Tila pareho ng landas na tinahak ng Megastar na si Sharon Cuneta ang patutunguhan ng baguhang female singer na si Ysabelle Palabrica.
Teenager si Sharon noong nagsimulang pasukin ang showbiz bilang mang-aawit na anak ng noo’y Mayor ng Pasay City na si Pablo Cuneta.
Teenager rin ngayon si Ysabelle sa edad na kinse anyos (turning 16 in May) at susubok din ng kapalaran bilang isang singer, at tulad ni Sharon, alkalde rin ang ama ni Ysabelle na si Bingawan City (of Iloilo) Mayor Mark Palabrica.
Siya ba ang next Sharon Cuneta?
“Sana po,” ang nakangiti at tila nahihiyang sagot sa amin ni Ysabelle.
Wala raw siyang nadaramang pressure tungkol dito.
Napapanood raw niya ang mga pelikula at performances ni Sharon bilang aktres at singer.
“Ang galing niya po,” bulalas ni Ysabelle.
Bukod sa Megastar ay paborito rin ni Ysabelle sina Taylor Swift at Belle Mariano.
Nadiskubre ni Ysabelle na nais niyang maging singer noong i-enroll siya last year ng mommy niyang si Jeanne sa isang voice lessons class.
YSABELLE STILL PRIORITIZES SCHOOL DESPITE LOVE FOR SINGING/ACTING
Bukod sa pagkanta, may talent rin sa pagsayaw si Ysabelle at nang hilingin namin na i-rate niya ang kanyang sarili bilang dancer from one to ten, ang mabilis na sagot ni Ysabelle ay, “Nine!”
Pangalawa sa apat na magkakapatid si Ysabelle; tatlong sunud-sunod na babae at lalaki ang bunso.
Tinanong namin si Ysabelle kung paano maging anak ng isang mayor.
“Okay lang po,” pakli ni Ysabelle.
Wala raw siyang anumang special treatment na natatanggap, ni wala raw siyang bodyguard sa school.
Hindi raw siya spoiled at nae-enjoy naman raw niya ang pagiging teenager niya.
Handa ba siya na kapag umalagwa na ang career niya sa showbiz ay mababawasan ang privacy niya bilang isang regular teen?
Lahad niya, “Opo.”
Pero priority raw ni Ysabelle ang kanyang edukasyon kaysa pagiging singer o artista. Hindi raw niya pababayaan ang kanyang pag-aaral kahit maging abala na siya sa showbiz.
Naranasan na rin ni Ysabelle na sumali sa isang beauty pageant, at ito ay sa school pageant nila sa CenterPhil Montessori Learning Center na siyang eskuwelahan niya sa Iloilo.
Kapag nasa tamang edad na siya, sasali rin ba siya sa mga pageants na tulad ng Binibining Pilipinas at Miss Universe Phillipines?
“Hindi na po,” ang mabilis na reaksyon ni Ysabelle. “Kasi ang hirap po.”
Pero mas kaya raw ni Ysabelle, pagdating ng panahon, na mag-concert sa isang malaking venue na tulad ng Araneta Coliseum kaysa muling sumali sa isang pageant.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media si Ysabelle nitong Lunes, Enero 15, 2024 sa Coffee Project restaurant sa Quezon City.
YSABELLE TO REVIVE ‘90s OPM SONG
Ire-revive ni Ysabelle ang hit song ni Tootsie Guevarra na "Kaba."
Isa pa sa mga proyekto ni Ysabelle ay ang YouTube show "Krazy-x You" na para sa mga teens na katulad ni Ysabelle.
Ito ay sa direksyon ni Obette Serrano at concept ng manager ni Ysabelle na si Audie See.
Dito ay ipinakita naman ni Ysabelle ang nalalaman niya sa hosting at acting.
YSABELLE TO BE MENTORED BY ACCLAIMED MUSIC ICON
Magsisilbing mentor ni Ysabelle ang batikang composer at music icon na si Vehnee Saturno.

(Ysabelle with acclaimed composer/music icon Vehnee Saturno)
Si Vehnee ang composer ng maraming hit and classic songs na tulad ng "Be My Lady" (ni Martin Nievera), "Forever's Not Enough" (ni Sarah Geronimo), "Sana Kahit Minsan" ( ni Ariel Rivera), "Dahil Tanging Ikaw" (ni Jaya), "Till My Heartaches End" (ni Ella May Saison), "Bakit Pa?" (ni Jessa Zaragoza) at "Kahit Konting Awa" (ni Nora Aunor), among others.
Ang una sa nakalinyang project ni Vehnee para kay Ysabelle ay ang revival ni Ysabelle ng 1999 hit song na Kaba na pinasikat ng ‘90s female singer na si Tootsie Guevara at isinulat rin ni Vehnee.
Napanood daw ni Ysabelle sa YouTube ang mga performances dati ni Tootsie.
“Proud po ako na ang una kong recording is kanta ni Ms. Tootsie, and ang ganda po nung song,” ang nakangiting wika ni Ysabelle.
Tinanong namin si Ysabelle kung ano ang pakiramdam na isang Vehnee Saturno ang tutulong sa kanya upang makamit ang pangarap niyang maging isang kilalang mang-aawit?
“Nae-excite po ako kasi alam kong big opportunity ito para sa akin.”
Open rin si Ysabelle sa pagkakataon na maging aktres pero ang pagiging singer ang prayoridad niya.
