“Saan ba tayo magsisimula?” ang natatawang sagot sa amin ni Glaiza de Castro nang tanungin namin kung ano ba ang ilu-launch nila sa ginanap na The Wide Style Project Launch sa SM North EDSA Annex (Event Center) noong nakaraang March 23.
“Sige, dahil kaka-release lang ng Slay Zone, isa sa mga bago naming ilu-launch ay pelikula, under Wide International. Pero bukod po dun meron po tayong ilu-launch na mga restaurants, mga resorts at marami pang iba.

“Excited po ako kasi first quarter pa lang ng 2024 ang dami na kaagad pasabog ng Wide International.
"And I’m so happy to be working with Ken Chan at ngayon nadadagdagan pa so ang saya kasi parang hindi siya work, para kaming nagkita-kita lang magkakaibigan tapos nagkataon na may trabaho.”
Buo na ang Wide International noong pumasok si Glaiza bilang business partner ni Ken at iba pang non-showbiz people na may-ari rin ng kumpanya.
Kuwento ni Glaiza, “In a way, in-attract ko po yun, e. Kasi when I was invited to perform in one of their events sabi ko, ‘Parang ang sarap naman nitong mga makatrabaho.’
“So pinag-pray ko na mabigyan pa ako opportunity to be invited again and then nung sinabi sa akin na magiging parte na ako ng pamilya ng Aromagicare, ang saya ko kasi alam ko nga po na hindi nagtatapos sa mga events, hindi lang nagtatapos sa isang pelikula yung gagawin ko with them.”
Ang Aromagicare na beauty product brand at ang pelikulang Slay Zone nina Glaiza at Pokwang ay kapwa nasa ilalim ng Wide International Film Productions.
Dagdag pang sinabi ni Glaiza, “So iyon nga po andaming naka-line up kaya excited ako for this year.”
Banggit namin kay Glaiza, tila mahirap ang pinasok nila dahil ang Wide International ay hindi lamang nga sa film production kundi pati na rin iba-ibang klase ng negosyo ay sakop nito tulad ng restaurant business at beauty products.
Lahad ni Glaiza, “Opo, kaya talagang ano... marami kami,” at natawa si Glaiza.
“Marami kami na naka-assign sa kanya-kanyang projects ngayon kasi like katulad nung restaurants, it’s Ken Chan’s ano talaga, forte, idea. Baby niya iyan.”
Binanggit rin ni Glaiza ang mga non-showbiz na kasosyo nila na may kanya-kanya ring expertise na hawak sa Wide International.
“And then ako naman, ang contribution ko is sa entertainment, sa films, sa creatives, ganyan. So, excited ako kasi mailalabas ko yung mga gusto kong gawin.
“And ayun na nga po, thru Slay Zone, nagawa ko siya, nasimulan ko siya.”
Bukod sa Slay Zone, ang Wide International Film Productions ang nag-produce ng paleikula ni Ken na Papa Mascot na ipinalabas nitong 2023.
Going back to Glaiza, tinanong namin ang Kapuso actress kung hindi ba mahirap na bilang parte ng Wide International ay producer na siya and at the same time ay artista rin ng Slay Zone?
“Hindi naman po, kasi nauna naman talaga na naka-set naman talaga yung mind ko na aarte ako sa pelikula. So, hindi ganung kalaki yung responsibility ko, yung weight ng pagpo-produce.
‘Siguro in terms of like, creative side, nandun yung contribution ko pero sa mga logistics naman, andami naman pong taong tumutulong kaya hindi ganun kabigat.”
GLAIZA PUTS BABY PLANS ON HOLD
Sobrang busy si Glaiza, paano ang pagbuo nila ng pamilya ng mister niya?
Ikinasal sina Glaiza at Irish businessman na si David Rainey noong Enero 23 sa Zambales at nauna na rito ay ikinasal rin sila noong Oktubre 2021 sa Northern Ireland.
“Naka-schedule po siya, naka-line up,” ang nakangiting wika ni Glaiza, “Isa po iyan sa mga naka-line up.”
Marami na ang nag-aabang kung kailan sila magkakaroon ng baby.
“Hindi ko pa po alam pero we’ll see. Gusto po munang tapusin yung mga commitments, siyempre nag-start na rin kami ng Sang’gre,” pagtukoy ni Glaiza na gaganap muli bilang Pirena sa inaabangang fantaserye ng GMA, ang Encantadia Chronicles: Sang’gre nina Bianca Umali, Angel Guardian, Kelvin Miranda at Faith da Silva bilang mga bagong Sang’gre.
Pagpapatuloy muli ni Glaiza, “Although siyempre marami naman, may mga bago nang tagapangalaga ng brilyante, pero exciting kasi yung story ni Pirena ngayon, excited ako na ituluy-tuloy siya.
“Tapos, meron pang Running Man so parang sa ngayon hindi ko pa siya talaga nasisimulan pero nakaplano na, napapag-usapan na namin.”
Ngayong May 11 ay eere na ang Season 2 ng Running Man Philippines nina Glaiza, Angel, Kokoy de Santos, Lexi Gonzales, Buboy Villar at Mikael Daez at ang bagong runner na si Miguel Tanfelix.
Ayos lang raw kay David kung sa ngayon ay sa kanyang showbiz career muna nakatutok si Glaiza.
Aniya, “Ever since naman po, nandun siya sa kung ano yung schedule ko kasi very flexible naman yung schedule niya.
“Although ang masaya po dun tinutulungan niya ako na mas mapagaan yung schedule ko, yung hindi niya ako binibigyan ng pressure to… parang may deadline. Walang deadline sa kanya.
“So okay lang naman.”
