Nagkakuwentuhan sina Baron Geisler at Jiro Manio sa isang video na in-upload ng Marites University noong February 9, 2024.
Ang dalawa ay huling nagkasama sa seryeng Tayong Dalawa ng ABS-CBN.
Napag-usapan nina Baron at Jiro ang tungkol sa kani-kanilang naging bisyo at kung paano sila nakabangon mula sa pagkalulong sa pamamagitan ng rehabilitation.
Read: Baron Geisler proud of first-ever investment; admits previously wasting PHP1 million on drugs

Sa isang bahagi ng kanilang kuwentuhan ay naungkat ni Baron kay Jiro ang insidente noong 2015 kung saan nanatili ang huli sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ani Jiro, “Four days ako dun.”
Tanong ni Baron, “Ano ang nasa utak mo?”
Pag-amin ni Jiro, “Alam mo na, high ako nun. Galing ako sa amin, may dala akong cellphone.”
Ang cellphone daw ang ibinayad ni Jiro para makababa siya sa taxi na sinakyan para makarating sa airport.
“Kasi, sabi ko dun sa taxi driver, 'Nong, dito na lang ako.’ Bababa ako, hinawakan ako. 'Saan ka pupunta? Magbayad ka!'
“’Wala akong pera, ‘nong,’ sabi ko.”
Nagalit umano ang taxi driver nang sabihin niyang wala siyang pera.
Sabi sa kanya ng taxi driver, bakit siya sumakay kung wala naman siyang pera. Kung hindi raw siya magbabayad ay ipahuhuli siya.
Sabi niya sa taxi driver, “’Nong, ito na lang, cellphone ko kasi wala talaga akong pera.
“’Hinihintay na kasi ako ng mga kasama ko diyan, e,’ sabi ko.
“Tinanggap niya sabay nakaalis ako.”
Tinanong siya ni Baron kung bakit siya nasa NAIA, at kung talagang may mga kasama siya.
Ani Jiro, “Wala. Dun lang lumipad ang isip ko. Stranded ako dun, four days.”
Naawa naman sa kanya ang mga staff ng NAIA kaya pinaligo siya ng mga ito.
“'Tapos binigyan ako ng pera, pinagbihis ako. Naawa daw sila sa akin kasi nga kilala nila ako. ‘Si Jiro Manio ito, ah!’”
Read: Baron Geisler binantaang sasapukin kapag uminom kahit isang shot lang
JIRO'S AGE WHEN HE STARTED DOING DRUGS
Ibinahagi rin ni Jiro kay Baron kung bakit siya nalulong sa droga.
“Curiosity. At saka gusto ko rin talagang subukan.
“Kasi dahil sa tinitirahan namin dati, medyo closed environment sila, tabi-tabi lang ang bahay. Pagka dumadayo ako dun sa mga tropa ko, walang usapan kundi marijuana, sigarilyo, alak.
“Basta di naaalis yun sa usapan. Dahil maraming pusher saka mga user.”
At kung ilang taon siya noon nang unang makatikim ng marijuana, “Katorse yata ako.”
Singit ni Baron, “Mas nauna ako sa iyo, dose ako.”
Read: Former child actor Jiro Manio reveals reason why he won't go back to acting
GROWING UP INDEPENDENT
Sa mga nangyari sa kanya, sinabi ni Jiro na hindi siya nagtanong sa Diyos kung bakit niya sinapit ang kasalukuyang situwasyon.
“Yun ang hindi ko magagawa, kasi una sa lahat di ko naman Siya nakikita. At saka kasabihan na Siya ng maraming tao.
“Kumbaga, naging independent lang ako sa sarili ko noon habang nag-aartista ako. Ang tingin ko sa sarili ko simpleng tao lang at saka nakakatulong ako sa family ko, yung nabibili ko ang gusto ko.”
Pagbabalik-tanaw pa ni Jiro, noong kasikatan niya, kahit papaano ay may mga mabubuting kaibigan siya na nagtitiwala pa rin sa kanya.
Madali umano siyang lapitan dahil open naman siyang magbigay ng tulong.
“Pero nandun din yung masasamang kaibigan na kahit saan ako magpunta, nakikita ko sila at hindi ko maiwasan na mapaaway nun.”
Read: Ai-Ai delas Alas, may sagot sa mga humuhusga dahil sa hindi pagtulong kay Jiro Manio
JIRO INSIDE JAIL: "NAKAKABALIW"
Aminado si Jiro na nagsisisi siya nang ma-rehab siya.
“Nahirapan ako. Kasi talaga noong nakakulong ako, feel na feel ko, e.
“Sabi ko, ‘Ito, pinagsisihan ko ito. Hindi ako lalabas dito hangga't hindi ko natitiis lahat... mga ipinaramdam kong pagkakamali sa pamilya ko. Kahit noong nakulong talaga ako nang totoo, hindi lang rehab.”
Dalawang linggong nakulong si Jiro noong 2020.
Read: Former child actor Jiro Manio arrested for alleged frustrated homicide

“Ang hirap... Nakakatakot na nakakabaliw.”
Apat na beses naman siyang nagpa-rehab.
“Yung una ko, one year. Pangalawa ko, two years. Pangatlo ko, six months. 'Tapos inilipat ako. Na-transfer ako sa Bataan.”
Read: Bataan rehab center chief, nakiusap na huwag husgahan si Jiro Manio
Pitong taon na rin aniya mula nang makalabas siya ng rehab.
Nang itanong sa kanya ni Baron kung paano niya na-survive ang buhay sa loob ng rehab, ani Jiro ay naging motivation niya ang pagkain.
“Ang iniisip ko, yung almusal, yung snack time, tanghalian, 'tapos snack time uli, dinner.
“Yun lang ang iniiisip ko. Pag yun lang, medyo cool down ako. Ano kasi, e... kakain.”
Read: Stars who caused major changes in teleseryes: 2020 edition
STATE OF JIRO'S LOVE LIFE
Sa aspeto naman ng kanyang love life, sinabi ni Jiro na sa ngayon ay wala pa ulit sa isip niya ang bagay na ito.
“Pero bukas naman ako, open naman ako.
“Thirty-one pa lang ako, e.”
“Pero hiwalay kasi kami nung nanay ng mga anak ko. Hiwalay kami dahil sa pagda-drugs ko nga. Saka naubos yung mga ipinundar ko, mga kinita ko.”
Pagtatapat pa niya, “Saka medyo nasasaktan ko siya [nanay ng mga anak]. Aminado naman ako dun.
“Kaya pinagsisihan ko lahat yun kahit noong nasa rehab ako. Inamin ko sa mga pari dun kung ano ba yung puwede kong maging revelation para makabawi ako sa pamilya ko, mapalitan ko lahat yung mga pagkukulang ko.”
May dalawang anak si Jiro sa dati niyang partner. Ang isa ay 16 years old, at ang isa naman ay 14.
Sa Rizal siya ngayon nakatira habang nasa dating partner niya ang mga anak. Nakakausap naman umano niya ang mga ito sa pamamagitan ng video call.
“Hanggang dun lang muna kasi malayo, e.”
Read: Jiro Manio, kailangan nang maipagamot dahil sa kakaibang kinikilos nito
NO DRAMA PROJECTS FOR JIRO
Sa ngayon, para magtuluy-tuloy ang kanyang recovery ay hindi pinababayaan ni Jiro ang pag-inom ng kanyang mga gamot, pagbabasa ng Bible, ang kanyang pamilya, at pansariling kalusugan.
Payo umano ng mga nag-asikaso sa kanya sa rehab, “Huwag ko raw bibitawan kung saan ako magiging masaya. Pipiliin raw yung mga gusto kong gawin na hindi ako mai-stress.”
Nang matanong naman tungkol sa kanyang dream role ngayon, saad ni Jiro, "Siguro yung kahit ano lang, kahit kasama lang ng bida, mga ganun. Kontrabida, puwede na rin sa akin yun.
“Medyo umiiwas ako sa drama. Kasi, di ba, nung bata ako babad ako dun? Kaya ang sabi ko nung may kumukuha sa akin, 'Baka po drama?'
"'Di ka naman daw masyadong emotional dito,' sabi nila.”
Nang tanungin ni Jiro kung ano talaga ang role niya sa proyekto, natuwa raw siya nang malamang gaganap siyang goons na may pagka-military.
"Natuwa ako. Sabi ko, 'Uy, okey 'to, bago 'to, a.' Parang Bagong Buwan."
Ang Bagong Buwan ay ang 2001 Star Cinema movie na pinagbidahan nina Cesar Montano at Amy Austria at dinirek ng yumaong National Artist for Film and Broadcast Arts na si Marilou Diaz-Abaya.
Tungkol ito sa Muslim insurgency sa Mindanao at ang epekto nito sa mga sibilyan na nakatira roon.

Read: Jiro Manio reveals he used money from sold Urian trophy for Christmas and New Year
Sa ngayon ay wala raw masyadong offer kay Jiro. Madalas lang ay guesting mula nang ibenta niya ang kanyang Gawad Urian Best Actor trophy.
Sa pagtatapos ng kanilang kuwentuhan ay pinayuhan ni Baron si Jiro na ipagpatuloy ang pagiging matatag, at magpaganda ng katawan para mentally and physically fit.
Ipakikiusap din umano niya sa kanyang manager na maihanap ng proyekto si Jiro.
Read: Jiro Manio ibinenta ang Urian best actor trophy sa halagang PHP75K
