Personal na nagtungo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang TV host at digital marketing entrepreneur na si IC Mendoza matapos mabiktima ng online scammer.
Sa ulat ng TV Patrol nitong Martes, February 6, 2024, may nag-chat daw kay IC na kakilala niya at nanghihiram ng PHP30,000.
Kaagad naman daw niya itong pinadalhan ng pera sa pamamagitan ng online transfer.
Lahad ni IC, “'Anak, may favor sana ako sa iyo. Puwede ba makahiram ako ng money?'
“So I asked, ‘Magkano po, Tita?’ 'P30K.'
“Tinransfer ko dun, from my e-wallet to hers.
“Kasi kakamadali ko, hindi ko man lang natawagan or na-reconfirm sa kanya.”
Matapos daw nito ay muling nag-chat ang nag-text sa kanya at nagpapadagdag ng pera. PHP40,000 daw ang hininging dagdag at tutubuan na lang daw nito.
Dito na raw nagduda si IC at tinawagan ang kanyang pinsan.
Sabi nito, “Yun nga, ‘Uy, Ice, na-hack yung Facebook niya. Andaming mini-message.'
"Andaming nagmi-message sa kanya na humihingi ng money.
“Shocks, sayang. Ang unang pumasok sa isip ko, parang, ‘Shocks, mababalik ko pa ba? Paano ko ibabalik?'
“Nung tinray kong i-confront yung hacker, scammer nga, sabi ko, ‘Please, pakibalik mo na. Parang, 'Pakibalik mo na, kahit partial lang.’
“Sige, parang ano na lang, di ba, parang may TF din siya. Ganyan.
“Pero, like, yun. Tapos after nun, binlock na niya ako.”
Read: IC Mendoza: from talk show host to digital marketing entrepreneur
Paalala naman ng chief ng Anti-organized and Transnational Crime Division ng NBI na si Atty. Jerome Bomediano, ugaliing kausapin muna ang mga kaanak o kakilala na nanghihiram ng pera sa online.
Kaugnay nito, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang PNP na paigtingin ang laban sa cybercriminals.
