Isang lalaki ang nag-amok at nambasag ng mga imahe ng santo sa loob mismo ng simbahan ng San Isidro Labrador Parish sa Binalbagan, Negros Occidental.
Kinilala ang suspek na si Rolly Semira, taga Brgy. San Teodoro, Binalbagan.
Siya ang itinuturong salarin sa pagwasak ng mga imahe ng santo na kanya umanong pinagbabasag.
Umaabot naman sa halos tatlong daang libong pisong halaga (P300 thousand) ng anim na santo na puro mga antigo na rin.
Nangyari ang insidente ganap 7:00 ng umaga, Abril 3, 2024, habang nagmimisa si Rev, Fr. Leopoldo Cahilig.
Marami ang nagulat, nagalit, at natulala sa nangyari.
Ano nga ba ang nag-udyok sa taong ito na sirain ang mga sagradong rebulto ng simbahang katoliko?

EKSENA SA SIMBAHAN
Kakatapos lang ibaba ni Fr. Cahilig ang body and blood of Christ bilang bahagi ng Consecration sa Holy Mass nang biglang umarangkada ang isang tricycle papasok ng simbahan.
Sa Digicast Negros report, ipinakitang natumba ang ilang church pews dahil sa pagkabangga ng tricycle na pilit na ipinasok sa loob ng simbahan.
Ayon sa report, matapos nitong banggain ang mga upuan, agad dumiretso ang driver sa altar at inakyat ito.
Laking gulat ng mga taong naroon sa misa!
Bigla na lang pinagtutumba at pinagbabaklas ng nasabing tricycle driver ang mga santo pati na ang crucifix.
Ang mga imahen, naputulan ng ulo at naghiwa-hiwalay ang mga parte ng katawan.
Sa interview ng Digicast Negros kay Fr. Cahilig, sinabi nitong, “Pagkatapos ng Consecration, nandoon na agad siya.
"Natumba ang tricycle, dumiretso siya agad sa altar at pinukpok niya na (‘yung mga santo).”
Naabot at naakyat daw ng driver ang altar dahil hindi naman ito kataasan.
Natulala rin ang pari at wala na ring nagawa habang nagyayari ang krimen.
Ang sakristan namang si Leoter de Luna ay nataong nasa likod ng altar sa mga oras na iyon.
Nagulat na lamang daw siya nu’ng paglabas niya dahil narinig niyang nagsisigawan at nakitang nag-iiyakan na ang mga parokyano.
Karamihan sa mga nagsisimba nang mga oras na iyon ay mga kababaihan at mga matatanda.
Naturingang makasaysayan ang simbahang ito sa luma nitong istraktura.
Itinayo ang San Isidro Labrador Parish sa Binalbagan noong taong 1575 ng Augustinian na mga pari.

PHOTO: Grace supe
May Nag-utos
Nahuli ang suspek na ayon sa pamilya nito ay may nervous breakdown.
Nang tanungin ang suspek kung sino ang nag-utos sa kanya, ang kanya raw Diyos ang nag-utos sa kanya na sirain ang mga imahe sa simbahan.
“Inutusan ako,” sabi umano ng suspek sa Ilonggo.
May bumulong daw sa kanya na sirain ang mga imahe.
“Ang (kanilang) Diyos na ama! Dahil kailangang sirain ang lahat ng rebulto at mga diyos-diyosan, mga rebulto at anting-anting dahil ang tao ay nagwawaswas, bumubulong ng masama!” sabi ng suspek na ngayon ay naka-detain na sa Binalbagan Police Station.
Napag-alaman din ng Binalbagan Police mula sa pamilya ng suspek na ilang araw na ring walang tulog at hindi ito kumakain dahil Ramadan. Muslim ang relihiyon ng suspek.
Dahil sa insidenteng ito, tumungo sa simbahan si Imam Akhir Saripada ng Binalbagan Muslim Community at humingi ng dispensa sa ginawa ng kapwa nila Muslim.
Aniya, “Kaming mga Muslim sa Binalbagan, ay humihingi ng kapatawaran sa ginawa ng kapwa naming Muslim.
“Pero ang Islam ay hindi itinuturo ang ganyang mga gawain (na manira ng imahe ng ibang relihiyon).”
KAPATAWARAN NG SIMBAHAN
Matapos humingi ng dispensa ang Binalbagan Muslim Community sa simbahan, sinabi naman ni Fr. Cahilig, wala aniyang kasalanan ang Muslim community sa nangyari.
Nagkataon lang meron silang miyembro na gumawa ng ganito kasaklap at hindi dapat pamarisan.
Panandaliang isinara ang simbahan pagkatapos ang insidente.
Kakasuhan ang suspek ng malicious mischief at alarming scandal.
Samantala, naglabas na rin ang Diocese of Kabankalan ng statement ukol sa isyung ito.
