Beautiful.

Gumanap si Cedrick sa Die Beautiful bilang Erika, isa sa mga kaibigan ni Barbie. Sa MMFF 2023, bida si Christian sa pelikulang Broken Hearts Trip, pero hindi siya na-nominate.

(From left) IC Mendoza, Cedrick Juan, and Christian Bables in Die Beautiful
Si Cedrick na bida sa GomBurZa ang itinanghal na best actor ng 49th MMFF.
Ang lima pang nominado ay sina Dingdong Dantes (Rewind), Piolo Pascual (Mallari), Alden Richards (Family of Two), Derek Ramsay (Kampon), at Christopher de Leon (When I Met You In Tokyo).
Read: Vilma Santos, Cedrick Juan, Firefly, Gomburza win big at MMFF 2023 Gabi Ng Parangal
NOSTALGIC AWARDS NIGHT
Kinabahan ba si Cedrick sa MMFF 2023 Gabi ng Parangal noong Disyembre 27, 2023, Miyerkules, sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City? Naramdaman ba niyang siya ang mananalong best actor?
“Siguro po, mas holistic yung pakiramdam ko,” tugon ni Cedrick sa panayam ng DZRH noong Disyembre 31, Linggo ng gabi.
“Kasi yun nga, ang huling punta ko pa po ng theater na yun ay 2016 pa na Metro Manila Film Festival.
“So, parang ang nostalgic po niya sa akin. Tapos yun nga po, nung 2016 kasi, na-nominate din po ako na best supporting actor sa Oro.
“Tapos ang nostalgic niya sa akin. Tapos nandiyan na rin po yung sinasabi ng mga tao na tingin nila ay malakas po ako for best actor.
“So, halu-halo na po yung emotion. Pero at the same time, masaya din po ako dahil from December 25, kitang-kita nga po na, sabi nga po ni Tita Vilma [Santos], na dinudumog ng tao yung film festival.
“So, halu-halong emosyon po siya. Ganun po talaga ang pakiramdam ko na masaya ako na nakikita ko lahat ng filmmakers ulit, pati mga partners and producers.
“Nakikita ko ang mga old friends sa industriya na matagal ko nang hindi nakikita. Yung mga ganun po, halu-halo po talaga siyang emosyon.”
CEDRICK'S VIVAMAX MOVIE
Sa pagwawagi ni Cedrick bilang best actor ng 49th MMFF ay nabuhay muli ang interes ng mga tao sa 2022 Vivamax Plus movie niyang Two and One, kung saan ka-throuple niya sina Miggy Jimenez at Paolo Pangilinan.
Nakaplaster silang tatlo sa maseselang eksena kaya hanggang puwet lang ang ipinakita nila.
Read: Miggy Jimenez, may kuwento sa likod ng laplapan scenes nila nina Paolo at Cedrick

Miggy Jimenez, Cedrick Juan, and Paolo Pangilinan
Willing pa ba siyang maghubad sa pelikula? Tatanggap pa ba siya ng papel na gaano kapangahas?
“Para po sa akin, ang isang aktor po ay hindi po dapat namimili ng role,” pahayag ni Cedrick.
“Para po sa akin, kung ano po yung pinaglalaban ng role at ng pelikula or ng isang dula, yun po yung ibibigay namin as an artist, e.
“So, kung nakikita ko po na makakatulong ito sa nation building natin, makakatulong siya sa mas pag-intindi sa mga bagay-bagay na hindi natin naiintindihan as humans, I would love to do that po talaga.
“Kahit anong klaseng role po basta maganda po ang ipinaglalaban at representation sa society natin.”
Nag-frontal nudity na ba siya sa teatro? Hanggang saan ang kapangahasan niya so far sa entablado?
“Sa theater po, I think the most daring na nagawa ko is kissing with the same gender, and also topless.
“Parang hindi pa po ako talaga nagpo-frontal and butt exposure sa theater po.”
Ang tinutukoy ni Cedrick ay ang Bilanggo ng Pag-ibig (2015) ng Dulaang UP, na idinirek ni Jose Estrella, mula sa panulat ni Rody Vera.
Tampok din sa dulang ito si JC Santos, ang best supporting actor ng MMFF 2023 para sa pelikulang Mallari na pinagbidahan ni Piolo Pascual.

Cedrick Juan and JC Santos in Bilanggo ng Pag-ibig
Kung pari si Cedrick bilang Padre Jose Burgos sa GomBurZa, deacon naman si JC bilang Brother Lucas sa Mallari.
Take note na pari si Piolo bilang Severino Mallari sa pelikulang Mallari, at may special participation si Piolo bilang Padre Pedro Pelaez sa GomBurZa.
STILL A THEATER ACTOR
Graduate ng Far Eastern University si Cedrick.
First year college student siya noong 2008 nang mag-umpisang mag-theater doon. Dancer lang siya noon sa student production ng Moulin Rouge.
Noong high school si Cedrick ay pala-sayaw siya.
2009 siya pumasok sa Art Theatre Clinique ng FEU. Pagka-graduate, gumawa siya ng commercials noong 2012.
Dahil gusto pa niyang sanayin ang sarili sa teatro ay naging bahagi siya ng Dulaang UP, Tanghalang Pilipino, at PETA.
Taga-Sta. Maria, Bulacan si Cedrick. Pinakamura at pinakamalapit sa kanya ang Dulaang UP ng UP Diliman.
Magpapatuloy pa ba siya sa paglabas sa teatro?
Tumango si Cedrick, “Ayokong mawala po sa akin ang theater. Kasi, unang-una po sa lahat, sinabi ko nga po nung speech ko nung Gabi ng Parangal na dun po ako nagsimula.
“Iyon po ang humubog sa akin, hindi lang sa pagiging aktor, pagiging tao po. Iyon po talaga ang humubog sa akin.
“Kaya ayoko po talaga siyang mawala. Na gusto ko po, at least makagawa ako ng one or two plays a year.
“Kasi commitment po siya talaga. So, pag once na nag-commit ka, kailangang priority mo talaga lahat ng rehearsals, lahat ng show dates, unless mabibigyan ka ng alternate.
“Pero ako, ayoko po talaga siyang mawala. Kasi, ito po yung patuloy na magho-hone ng mga skills ko.
“And mahal na mahal ko po yung pamilya ko sa teatro. Kasi sobrang collaborative po talaga ng trabaho dun.
“Na walang tinitingnan kung sino ang mas mataas o mababa. Kasi para po sa teatro talaga, lahat ay pantay-pantay.
“Lahat ay parte ng isang vision na mahalaga tayong lahat para matapos natin.”
LONG HAIR
For so long ay long hair si Cedrick. Nagpaikli ba siya ng buhok dahil sa GomBurZa, o para lang doon sa Cinemalaya 2023 film niyang Huling Palabas?
“For the longest time po kasi, long hair po ako, e, no,” tugon ni Cedrick sa mediacon ng GomBurZa noong Nobyembre 13 sa TV5 Media Center, Mandaluyong City.
“Hindi po. Yung Mula Sa Buwan ko na play noong December 2022, because of that, nagpagupit po ako.
“Then yung Cinemalaya nga, I had to like semi-kalbo for the Huling Palabas, then yung GomBurZa before that, yun, parang ganito na rin po.”
Siyanga pala, SOLD OUT ang January 4, Thursday 5:30 p.m. screening ng GomBurZa sa Cinema ‘76, Morato Ext., Quezon.
Kaugnay sa nasabing screening ay may Q&A kina Cedrick, Enchong Dee, Direk Pepe Diokno, at cinematographer Carlo Mendoza.
Palabas ang GomBurZa sa mahigit 120 sinehan nationwide.
