Hindi malilimutan ng singer-songwriter-comedian na si Ogie Alcasid ang yumaong aktor na si Rudy Fernandez dahil naging malapit siya rito noong gumawa sila ng isang pelikula at kasama pa nila si Gelli de Belen, Ayos Lang Pare Ko way back in 1997.
Teary-eyed nga si Ogie nang magkuwento ito ng masasayang pagsasama nila ni Daboy. Para kay Ogie, isa lang ang naaalalang ugali ni Daboy—ang pagiging masayahin nito at pagiging palabiro.
"After we did the movie, naging constant na ang communication namin. Kapag may special occasion ang pamilya nila, parati akong invited. Lalo kapag birthday ni Daboy, I would always be there to sing him his favorite songs. Malambing na tao kasi si Daboy at iyon ang isang bagay na mami-miss namin sa kanya," kuwento ni Ogie.
Nanghinayang nga si Ogie na noong nakaraang birthday ni Daboy last March ng taong ito ay hindi siya nakadalo dahil may taping daw siya noong araw na iyon.
"Nakakalungkot lang isipin na I wasn't there to celebrate with him. Hindi naman natin alam na it would be his last birthday, 'di ba? But Regine [Velasquez] was there naman at inawit niya yung song na "Pangako." Yun ang song na bagay na bagay kina Daboy at LT [Lorna Tolentino]. Sa pinagdaanan nilang mag-asawa, the song says so much of their story as husband and wife."
Kuwento ni Ogie na noong first time ngang ipinakilala niya si Regine kay Daboy, tinukso raw sila nito kaagad.
"Nakakatuwa si Daboy kasi nga para siyang bata. Yung mahilig magbiro talaga. Tinuksu-tukso nga niya kami ni Regine. E, kakaamin lang namin yata no'n kaya parang kinikilig siya for us," masayang pag-alaala pa ni Ogie.
"Mami-miss namin si Daboy because of his being such a good person. Wala akong nabalitaan na naging kaaway niya or nakasamaan niya ng loob. They all have good words for him at yun naman ang mahalaga.
"He lived a very good life and kahit masakit para sa kanyang pamilya at sa aming nagmamahal kay Daboy, we all have to accept what has happened dahil kagustuhan ito ng Panginoon."
Si Ogie ang nag-arrange ng mga songs na sinulat ni Joey de Leon para sa first Philippine digital full-length animation na Urduja na produced ng APT Productions ni Mr. Tony Tuviera.
Ang mga awitin na nailikha para sa Urduja ay "Babae Ako" na inawit ni Regine Velasquez; "Lakwenta" na inawit nila Michael V. at Allan K.; at "Awit ng Paalam" na isang duet nina Regine at Cesar Montano.
