Kasalukuyang naghahanap ng magma-manage sa kanya ang StarStruck 2 Avenger na si Kirby de Jesus. One year na raw siyang wala sa GMA Artist Center pagkatapos mag-expire ang kanyang kontrata.
Ani Kirby, gusto na niyang may mag-asikaso sa kanyang career ngayon at freelancer na siya. Ngayon daw kasi ay direktang tinatawagan siya kapag may mga trabaho.
"Iba pa rin kasi ang may manager, e. Mas okey yung may nakikipag-negotiate. Kung ako lang kasi, mahirap at marami akong hindi alam tungkol sa talent fees. Baka kasi naiisahan na ako na hindi ko alam.
"Ngayon may mga interesado namang mag-manage sa akin. Pero siyempre, si Mommy ko ang nakikipag-usap sa kanila para kilala rin niya."
Huling napanood si Kirby sa Marimar ng GMA-7, bilang isang baliw na roommate ni Richard Gomez. Pero madalas naman daw siyang kunin para mag-guest sa mga talk shows.
Inamin ni Kirby na nami-miss na niyang maging busy. Dati raw ay kaliwa't kanan ang kanyang ginagawang trabaho sa TV, at minsan ay kulang na siya sa tulog.
"Gano'n lang talaga siguro. Minsan meron, minsan naman wala. Pero nagpapasalamat naman ako na noong mga times na hindi ako naging busy, natutukan ko ang studies ko.
"But now, nag-stop muna ako kasi nga mas gusto ko ulit mag-ipon. Gusto ko kasi na ako na ang magbayad ng tuition ko. Dasal ko nga na magkaroon ulit tayo ng maraming trabaho."
KISSING JOSEPH. Kasama si Kirby sa cast ng pelikulang Paupahan kung saan gumaganap siyang gay lover ni Joseph Bitangcol. May kontrobersyal na kissing scene sila ni Joseph, pero ayaw i-reveal ni Kirby kung tinuloy ba nila iyon o hindi.
"Panoorin nila ang movie para malaman nila," ngiti pa nito. "Noong i-offer sa akin itong role sa Paupahan, hindi naman ako nagdalawang-isip. Gumanap na naman akong gay dati sa I Luv New York at sa ibang guestings ko. So, parang okey lang. Trabaho rin ‘yan, e.
"Tamang-tama naman at malaki na ang ibinawas ng timbang ko, kaya hindi alangan ang katawan ni Joseph sa akin. Noong mabasa ko na may kissing scene kami, nag-usap naman kami ni Joseph, e. Maganda naman daw lalabas ang scene kaya okey lang."
NO GIRLFRIEND FOR NOW. Wala nga raw girlfriend ngayon si Kirby. Last girlfriend niya ay ang Sexbomb Girl na si Johlan Veluz. Bago raw ito pumunta ng Japan ay matagal na silang nag-break. Kahit may mga type ligawan ni Kirby, iniiwasan daw niya muna ang magkaroon ng girlfriend.
"Trabaho muna tayo. Iwas muna tayo sa ligaw-ligaw. Hanggang tingin na lang muna ako," pagtatapos ni Kirby de Jesus.
