Miyerkules Santo, Marso 27, 20204, nang kumalat sa social media platform na X (dating Twitter) ang usap-usapang nag-uugnay sa aktres na si Kim Rodriguez sa dating PBA player na si Marc Pingris.
Ito ay matapos mapansin ng netizens ang mga larawan kung saan makikita sina Kim at Marc na tila nasa iisang lugar lamang.
Bagamat hindi magkasama sa pictures ay gumana ang mapaglarong isip ng ilan dahil sa parehong background nina Kim at Marc, dahilan para magsuspetsa ang mga nakakita nito na marahil ay magkasama ang dalawa.
May isang larawang kuha sa gas station kasama ang crew ng isang sikat na french fries stall.
Pareho ring may kuha sina Kim at Marc sa harap ng tanyag na Sydney Opera House sa Sydney, Australia.
Dahil sa mga larawang ito, marami ang naghinalang may namamagitan sa dalawa sa kabila ng pagiging pamilyadong tao ni Marc.
Kasal si Marc sa dating aktres na si Danica Sotto. Biniyayaan ang kanilang pagsasama ng tatlong anak: sina Jean Michel, Anielle Micaela, at Jean-Luc.
Nauna nang nagbigay ng pahayag si Marc at sinabi sa pamamagitan ng Instagram na walang namamagitan sa kanila ng aktres.
"Walang katotohanan ang mga lumalabas na balita tungkol sa amin ni Ms. Kim Rodriguez," paliwanag ni Marc nung Huwebes, March 28.
Dalawang beses daw silang nagkasama ni Kim sa basketball events, pero hanggang doon lang ang kanilang naging ugnayan.
"Salamat din sa nagpaabot ng concern. Ok kami ng pamilya ko. Wag na po tayo magpakalat ng mga balita na hindi totoo," dagdag ni Marc.
"Humihingi po kami ng respeto para hindi madamay ang mga anak namin ni Danica. Salamat po at God bless po."
KIM'S VERSION OF THE STORY
Samantala, sinagot ng showbiz reporter at talent manager na si Ogie Diaz ang isyu para kay Kim.
Si Ogie ang kasalukuyang manager ni Kim.
Sa vlog nitong Ogie Diaz Showbiz Update sa YouTube ay ipinarating ni Ogie ang paliwanag ni Kim kaugnay sa usap-usapan.
Bungad ni Ogie, "Nakausap ko nga itong si Kim Rodriguez dahil ako nga ay binulabog ng mga tawag, ng mga text at mga DM [direct message] at PM [personal message].
"Kaya kinausap ko yung alaga ko. Siyempre bilang manager ano, bilang vlogger din, dalawa yung [trabaho ko] kasi medyo nahihirapan ako sa sitwasyon na ito.
"Ako'y tumatayo bilang manager ni Kim Rodriguez. At sa kabilang banda, ako rin ay isang vlogger na inaasahan ninyong lahat na magsasalita kung anong totoo."
Tinanong daw ni Ogie si Kim para malaman kung may katotohanan ang kumakalat na balita.
"Tito, hindi po yan totoo," pagtanggi umano ni Kim.
Tungkol sa mga larawan ay lumalabas na nagkataon lamang ang mga ito.
"Nagpunta ako diyan [gas station]. Nag-stopover ako diyan kasi papunta ako ng Subic kasama yung mga kaibigan ko," depensa ni Kim.
Dagdag ng aktres, "Yung kay Marc Pingris po, hindi ko po alam kung kailan yun."
Sabi pa ni Ogie, "Hindi raw sila magkasama nun.
"Kaya sabi niya sa akin, 'Kahit itanong po ninyo diyan sa girl na yan kung magkasama kami ni Marc o pareho niya kaming nakita on that day, that same time. I'm sure alam niya yung totoo.' Yun."
Tungkol naman sa kuha sa Opera House sa Sydney ay mariing sinabi ni Kim na may kasama siyang dalawang kaibigan nung nagbakasyon siya sa Australia.
"Sabi sa akin ni Kim, 'Anong pakialam ko kung may picture doon si Marc Pingris sa Opera House, e, ako rin merong picture.'"
Karaniwang pasyalan ang Opera House at paboritong magpakuha ng larawan ng mga turista na background ang tanyag na landmark.
Kung si Ogie raw ang tatanungin ay sasabihan niya si Kim na huwag pansinin ang balita.
"Yung POV [point of view] diyan, kung ako bilang manager, sasabihin ko sa kanya huwag na niya patulan yan. For as long as hindi totoo, huwag na niya pansinin."
Dagdag ni Ogie, "Kaya lang, as a vlogger at ako po'y inaasahan ninyo, kailangan kong magsalita rito.
"And siyempre hindi naman para iangat si Kim kundi para kunin yung panig niya, di ba? And yun yung sinabi niyang panig sa akin."