Mukhang nakarating sa ilang opisyales ng Bureau of Immigration (BI) ang paratang ni Pokwang na may "padrino" ang dating partner ng comedienne na si Lee O'Brian.
Ito ay kaugnay ng hiling ni Pokwang na ipa-deport ng ahensiya si Lee mula pa noong December 12, 2023. Hanggang ngayon ay nasa Pilipnas pa rin ang Amerikanong aktor.
Base sa kanyang pakikipagsagutan sa bashers sa Instagram noong January 22, 2024, sinabi ni Pokwang tila may "padrino" ang dating kinakasama.
Ipinapahiwatig niyang mayroon itong protektor mula sa ahensiya kaya hindi pa rin napapa-deport si Lee.
Sa pamamagitan ng Instagram nitong nakaraang January 27, humingi ng dispensa si Pokwang sa lahat ng nasaktan sa kanyang naging paratang.
Panimula niya, "Una po sa lahat, nais ko po sanang magpasalamat sa Bureau of Immigration para sa kanilang mabilis at patas na resolusyon sa aking petisyon na maipadeport si William Lee O’Brian. Masaya ako at ang aking mga anak sa naging desisyon ng BI.
"Sa mga dokumento na dumating sa akin, nalaman ko na naghain ng Motion for Reconsideration si Lee noong December 28, 2023. Buo ang tiwala ko na sa amin pa rin papanig ang hustisya dahil nasa aming panig ang katotohanan."
Naghain man ng motion for reconsideration si Lee tungkol sa desisyon ng BI, nananalig si Pokwang sa kanya pa rin papanig ang desisyon ng ahensiya.
Napag-alaman din daw niyang nagpasa si Lee ng Motion for Voluntary Deportation sa BI upang umalis na siya ng Pilipinas, pero wala umano siyang kopya ng dokumento.
Saad pa ni Pokwang, "Aaminin ko na napakahirap ang pinagdadaanan kong ito - may mga araw na napangungunahan ako ng inis at galit. Frustrated ako dahil gusto ko nang mapaalis si Lee sa ating bansa sa lalong madaling panahon.
"Nalaman ko noong isang araw na nagfile din ng Motion for Voluntary Deportation si Lee noong January 10, 2024. Wala pa kaming kopya nitong Motion na ito.
"Naging mabigat ang aking saloobin mula ng nagkaproblema kami ni Lee, at nagpatuloy pa ito kahit nanalo na kami sa deportation case laban sa kanya.
"Dahil na din siguro ito sa mga limitasyon ko bilang tao, bilang solo parent na nagtataguyod sa aking pamilya. Valid man itong aking mga nararamdaman, hindi ito sapat na dahilan para makapagsabi ako ng mga masakit at walang basehan na bagay sa aking kapwa, partikular sa ating mga kasamahan sa BI."
Kasunod nito, humingi ng paumanhin si Pokwang sa kanyang mga nasabi.
Nagpasalamat din ang Kapuso TV host-comedienne sa kanyang legal counsel na tinulungan siya sa reklamo niya laban sa estranged partner.
Saad niya, "Humihingi po ako ng dispensa sa lahat, lalo na sa BI na pinamumunuan ni Commissioner Norman Tansingco at kay Secretary Boying Remulla na namamahala sa DOJ. Naniniwala po ako sa proseso ng hustisya sa Pilipinas. Pasensya na po kung sa bugso ng aking damdamin, ay may mga nasasabi akong di kaaya-aya.
"Gusto ko din magpasalamat kay Atty. Rafael Calinisan at sa Calinisan Domino and Beron Law Office para sa kanilang galing at husay sa pag aasikaso ng aking kaso. Salamat sa pasensya at malasakit ninyo sa akin. Humihingi din ako ng paumanhin sa inyo dahil nailagay ko kayo sa alanganin dahil sa aking mga sinasabi."
Humingi rin ng dispensa si Pokwang sa pagiging malupit niya sa kanyang binibitawang salita dahil sa pagtatanggol sa kanyang sarili at anak na si Malia O'Brian.
Aniya, "Pang huli, humihingi ako ng paumanhin sa taumbayan kung ako ay naging malupit sa aking mga nabibitawang salita. Patawad po, at sana ay patuloy po ninyo akong suportahan sa pamamagitan ng inyong pagunawa at panalangin. [praying hands, heart emojis]"
View this post on Instagram
Wala pang bagong post si Lee sa Instagram.
